“Tin?”
“Ahem.”
Nagitla lang ako nang bahagya akong sinipa ni Randolph, isa sa mga
bagong supervisors sa team namin.
Kinakausap pala ako ni Ma'am Ems.
Naramdaman ko na naman ang pag-iinit ng pisngi ko.
“Ahhhmm, I think it will suffice for now, Ma’am. The supervisors just need to discuss it with their
team members thoroughly by first highlighting their strengths and then subtly
moving on to the performance plan. No
beating around the bush. Direct to the
point with data on hand. If the
supervisors need anything prior to the counseling sessions, I can sit down with
them and do some simulations.”
Pagkasabi ko nito’y in‑adjourn na din ng boss ko ang meeting.
Habang papalabas ng huddle room ay narinig ko ang mahinang tawa ni
Ma’am Ems sa aking likuran. “Someone’s
mentally absent today in my meeting. Iba
talaga pag in love.”
Napalingon ako at tila napapahiyang ngumiti sa kanya.
“Sorry, Ma’am, it won’t happen again.”
“No, you did well. The input you gave to the new supervisors
is a good one. I just noticed that all throughout the meeting, eh hindi
mawala-wala ang ngiti sa mga labi mo. How’s the boyfriend?”
At muli akong napangiti.
Two months na pala mula nung magkaroon ako ng first boyfriend. Si Wilson.
Nasundan pa ng ilang flower bouquets ‘yung unang ipinadala nya sa akin
nung Marso. Matapos ang apat na buwan na
online at long-distance na panliligaw, sinagot ko siya.
Hindi na ako NBSB. Hindi na
ako no-boyfriend-since-birth girl.
Wala namang nagbago sa routine ko.
Napansin ko lang na medyo mas magaang ang mga gawain at mas positive ang
pananaw ko sa mga bagay-bagay.
Over the weekend, manonood sana kami ng sine nina Czarina,
Myrtle, at Drew. Girl bonding. Pass daw muna si Gelai dahil busy na rin sa
paghahanap ng suppliers para sa wedding nila ni Frank. Unfortunately, may low pressure area on the
day of our movie date, so tinamad lahat umalis ng bahay.
Nag-SMS ako kay Wilson just to update him na di kami natuloy ng
mga kaibigan ko.
Tin: Hon, canceled ang d8 ko w/ d girls. Mejo maulan, tnmad lht umalis ng bhay. J
Wilson: Gud.
Better b safe @ home. Teka, mag
OL aq. RD ko, remember?
Automatically, bitbit ko na ang laptop pagbaba ko sa komedor. Saturday nga pala ang rest day nya
ngayon. Habang nagbu-boot ang laptop ay
inilabas ko ang isang pitsel ng pinapalamig kong iced tea galing sa ref. Nag-microwave din ako ng isang ensaymada na
uwi ni nanay galing sa bakery sa kanto kanina.
Nag-log ako sa Skype para dun kami mag-usap.
Wilson: Hi hon!
Musta?
Tin: Ok naman.
Eto maulan pa rin. Kinakabahan
nga ang Tatay at baka umapaw na naman ang ilog sa likuran namin. Namimiss nga
nun ang bahay namin sa Batangas. Kung
dun pa din daw kami nakatira, kampante ang loob nya na di kami babahain.
Wilson: Naku, wag naman sana. Wala pa namang makakatulong ang Tatay
mag-awas ng gamit, wala ako dyan.
Tin: Kumusta sa Cavite?
Wilson: Ayun, ok naman daw. Tumawag ako sa mga Nanay kanina, mahina naman
daw ang ulan. At saka medyo mataas ung
lugar namin, kaya di bahain.
Habang magkausap kami ay pumasok naman ang Nanay ko sa kusina
bitbit ang pinamiling ulam para sa aming pananghalian. Nang malinis at maiayos ang mga ito ay
humarap saglit kay Wilson para kumustahin ito.
Wilson: Kumusta po, Nanay Lucy?
Nanay Lucy: Eto, ayos naman, anak. Mag-iingat kang palagi dyan. Umiwas sa mga basag-ulo, hane?
Wilson: Opo.
Mabait po akong bata, hehehe.
Nanay Lucy: O sya, ako ga ay nangamusta lang. Iiwan ko na muna kayo at kailangan na magluto
ng pananghalian.
Halos isang oras pa kaming nagkulitan ni Wilson. Nagkapaalaman lang nang malapit na ang
tanghalian dahil nasa komedor ako at kailangan ko na ding ihanda ang mesa.
Wilson: Sige na, hon.
Maghain ka na dyan. Next time na
tayo mag‑kwentuhan ulit.
Tin: Yes po, hon.
Ikakain na lang kita ng maasim na pork sinigang ni Nanay!!! Ingat kang palagi dyan and pray palagi, ha?
Wilson: Opo.
Sige na hon, babangon na rin ako para maglaba. Hehehe.
Wavu!
Tin: Wavutu!
And amishu!
Sa mga ganoon lumilipas ang free time naming dalawa ni Wilson.
Manaka-naka nga ay nakatatanggap pa ako ng snail mail galing sa
kanya. Effort talaga sa pagsusulat at
paghuhulog sa post office. At dahil
hindi naman bumibili ng stationery, ordinaryong bond paper lang ang sinusulatan
at nilalagyan na lang niya ng kung anuanong dibuho sa paligid. At dahil doon, natuto din akong gumawa ulit
ng liham – the old fashioned way.
Mahilig din syang gumawa
ng mga surpresa. Nariyang tawagin ako ng
receptionist namin dahil may naghahanap daw sa akin pero hindi naman pamilyar
ang pangalan. Paglabas ko ay saka
magpapakilalang kasamahan daw sya ni Wilson sa Dubai at may iaabot lang daw
syang padala para sa akin – isang malaking jar ng Galaxy Jewels na
tsokolate. May isang pagkakataon na
isang kilong Patchi chocolates naman ang bitbit ng boss nya na Pinoy din na
nagdesisyon nang manatili sa Pilipinas.
Nitong nakaraang buwan nga ay sneakers naman ang ipinadala sa kasamahan
nya. May nakadikit pang sticky note sa
kahon “Para couple’s shoes natin, hon :)”
Masaya pala talagang
ma-inlove. Para akong laging nakalutang
sa ‘cloud 9’ ika nga. Ang dami naming
plano para sa kinabukasan. Ang dami-dami
naming napag‑uusapan … pulitika, trabaho, buhay, pamilya, pangarap, pera. Anything under the sun talaga.
Sa tuwing nagdadasal ako,
isa lang ang palagi kong sinasabi sa Diyos.
“Sana po ay siya na ung gift Mo para sa akin.”
Habang tumatagal ay lalo
kong nakikilala kung gaano kabuting tao si Wilson. May pagpapahalaga sa mga magulang at
kapatid. Masinop sa pera. Maingat sa gamit. Sweet.
Dahil sa mga bagay na iyon, lalo ko siyang minahal.
Pero doon ko na-realize,
mahirap din pala ang long distance relationship. First boyfriend tapos long distance agad. Habang lumalalim yung feelings ko para sa
kanya ay mas tumitindi din ‘yung kagustuhan ko na makita at makasama na sya.
“Bes, musta naman ang buhay
may-bf?” tanong ni Drew isang
beses na tumambay ako sa bahay nila.
“Ayos naman. Masaya. Pero mahirap pala.” Sambit ko.
“Naisip ko kasi na mahirap
din pala na malayo ang taong mahal mo.
Sa mga panahong sobrang saya mo o mayroon kang natanggap na magandang
balita, sa text o sa internet lang kayo magkakausap para i-share sa kanya ung
magandang balita. Sa mga panahong
naiinis ka o napapagod sa mga bagay‑bagay, online lang ang pagsasabi nya sa iyo
ng “Don’t worry, everything will be okay.
Kaya mo ‘yan.” Imaginary ang mga
hawak ng kamay kapag natatakot ka.
Ilusyon lang ang pagsama nya sa iyo sa mga medical checkup mo. Mag-isa ka pa ding pumupunta sa mga okasyon
ng pamilya at ng barkada. Wala ka pa
ding “shoulder to lean on” pag nanonood ng movies. In short, virtual lahat.”
“Nakakapagselos naman ‘yang
si Wilson! Dati-rati eh sa akin mo
sinasabi lahat ‘yang mga joys, fears, at kung anu-anong milestones sa buhay mo. Hmp!” Pabirong umingos si Drew.
“Bes naman eh… wag ganyan.
Moment ko ‘to.” Pagkasabi ko noon ay niyakap ko si Drew.
Isang malalim na
buntung-hininga.
“Okay lang ‘yan,
Bes. Kailangan nyo lang maging open sa
isa’t isa. Constant communication at
trust ang sikreto ng LDRs” usal ni
Drew. “By the way, kelan ba ang
bakasyon nya?”
Hmm.. kailangan nga
ba? Clueless ako. Sabi nya, wala pa daw schedule ang bakasyon
nya nung huling nag‑usap kami sa phone.
Nasa UK daw ang manager nila kaya di pa mapirmahan ang naka-plot na mga
vacation leaves.
Lumipas ang mga araw tulad
nang nakagawian namin.
“Ma’am Tin, di pa po ba
kayo uuwi? Late na po,” sambit ni Mang Joel habang isa‑isang pinapatay ang
mga ilaw sa opisina.
“Pauwi na din, Mang
Joel. Sabay na tayo. Isesend ko lang itong isang report na
kailangan ni Ma’am Ems sa conference call nya bukas ng umaga. Napaka-toxic nang araw na ito. Haaaayyy…”
“Opo nga, Ma’am. Parang halos maghapon po kayong nasa mga
meeting.”
Nagpakawala ako ng isang
malalim na buntung-hininga kasabay ng pagpatay ko sa monitor ng aking desktop. “Naku, sinabi mo pa. Hindi ko nga nakuhang magsuklay sa maghapong
lumipas. Tara na.”
Masaya pa kaming
nagkukwentuhan ni Mang Joel hanggang sa paglabas namin ng elevator. May mangilan-ngilan pang tao sa lobby ng
building, mga taga-ibang kumpanya sa ibang floor base sa mga lanyard at ID na kanilang
suot.
Pagdaan namin sa tapat ng reception
area ay nginitian ko si Mang Rudy, ang panggabing security sa building namin. “Ma’am, ingat po pag-uwi.” “Thank you po, Mang Rudy. Mahaba pa ang gabi ninyo. Mauuna na po kami ni Mang Joel.”
Paglampas na paglampas ng tingin ko kay Mang Rudy ay biglang nanikip ang dibdib ko. May nahagip ang aking mga mata, subalit hindi ako sigurado kung tama nga ang aking nakita. Baka dala ng pagod ko sa buong maghapon. Guni-guni. Gutom.
Para makasigurado ay lumingon
akong pabalik sa waiting area sa tabi ng reception.
Parang naging jell-o ang
mga tuhod ko.
Si Wilson. Naglalakad papalapit sa akin. May dalang isang malaking bouquet ng pink
tulips.
______________________
Certified NBSB – Part 4
Certified NBSB – Part 6
No comments:
Post a Comment