Monday, August 31, 2015

Certified NBSB - Part 6

"Hello, miss. Pwedeng makipagkilala?"  Pabirong bati ni Wilson sabay abot ng kulay pink na bouquet sa akin. Kasunod nito'y ang bahagyang pagdampi ng kanyang mga labi sa aking kanang pisngi.

Para akong napadikit sa isang magnet pagkaabot nya ng mga bulaklak.  Hindi ako makakilos sa kinatatayuan ko.  Hindi rin ako makapagsalita.  Ang daming tumatakbo sa isipan ko pero wala akong maintindihan ni isa man.

"Ma'am, mauuna na po ako sa inyo," paalam ni Mang Joel na syang kasabay ko sanang umuwi.  'Yun lamang ang tila nakapagpabalik sa akin sa kasalukuyan.  Napatango na lamang ako nang bahagya bilang pagsang-ayon kay Mang Joel para magpatiuna na.

Totoo talaga.  Andito na si Wilson galing Dubai!  First time naming nagkita ngayon in person.  Dinig na dinig ko ang kabog ng dibdib ko sa sobrang kaba at pagkasorpresa at excitement!  Hindi ko malaman kung ano ang dapat kong ikilos.  Ngingiti ba ako?  Yayakapin ko ba sya?

Nang bigla kong naalala... ni hindi ko nga pala nakuhang magsuklay buong araw sa dami ng trabaho kanina.  Hindi ko na nga din tila nasipat ang sarili ko sa salamin bago umalis ng opisina.

Wala pa ring salitang namumutawi sa bibig ko.  Tahimik lamang akong nakatingin sa kanya habang bahagyang inaamoy ang mga bulaklak na galing sa kanya.

Pilit kinuha ni Wilson ang paper bag na bitbit ko.  Pagka-abot ko nito ay diretso na din niyang hinawakan ang aking kaliwang kamay.  Sasal na naman ng kaba ang dibdib ko!

Holding hands while walking.

Pakiramdam ko ay nag-blush na naman ako nang mga sandaling iyon.

"Hon, 'di ka ba masayang andito ako? Ang tahimik mo eh!"  Usal ni Wilson habang iginigiya nya ako papunta sa maliit na pavement papunta sa parking sa gilid ng building namin.  Maya-maya pa'y narinig ko na ang tunog ng alarm ng isang kotse kasabay ng pag-ilaw nito sa bandang gitna ng parking lot.  Ito marahil 'yung Honda Accord na nabanggit nyang binili nya para sa 30th wedding anniversary ng parents nya noong September.

Pagtapat sa kulay maroon na sasakyan ay huminto ako sa paghakbang at pumihit ako paharap sa kanya.  Natatamaan sya ng ilaw ng poste na nasa gilid ng kaniyang parking slot.  Tiningnan ko syang mabuti.  Nakangiti sya.

Pinisil ko ang kamay niyang nakakapit sa aking kaliwang kamay at inabot ko din ang kabila niyang kamay.  Nang hawak ko na ang mga ito ay saka ako nagsalita, "Hon, masaya ako na andito ka.  Grabe lang talaga ang pagka-surprise ko.  Ang haggard ko pa naman ngayon.  Walang suklay.  Walang lipstick.  Nakakahiya."

Napangiti si Wilson sa mga sinabi ko.  Napapailing nyang inunlock ang sasakyan at binuksan ang passenger's side para makasakay ako.

"Saan mo gustong mag-dinner?  Treat ko," sambit ni Wilson sabay siko sa akin.

"Sa bahay na lang tayo kumain.  Hinihintay ako nina nanay kasi paborito ko ang ulam..."

"... patola con miswa..."

Malakas kaming nagkatawanan nang sabay naming sabihin ang patola con miswa.  Alam nya na talaga ang mga favorite ko.

"Nag-text na ko kay nanay na pauwi na ako, pero hindi ko pa sinabing kasama kita, para ma-surprise din sila."

Dumaan muna kami saglit sa isang branch ng Conti's para bumili ng mango bravo para sa dessert.

Gaya nang inaasahan ay nagulat din sina tatay at nanay.  Pabiro pang nagtampo ang nanay ko dahil hindi ko man lang daw sya inabisuhan para nakapagbihis ng maayus-ayos na daster.  Inabot na ng halos hating-gabi bago natapos ang masayang kwentuhan.  Saka lamang nagpaalam si Wilson nang sinenyasan kong malalim na ang gabi.  Pauwi pa kasi siya ng Cavite kaya pilit ko na ding pinauwi at baka mag-alala pa ang mga magulang nya.

Inihatid ko sa may terrace si Wilson nang makapagpaalam na sya sa nanay at tatay ko.

Ginagap nyang muli ang mga kamay ko.

"This is one of the happiest days of my life.  I'll see you tomorrow, hon, ha?  Yung solo naman kita.   Sunduin kita dito ng mga 10:30?   Brunch and then bahala na kung saan tayo makapamasyal.  Weekend is with me."

Pagkasabi nito'y mabilis nya akong hinalikan sa noo sabay sabing 'I love you, hon.  Good night.'

Magdamag akong hindi nakatulog.  Pinuyat ko din si Drew sa telepono para ikwento ang mga kaganapan at para makapagtanong na din ako kung ano ang isusuot ko sa date namin kinabukasan. Panay ang message nina Gelai, Czarina, at Myrtle sa Facebook.  Alam na din nilang andito na si Wilson.  Wala talagang pwedeng isikreto sa mga kaibigan ko.  Seen-zoned muna sila.  Imi-meet ko na lang sila sa Sunday after ng date namin bukas.

Alas syete pa lang ng umaga ay nakahanda na ang isusuot ko.  Nakahanda na rin ang hair dryer na minsan ko lang atang nagamit mula nang mabili ko ito sa isang sale.  Maya-maya pa ay narinig ko na ang matinis na boses ni Drew habang tinutukso ang nanay ko sa may komedor.

"Magmamanugang ka na po ba, 'nay Lucy?  Ihanda na ang pinatabang baka ng Tatay Ed!  Panhikin ko lang po muna si Tin at kailangang maganda sa first date!"

"Bessss!!!" Tili ko nang maramdaman ko na ang mga yabag nya sa may tapat ng kwarto ko.

Fully supportive ang bestfriend ko sa lovelife ko.  Hindi na daw muna nya sinabi sa tatlo na pupunta sya sa amin para hindi sila magtampo.

Ang daming bilin ni Drew!

"Bes, wag kang mag-oorder ng spaghetti.  First date nyo.  Clumsy ka pa naman, naka white pants ka pa."

"Bes, relax lang.  Act natural.  Boyfriend mo ung kasama mo, hindi mamamatay-tao."

"Bes, 'yaan mong sya ang magbayad ng bill.  Madami syang uwing dollars, hahaha!"

Madami pa syang sinabi pero wala na akong ibang natandaan dahil narinig na namin ang pagpasok ng kotse ni Wilson sa aming looban.

Niyakap ako ng mahigpit ni Drew. "This is it, bes! Break a leg! I love you. Enjoy the moment."

"Bes! Be safe.. wag munang isusuko ang Bataan, ha!"

"Sira!" Natampal ko sa balikat si Drew pagkasabi noon at sabay kaming nagkatawanan habang naglalakad palabas ng aking kwarto para imeet si Wilson.

Mabilis namang nagkapalagayan ng loob si Wilson at si Drew.  Maya-konti pa ay nagpaalam na din kami sa kanila.

"This is it, pancit!  My first date," sambit ko habang ikinakabit ang seatbelt sa aking upuan.  Nakangiti si Wilson habang iginigiya ang sasakyan papalabas ng aming bakuran.

Pa-South ang tinatakbo ng aming ruta kaya naisip kong baka uuwi kami sa kanila sa Cavite.  Pero lumampas na kami sa arko ng bayan nila ay diretso pa rin sa pagmamaneho sa Wilson.

"Pa-Tagaytay tayo, hon.  Saan mo gustong mag brunch?"

"Ahhmmm.. pwedeng dumaan muna tayo sa Lourdes?  Matagal-tagal na din akong hindi nakasisimba dun mula nang mapauwi na kami sa Manila."

Nag-park kami sa gilid ng bagong simbahan ng Our Lady of Lourdes sa Tagaytay.  Higit na malaki ito kaysa sa lumang chapel na ngayon ay bahagi na ng formation house.   Medyo ma-traffic na din pa-Cavite kaya tanghaling-tapat na kami nakarating sa Tagaytay.  Walang misa nang oras na iyon, kaya pumasok na lamang kami para magdasal.  Naglagi kami sa loob ng mga labinlimang minuto bago ko sya hinudyatan na pwede na kaming umalis.

Sa Bag of Beans namin naisipang mananghalian.  Maganda ang ambiance.  Disyembre noon kaya mas malamig ang panahon kaysa sa mga nagdaang buwan.  Mabuti na lang pala at naka-cardigan ako.  Manaka-naka pa ang tao dahil maaga pa.  Ang bida sa amin ng mabait na waiter ay sa hapon pa magsisimulang dumagsa ang mga tao dahil paakyat pa lamang galing Manila ang karamihan sa mga customers nila.

Pagkatapos mananghalian ay pumunta kami sa isang bagong-bukas na branch ng Starbucks sa may Tagaytay-Calamba road.  Mas kakaunti ang tao dito kumpara dun sa naunang branch sa may Magallanes.  Tulad nang dati ay kung saan-saan na naman napadpad ang aming usapan.  Mas palagay na ang loob ko sa kanya ngayon kumpara noong nagdaang araw sa una naming pagkikita. Hindi na din ako nako-conscious pag hinahawakan nya ang kamay ko o kapag niyayakap nya ako.

Palubog na ang araw nang umalis kami sa kapihan.

Pagbaba ng Bacoor ay dumaan kami saglit sa kanilang bahay at ipinakilala ako ni Wilson sa parents nya.  Mababait ang mga magulang nya.  Kabaligtaran ng tatay ko ang tatay nya.  Palabiro at komikero si Tatay Wilbert samantalang seryoso at hindi palangiti ang Tatay Eduardo ko.  Halos magka-edad at magka-ugali naman ang Nanay Gloria nya at ang Nanay Lucy ko.  Hindi ko nakita ang mga kapatid nya dahil nasa basketball court daw at kasali sa liga ng barangay nila.  May pauwi pang Samala's Bibingka ang Nanay Gloria para sa parents ko.  Specialty daw yun sa Cavite City pero may branch na malapit sa bahay nila kaya may pasalubong ako sa dalawa.

Alas-diyes na nang makabalik kami sa Maynila.  Patay na ang ilaw sa loob ng bahay kaya nahinuha kong tulog na sina nanay at tatay.  Yung ilaw na lamang sa streetlight ang nagbibigay ng liwanag sa aming patio papasok sa may terrace.  Hinagilap ko na ang susi sa bag ko bago pa ako makababa ng sasakyan para hindi na rin ako maggising pa.

Inanyayahan ko pa si Wilson na pumasok sa bahay ngunit tumanggi sya para daw hindi na din makaabala at tyak na nagpapahinga na sina tatay at nanay.  Ibinaba nya sa pasimano ng terrace ang bibingkang pasalubong at saka hinawakan ang kamay ko.

"Hon, thank you for everything.  You are the best thing that has ever happened to me.  Sana ay napasaya kita today kahit mas madalas na magkalayo tayong dalawa.  Mahal na mahal kita."

Walang kurap nyang sinabi ang mga salitang ito.

At bago pa man ako makatugon ay nailapit na pala niya ang kanyang mukha sa akin.  Nakatitig pa rin ako sa kanyang mga mata.  Nagniningning ang mga ito sa kaligayahan.  Naramdaman ko na lamang ang unti-unting paglapat ng mga labi nya sa labi ko.  Ipinikit ko ang aking mga mata. Napakabanayad ng halik nya.  Hindi ko alam kung ano ang gagawin.  Biglang nanlambot ang mga tuhod ko na parang babagsak ako anumang saglit.  Naramdaman ito marahil ni Wilson dahil binitawan nya ang pagkakahawak sa kamay ko para isuporta ito sa aking likuran.  Ang isang kamay naman nya ay bahagyang nakahawak sa aking pisngi.

Nabibingi ako sa kabog ng dibdib ko na para bang sasabog sa sobrang lakas ng tibok.  Parang tumigil ang pag-ikot ng mundo.  It felt like forever!

Parang ayoko nang matapos ang sandaling iyon.

Nakapikit pa ako nang marinig ko ang pabirong udyok ni Wilson. "Hon, uwi na 'ko. Gabi na."  Tila nakukuryente akong napabitaw sa kanya.  Doon ko lang na-realize na nakayakap na pala ako sa kanya.  Napayuko akong bigla nang naisip kong tila nakakahiya ang ginawa ko.  Iniangat nya ang mukha ko para matitigan sya. "Yun ang best kiss na natanggap ko sa buhay ko."

Nagnakaw pa syang muli ng isang halik sa noo bago sumakay sa kanyang kotse.

Naglaho na ang ilaw ng kanyang sasakyan ay nakatanaw pa rin ako sa direksyong binagtas nito. Nakatingin ako sa kawalan habang unti-unting nirereplay ang mga kaganapang namagitan sa aming dalawa.  Dahan-dahan kong ni-trace ang labi ko na kanina lamang ay kadikit ng malambot na labi niya.

First kiss ko si Wilson.  May first kiss na ako.

Totoo nga ang sabi ng iba, may fireworks talaga!

To:  Hunney Wilson (+63999-803-xxxx):  Hon, that was my first kiss.   Thank you for being so gentle. Thank you for this day.  Thank you for making me feel that I'm the prettiest girl in the world.  Wavu to infinity and beyond.

To:  Honey Tin (+63917-555-xxxx):  Nagpa-gas lang ako saglit.  Tulog na. :)  More hugs and kisses to come.  Wavutu. :-*


Mukhang mahaba na naman ang gabi ko...


No comments:

Post a Comment