Wednesday, May 4, 2016

Certified NBSB - Part 8

Parang tinatambol ang dibdib ko pagkarinig ko sa boses ng babae sa kabilang linya. Dali-dali kong pinindot ang "End call" sa screen ng telepono ko.  Napasandal ako sa aking bedside table at pakiramdam ko'y tila ba binuhusan ako ng malamig na tubig sa buong katawan.

Maya-maya ay  napaupo na ako sa gilid ng aking kama. Napatingin ako sa repleksyong nasa salamin.  Hindi na siya ang babaeng maaliwalas ang mukha.  Napalitan na ito ng isang babaeng hilam ng luha ang mga mata.


Naputol lamang ang aking pagmumuni-muni nang mapansin kong lumiwanag ang screen ng aking mobile phone.  Hindi ko na sinubukang alamin kung sino ang tumatawag.  Alam ko na.  Hinayaan ko lamang syang umilaw nang umilaw.  Magsasawa din siya.  Mapapagod din siya.


Matapos ang sampung minuto ay naramdaman ko ang pagpanhik ni Nanay patungo sa aking silid.


Bahagya siyang nagulat nang makitang umiiyak ako.  Wari ko'y may ideya na sya sa kung ano man ang nangyayari.


"'nak, nasa telepono si Wilson.  Gusto mo bang kausapin?"


Umiling ako nang paulit-ulit habang iniiwasan kong mapahagulgol.  Mabilis akong pumihit pahiga sa aking kama, patalikod mula sa kaniya upang hindi na niya makita ang pagbalisbis ng luha sa aking magkabilang pisngi.  Narinig ko na lamang ang mga papalayo niyang hakbang.


Sa pagitan ng aking mga hikbi ay naulinigan ko ang sinabi ni Nanay sa telepono, "Wilson, anak, kung ano man ang inyong hindi pagkakaunawaan, maaayos din yan.  Bayaan mo lang muna si Tin, ganun lang yun.  Pasasaan ba at pag wala na ang toyo nun, eh kakausapin ka na din.  Mag-iingat kang palagi dyan... Ok sige, bye."


Pasado alas-tres na ng hapon nang kumalam ang aking sikmura kaya naisipan ko ding bumaba para kumain.  Sinipat ko muna ang aking sarili sa salamin - mugto ang mga mata at namumula ang ilong.  Inayos ko lamang ang tali sa aking buhok at diretso na ding pumunta sa kusina.


Nang malamnan ang aking tiyan ay bumalik na din ako sa aking silid.  Parang robot ang aking bawat hakbang.


Noon ko pa lamang kinuha ang mobile phone ko na iniwan kong nakapatong sa mesa.


     Hunney Wilson (16 missed calls)


     Drew (5 missed calls)


     (7 unread SMS)


     Hunney Wilson (8:58):  Hon, nasa labas ako when you called.  Wait, I'll call you...
     
     Hunney Wilson (8:59):  Pick up your phone, pls?

     Hunney Wilson (9:10):  Hon, answer the phone.  PLS?  PLS?  Honey ko... :(  Wag naman      ganito...


     Hunney Wilson (9:13):  Hon, kausapin mo ako please.

     Drew (9:16):  Kristinella, anyare?  Wilson called me, di mo daw sinasagot tawag nya?        But he didn't say anything.  Confirmed ba?  Call me, please!

     Hunney Wilson (9:17):  Let's talk pag ok ka na ha?  Pls?  Dito lang ako... Wavu.  :(

     Drew (9:20):  Tin!  Call me, when you're ready, k?
    

Automatic na lamang tumulo ang mga luha ko.  Muli kong ibinagsak ang katawan ko sa kama.  Hindi ko pa man sya nakakausap ay napakarami nang tumatakbo sa aking isipan. Pilit kong pinagtatagni ang mga pangyayari mula nang umuwi ako galing Dubai hanggang sa kanina.  Napakaraming katanungang sumasagi sa isip ko pero wala akong mahugot na kasagutan.


Bandang alas-syete ng gabi ay dumating sa bahay si Drew kasama si Myrtle, Gelai, at Czarina. Walang nangahas magsalita.  Sinipat ko lamang sila sa siwang ng aking comforter pero hindi ako bumangon.  Lalo kong naramdaman ang sakit kasi dumating na ang mga kakampi ko. Marahang umupo si Drew sa aking tagiliran.  Tahimik.  Si Myrtle, Gelai, at Czarina nama'y kanya-kanyang hanap ng mauupuan sa maliit kong silid.


Ilang minutong katahimikan.  Ang tanging naririnig namin ay yung tik-tak ng kamay ng orasan.


Hinawakan ni Drew ang balikat ko.


Nagsimula sa hikbi.  Maya-maya ay humahagulgol na pala ako ng iyak.


Tahimik pa rin sila, maliban kay Czarina.  "Wala talagang kwenta 'yang lalaking yan!  Matapos natin pakisamahan, ganito pa gagawin nya?!  Naku!!!  Huwag na huwag syang magpapakita sa akin at talaga namang baka di ko mapigilan ang sarili ko!"


Sumagot si Myrtle, "Sandali lang.  Relax lang tayo.  Di pa natin alam ang buong kwento."


"At ano pa ba ang malabo dun?  Babae ang sumagot sa telepono!  Babaeng buntis ang kasama nya nung nakita sya ni Randolph!  One plus one!  Haaaayyy!!!"


Si Drew naman ang nagtanong, "Bes, kumain ka na ba?"


Para akong isang bata na naglalambing kay Drew.  Ngumuso ako at umiling.  Parang hindi ko nararamdaman ang gutom mula nang kumain akong bahagya noong hapon.


Inalalayan ako ni Drew para makabangon mula sa pagkakahiga.  Nanlalambot pa rin ang aking pakiramdam.  Nagtanong si Gelai kung may gusto akong kainin, subalit umiling lang ako.


Nagsalitang muli si Drew, "Bangon na.  I know exactly what you need right now.  Magbihis ka."  Pagkarinig noon ay parang synchronized swimmers na tumayo si Myrtle, Gelai, at Czarina.


Pumunta si Myrtle sa toilet ko para kumuha ng plangganang may tubig, bimpo, at sabon.  Si Gelai naman ay awtomatikong nagbukas sa aking cabinet para kumuha ng maayos na jeans at T-shirt.  At si Czarina, "Ihahanda ko lang ang sasakyan.  Papaalam ko na din kay 'tay Ed at 'nay Lucy na kakaladkarin natin itong lukaret na 'to."


Kahit na hindi maganda ang aking pakiramdam ay gumaan ito kahit paano sa pagdating ng apat kong kaibigan.  Napangiti na nga lang din ako nang maisip kong para akong maysakit kung alalayan nila.


Walang traffic palabas ng kamaynilaan dahil lampas na sa rush hour.  Rock music ang nakasalang na tugtugin sa sasakyan, bawal ang sentimental songs.  Kahit paano'y naramdaman ko din ang bahagyang gutom nang makita ko kung saan kami papunta.  Dahil alangang araw ay maluwag ang parking.


LZM Restaurant.


"Girl, dito na muna tayo mag dinner sa Silang branch, ha?  Di ko na kayang mag-drive pa hanggang Tagaytay dahil tom jones na ko!  Ano'ng petsa na!  Pagkakain saka tayo aakyat," masiglang biro ni Czarina.


Kahit paborito ko ang bulalo at daing na bangus sa restaurant na ito ay bahagya ko lamang nagalaw ang pagkain.  Mararamdaman ko na lamang ang biglang pagtitig nilang lahat sa akin o ang manaka-nakang pagsiko ni Drew para kuhanin ang atensyon ko pabalik sa kanila. 


Dumiretso kami sa isang kapihan sa may Summit Ridge sa Tagaytay.  Masarap ang simoy ng hangin kaya naisipan nilang al fresco coffee bonding ang aming gagawin.


Sa kasagsagan ng malulutong nilang halakhakan ay nag-vibrate ang aking teleponong nakapatong sa gitna ng mesa.  Maagap itong kinuha ni Gelai upang tingnan kung kanino nanggaling ang text.


"Hmp!  Duh!!!"  Pagkasabi nito'y iniabot din agad ni Gelai ang telepono sa akin para mabasa ko ang mensahe.


     Hunney Wilson:  Hon, mahal na mahal kita.  Let's talk soon, k?  Uuwi ako next week - emergency leave ng 5 days.  Pag-usapan natin 'to...


May kung anong bikig na tila humarang sa aking lalamunan.  Nanikip ang aking dibdib kaya kinuha ko ang bottled water ni Drew at nilagok iyon.  Tinitigan kong mabuti ang message ni Wilson.  Humugot ako nang isang malalim na buntung-hininga.


Swipe to the left.


Delete.


_______________________________________


Itutuloy :)  Abangan ang huling dalawang kabanata!



Certified NBSB - Part 1


Certified NBSB - Part 7


Certified NBSB - Part 9

No comments:

Post a Comment