Wednesday, July 25, 2012

Pahiwatig

Napansin ko na lamang na naglalakad ako sa isang pamilyar na lugar.  Hindi ko alam kung kailan ako nakarating dito, ngunit batid kong nanggaling na ako dito.  Sinalubong ako ng isang lalaking may katamtamang taas, nakangiti na para bang kilalang-kilala na ako. Pangkaraniwan ang kanyang kasuotan - naka T-shirt na asul, naka-itim na pantalon, naka-sapatos na balat.

Iginiya nya ako papasok sa isang malaking auditorium.  Wala akong maaninag sapagkat nababalot ito ng kadiliman.  Pagkaupo ko sa isang bakanteng silya, nagsalita ang lalaki na para bang maraming kausap.  “Tinipon kayo sa silid na ito upang suriin ang inyong buhay.”


Katahimikan.

Biglang nagbalik sa aking alaala kung nasaan ako.  Pangalawang ulit na itong nangyayari sa akin!


Nanigas ang buo kong katawan at nagpilit akong tumakbo palabas ng silid, subalit parang may kung anong pwersang nagtatali sa akin sa upuan.


Narinig kong muli ang tinig.  “Maaaring unang pagkakataon pa lamang ito sa iba, pang-ilang ulit na sa iba.  At sa iba pa, hindi na nila maalala kung dumaan na sila dito o hindi pa.”


Sumindi ang isang nakabubulag na liwanag.  Marami akong nakitang tao sa aking paligid. May bata, may matanda, may babae, may lalaki.  Iisa lamang ang nakilala ko sa karamihan ng taong iyon.  Isang kaibigan na itatago na lamang natin sa pangalang Anita.


Isa-isang tinawag ang mga pangalan ng mga taong nakaupo.  Sa bawat paglapit ay kasabay ang pagbubukas ng isang malaking telon sa aming harapan.  Para kaming nasa loob ng isang sinehan.  Gumuguhit sa telon ang buhay ng mga taong tinawag ng lalaking nagsasalita kanina. Pagkatapos isa-isa silang lumalabas – mayroon sa gawing kanan na lagusan at ang iba naman ay sa bandang kaliwa.


Hanggang tatlo na lamang kaming naiwan.  Ako, si Anita, at isang matandang babae.  Unang tinawag ang matandang babae.  Pagkatapos ay ako, sumunod si Anita.  Nakakapagtakang hindi kami pinalabas kaagad pagkatapos ipakita ang aming buhay sa malaking telon.


Pumagitna ang lalaki sa amin at nagwika, “Ito na ang huling desisyon.”  Natutop ko ang aking dibdib sapagkat pamilyar na sa akin ang magaganap.  Palalabasin ako sa kaliwang pinto at hindi na makakabalik sa piling ng aking mga magulang, kapatid, at mga kaibigan.


Nagsimula nang mangilid ang aking mga luha.  Anumang oras ay lalagpak na ang mga iyon sa aking pisngi.  Waring wala pa ring nalalaman si Anita at ang matandang babae kung ano ang nagaganap.  Patuloy silang naghihintay sa sasabihin ng lalaki.


Nilingon ng lalaki ang matandang babae.  “Nanay, maaari na kayong lumabas sa kanang pinto. Salamat po.”  Sumunod nito’y ang pabalik-balik na tingin nya sa amin ni Anita.


“Batid kong ang isa sa inyo ay nakatatanda na kung ano ang dapat maganap.”  Kasunod nito’y ang pagtitig ng lalaki sa aking mga mata.  Hindi ako kumukurap.


“Anita, maaari ka ng lumabas sa kanang pinto.”


Wari’y batis na umagos ang luha sa aking mga mata.  Nawalan ng lakas ang buo kong katawan at pakiramdam ko’y mabubuwal ako sa aking kinatatayuan.  Alam ko na talaga ito!


“Bakit ako na naman?  Marami pa akong hindi nagagawa sa labas.  Malulumbay na labis ang aking mga magulang at mga kapatid.”


Nagsalitang muli ang lalaki, “Nabigyan ka na ng pangalawang pagkakataon para ayusin ang iyong buhay at gawin ang nararapat.  Subalit sinayang mo ang ikalawang pagkakataon.  Hindi ka na kailanman makababalik pa sa kanila.”


Alam kong panay ang sigaw ko subalit parang walang nakaririnig.  O maaaring wala rin talagang tinig na lumalabas sa aking bibig.


Nakiusap ako sa lalaking aking kaharap.  “Maaari bang sa huling pagkakataon ay makapagpaalam ako sa kanila?  Naghihintay sila sa aking paglabas.  Parang awa mo na.”


Umayon naman ang lalaki.


Dali-dali akong lumabas sa silid sa direksyong aking dinaanan kanina.  Pagbukas ng pinto, nakita ko ang aking nanay at tatay kasama ang aking mga kapatid, mga tiyo at tiya, at ang aking mga piling kaibigan.  Wala na akong ibang mabigkas kung hindi ang mga salitang, “Hindi na po ako makababalik.  Maraming salamat po sa lahat.  Mahal na mahal ko kayo.”


Nakita ko ang pagguhit ng hapis sa mukha ni nanay.  Hindi ko na rin nagawang lumingon sa lahat sapagkat lalo lamang akong mahihirapang tanggapin ang nakatakda.


Niyakap ko sila ng mahigpit at unti-unting humakbang palayo.


Humahagulgol na ako habang pabalik sa direksyong papasok sa auditorium.  Umiiyak ako hanggang sa magsikip ang aking dibdib na halos hindi na ako makahinga.


At bigla akong nagdilat.


Madilim ang aking silid.


Hilam ng luha ang aking mga mata.


Isang panaginip lang pala.  Salamat sa Diyos.



No comments:

Post a Comment