Monday, August 31, 2015

Certified NBSB - Part 6

"Hello, miss. Pwedeng makipagkilala?"  Pabirong bati ni Wilson sabay abot ng kulay pink na bouquet sa akin. Kasunod nito'y ang bahagyang pagdampi ng kanyang mga labi sa aking kanang pisngi.

Para akong napadikit sa isang magnet pagkaabot nya ng mga bulaklak.  Hindi ako makakilos sa kinatatayuan ko.  Hindi rin ako makapagsalita.  Ang daming tumatakbo sa isipan ko pero wala akong maintindihan ni isa man.

"Ma'am, mauuna na po ako sa inyo," paalam ni Mang Joel na syang kasabay ko sanang umuwi.  'Yun lamang ang tila nakapagpabalik sa akin sa kasalukuyan.  Napatango na lamang ako nang bahagya bilang pagsang-ayon kay Mang Joel para magpatiuna na.

Totoo talaga.  Andito na si Wilson galing Dubai!  First time naming nagkita ngayon in person.  Dinig na dinig ko ang kabog ng dibdib ko sa sobrang kaba at pagkasorpresa at excitement!  Hindi ko malaman kung ano ang dapat kong ikilos.  Ngingiti ba ako?  Yayakapin ko ba sya?

Nang bigla kong naalala... ni hindi ko nga pala nakuhang magsuklay buong araw sa dami ng trabaho kanina.  Hindi ko na nga din tila nasipat ang sarili ko sa salamin bago umalis ng opisina.

Wala pa ring salitang namumutawi sa bibig ko.  Tahimik lamang akong nakatingin sa kanya habang bahagyang inaamoy ang mga bulaklak na galing sa kanya.

Pilit kinuha ni Wilson ang paper bag na bitbit ko.  Pagka-abot ko nito ay diretso na din niyang hinawakan ang aking kaliwang kamay.  Sasal na naman ng kaba ang dibdib ko!

Holding hands while walking.

Pakiramdam ko ay nag-blush na naman ako nang mga sandaling iyon.

"Hon, 'di ka ba masayang andito ako? Ang tahimik mo eh!"  Usal ni Wilson habang iginigiya nya ako papunta sa maliit na pavement papunta sa parking sa gilid ng building namin.  Maya-maya pa'y narinig ko na ang tunog ng alarm ng isang kotse kasabay ng pag-ilaw nito sa bandang gitna ng parking lot.  Ito marahil 'yung Honda Accord na nabanggit nyang binili nya para sa 30th wedding anniversary ng parents nya noong September.

Pagtapat sa kulay maroon na sasakyan ay huminto ako sa paghakbang at pumihit ako paharap sa kanya.  Natatamaan sya ng ilaw ng poste na nasa gilid ng kaniyang parking slot.  Tiningnan ko syang mabuti.  Nakangiti sya.

Pinisil ko ang kamay niyang nakakapit sa aking kaliwang kamay at inabot ko din ang kabila niyang kamay.  Nang hawak ko na ang mga ito ay saka ako nagsalita, "Hon, masaya ako na andito ka.  Grabe lang talaga ang pagka-surprise ko.  Ang haggard ko pa naman ngayon.  Walang suklay.  Walang lipstick.  Nakakahiya."

Napangiti si Wilson sa mga sinabi ko.  Napapailing nyang inunlock ang sasakyan at binuksan ang passenger's side para makasakay ako.

"Saan mo gustong mag-dinner?  Treat ko," sambit ni Wilson sabay siko sa akin.

"Sa bahay na lang tayo kumain.  Hinihintay ako nina nanay kasi paborito ko ang ulam..."

"... patola con miswa..."

Malakas kaming nagkatawanan nang sabay naming sabihin ang patola con miswa.  Alam nya na talaga ang mga favorite ko.

"Nag-text na ko kay nanay na pauwi na ako, pero hindi ko pa sinabing kasama kita, para ma-surprise din sila."

Dumaan muna kami saglit sa isang branch ng Conti's para bumili ng mango bravo para sa dessert.

Gaya nang inaasahan ay nagulat din sina tatay at nanay.  Pabiro pang nagtampo ang nanay ko dahil hindi ko man lang daw sya inabisuhan para nakapagbihis ng maayus-ayos na daster.  Inabot na ng halos hating-gabi bago natapos ang masayang kwentuhan.  Saka lamang nagpaalam si Wilson nang sinenyasan kong malalim na ang gabi.  Pauwi pa kasi siya ng Cavite kaya pilit ko na ding pinauwi at baka mag-alala pa ang mga magulang nya.

Inihatid ko sa may terrace si Wilson nang makapagpaalam na sya sa nanay at tatay ko.

Ginagap nyang muli ang mga kamay ko.

"This is one of the happiest days of my life.  I'll see you tomorrow, hon, ha?  Yung solo naman kita.   Sunduin kita dito ng mga 10:30?   Brunch and then bahala na kung saan tayo makapamasyal.  Weekend is with me."

Pagkasabi nito'y mabilis nya akong hinalikan sa noo sabay sabing 'I love you, hon.  Good night.'

Magdamag akong hindi nakatulog.  Pinuyat ko din si Drew sa telepono para ikwento ang mga kaganapan at para makapagtanong na din ako kung ano ang isusuot ko sa date namin kinabukasan. Panay ang message nina Gelai, Czarina, at Myrtle sa Facebook.  Alam na din nilang andito na si Wilson.  Wala talagang pwedeng isikreto sa mga kaibigan ko.  Seen-zoned muna sila.  Imi-meet ko na lang sila sa Sunday after ng date namin bukas.

Alas syete pa lang ng umaga ay nakahanda na ang isusuot ko.  Nakahanda na rin ang hair dryer na minsan ko lang atang nagamit mula nang mabili ko ito sa isang sale.  Maya-maya pa ay narinig ko na ang matinis na boses ni Drew habang tinutukso ang nanay ko sa may komedor.

"Magmamanugang ka na po ba, 'nay Lucy?  Ihanda na ang pinatabang baka ng Tatay Ed!  Panhikin ko lang po muna si Tin at kailangang maganda sa first date!"

"Bessss!!!" Tili ko nang maramdaman ko na ang mga yabag nya sa may tapat ng kwarto ko.

Fully supportive ang bestfriend ko sa lovelife ko.  Hindi na daw muna nya sinabi sa tatlo na pupunta sya sa amin para hindi sila magtampo.

Ang daming bilin ni Drew!

"Bes, wag kang mag-oorder ng spaghetti.  First date nyo.  Clumsy ka pa naman, naka white pants ka pa."

"Bes, relax lang.  Act natural.  Boyfriend mo ung kasama mo, hindi mamamatay-tao."

"Bes, 'yaan mong sya ang magbayad ng bill.  Madami syang uwing dollars, hahaha!"

Madami pa syang sinabi pero wala na akong ibang natandaan dahil narinig na namin ang pagpasok ng kotse ni Wilson sa aming looban.

Niyakap ako ng mahigpit ni Drew. "This is it, bes! Break a leg! I love you. Enjoy the moment."

"Bes! Be safe.. wag munang isusuko ang Bataan, ha!"

"Sira!" Natampal ko sa balikat si Drew pagkasabi noon at sabay kaming nagkatawanan habang naglalakad palabas ng aking kwarto para imeet si Wilson.

Mabilis namang nagkapalagayan ng loob si Wilson at si Drew.  Maya-konti pa ay nagpaalam na din kami sa kanila.

"This is it, pancit!  My first date," sambit ko habang ikinakabit ang seatbelt sa aking upuan.  Nakangiti si Wilson habang iginigiya ang sasakyan papalabas ng aming bakuran.

Pa-South ang tinatakbo ng aming ruta kaya naisip kong baka uuwi kami sa kanila sa Cavite.  Pero lumampas na kami sa arko ng bayan nila ay diretso pa rin sa pagmamaneho sa Wilson.

"Pa-Tagaytay tayo, hon.  Saan mo gustong mag brunch?"

"Ahhmmm.. pwedeng dumaan muna tayo sa Lourdes?  Matagal-tagal na din akong hindi nakasisimba dun mula nang mapauwi na kami sa Manila."

Nag-park kami sa gilid ng bagong simbahan ng Our Lady of Lourdes sa Tagaytay.  Higit na malaki ito kaysa sa lumang chapel na ngayon ay bahagi na ng formation house.   Medyo ma-traffic na din pa-Cavite kaya tanghaling-tapat na kami nakarating sa Tagaytay.  Walang misa nang oras na iyon, kaya pumasok na lamang kami para magdasal.  Naglagi kami sa loob ng mga labinlimang minuto bago ko sya hinudyatan na pwede na kaming umalis.

Sa Bag of Beans namin naisipang mananghalian.  Maganda ang ambiance.  Disyembre noon kaya mas malamig ang panahon kaysa sa mga nagdaang buwan.  Mabuti na lang pala at naka-cardigan ako.  Manaka-naka pa ang tao dahil maaga pa.  Ang bida sa amin ng mabait na waiter ay sa hapon pa magsisimulang dumagsa ang mga tao dahil paakyat pa lamang galing Manila ang karamihan sa mga customers nila.

Pagkatapos mananghalian ay pumunta kami sa isang bagong-bukas na branch ng Starbucks sa may Tagaytay-Calamba road.  Mas kakaunti ang tao dito kumpara dun sa naunang branch sa may Magallanes.  Tulad nang dati ay kung saan-saan na naman napadpad ang aming usapan.  Mas palagay na ang loob ko sa kanya ngayon kumpara noong nagdaang araw sa una naming pagkikita. Hindi na din ako nako-conscious pag hinahawakan nya ang kamay ko o kapag niyayakap nya ako.

Palubog na ang araw nang umalis kami sa kapihan.

Pagbaba ng Bacoor ay dumaan kami saglit sa kanilang bahay at ipinakilala ako ni Wilson sa parents nya.  Mababait ang mga magulang nya.  Kabaligtaran ng tatay ko ang tatay nya.  Palabiro at komikero si Tatay Wilbert samantalang seryoso at hindi palangiti ang Tatay Eduardo ko.  Halos magka-edad at magka-ugali naman ang Nanay Gloria nya at ang Nanay Lucy ko.  Hindi ko nakita ang mga kapatid nya dahil nasa basketball court daw at kasali sa liga ng barangay nila.  May pauwi pang Samala's Bibingka ang Nanay Gloria para sa parents ko.  Specialty daw yun sa Cavite City pero may branch na malapit sa bahay nila kaya may pasalubong ako sa dalawa.

Alas-diyes na nang makabalik kami sa Maynila.  Patay na ang ilaw sa loob ng bahay kaya nahinuha kong tulog na sina nanay at tatay.  Yung ilaw na lamang sa streetlight ang nagbibigay ng liwanag sa aming patio papasok sa may terrace.  Hinagilap ko na ang susi sa bag ko bago pa ako makababa ng sasakyan para hindi na rin ako maggising pa.

Inanyayahan ko pa si Wilson na pumasok sa bahay ngunit tumanggi sya para daw hindi na din makaabala at tyak na nagpapahinga na sina tatay at nanay.  Ibinaba nya sa pasimano ng terrace ang bibingkang pasalubong at saka hinawakan ang kamay ko.

"Hon, thank you for everything.  You are the best thing that has ever happened to me.  Sana ay napasaya kita today kahit mas madalas na magkalayo tayong dalawa.  Mahal na mahal kita."

Walang kurap nyang sinabi ang mga salitang ito.

At bago pa man ako makatugon ay nailapit na pala niya ang kanyang mukha sa akin.  Nakatitig pa rin ako sa kanyang mga mata.  Nagniningning ang mga ito sa kaligayahan.  Naramdaman ko na lamang ang unti-unting paglapat ng mga labi nya sa labi ko.  Ipinikit ko ang aking mga mata. Napakabanayad ng halik nya.  Hindi ko alam kung ano ang gagawin.  Biglang nanlambot ang mga tuhod ko na parang babagsak ako anumang saglit.  Naramdaman ito marahil ni Wilson dahil binitawan nya ang pagkakahawak sa kamay ko para isuporta ito sa aking likuran.  Ang isang kamay naman nya ay bahagyang nakahawak sa aking pisngi.

Nabibingi ako sa kabog ng dibdib ko na para bang sasabog sa sobrang lakas ng tibok.  Parang tumigil ang pag-ikot ng mundo.  It felt like forever!

Parang ayoko nang matapos ang sandaling iyon.

Nakapikit pa ako nang marinig ko ang pabirong udyok ni Wilson. "Hon, uwi na 'ko. Gabi na."  Tila nakukuryente akong napabitaw sa kanya.  Doon ko lang na-realize na nakayakap na pala ako sa kanya.  Napayuko akong bigla nang naisip kong tila nakakahiya ang ginawa ko.  Iniangat nya ang mukha ko para matitigan sya. "Yun ang best kiss na natanggap ko sa buhay ko."

Nagnakaw pa syang muli ng isang halik sa noo bago sumakay sa kanyang kotse.

Naglaho na ang ilaw ng kanyang sasakyan ay nakatanaw pa rin ako sa direksyong binagtas nito. Nakatingin ako sa kawalan habang unti-unting nirereplay ang mga kaganapang namagitan sa aming dalawa.  Dahan-dahan kong ni-trace ang labi ko na kanina lamang ay kadikit ng malambot na labi niya.

First kiss ko si Wilson.  May first kiss na ako.

Totoo nga ang sabi ng iba, may fireworks talaga!

To:  Hunney Wilson (+63999-803-xxxx):  Hon, that was my first kiss.   Thank you for being so gentle. Thank you for this day.  Thank you for making me feel that I'm the prettiest girl in the world.  Wavu to infinity and beyond.

To:  Honey Tin (+63917-555-xxxx):  Nagpa-gas lang ako saglit.  Tulog na. :)  More hugs and kisses to come.  Wavutu. :-*


Mukhang mahaba na naman ang gabi ko...


Thursday, August 20, 2015

Arlain's Anecdotes

This is a collection of witty punchlines that my niece, Arlain, said when she was younger.

1.  May bisita si Tita Ninang (Ella).  Naglalaro si Arlain.

         Tita Ninang:  Arlain, pagod ka na.  Wag kang maingay (sabay senyas ng 'ssshhh...')
         Arlain:          Hindi kaya 'to simbahan, Tita Ninang!


2.  Arlain and Tita Ninang, nagkukulitan.

         Arlain:          Tita Ninang, mamagic-in kita.  Gagawin kitang palaka!
         Tita Ninang:  (Pagkasalita ni Arlain, biglang nag-react)  Kokak... kokak...
         Arlain:          Wala pa kaya akong hawak na magic wand, Tita Ninang!


3.  Mommy Lala and Arlain eating beef wanton noodles.

         Mommy:  Anak, kumain ka na.
         Arlain:     Sarap ng noodles, mommy!  (Humigop ng sabaw.)  So creamy!

         Mommy biglang napaisip… kelan pa naging creamy ang beef wanton noodles?


4.  Tita Yen and Arlain having a casual conversation.

         Tita Yen:  Arlain, sabi ng mga kasamahan ko sa office, masarap daw ung goto.  Magtinda ka na lang daw.
         Arlain:      Yoko nga.  Mapapagod kaya ako!


5.   Mommy and Arlain singing the alphabet song.

         Mommy:  A-B-C-D-E-F-G-H-I-J-K…
         Arlain:     L-M-N-tary (pronounced ‘elementary’)


6.  Lola ‘my (Mommy Norma) and Arlain sa may poso.

         Lola ‘my:  San nagpunta si father?
         Arlain:      Lumaboy po.
         Lola ‘my:  Naku, lumaboy pala si father!
         Arlain:      Hindi naman po yun sa simbahan na father.  Tawag po kaya sa kanya ay Tatay Ben, hindi si father!


7.  Tita Yen and Arlain eating potato chips.

         Tita Yen:  (Kunwaring nagpunas ng kamay sa sando ni Arlain.)
         Arlain:      (Galit mode.)  Tita Yen, basahan ba ito?


8.  Nanay, Tita Yen, Mommy Lala, Ate Mary, and Arlain in White Hat-Glorietta.

         Mommy:  Anak, kainin mo na yung yogurt mo.
         Arlain:    (Pagkasubo ng isang choco loco hat, biglang sigaw.)
                       Selecta, number one!


9.  Arlain with Tita Yen and her MxSecure colleagues (naglalakad papunta sa kanto).

         Tita Yen:  Arlain, ayun si Emil o… tawag ka ni Mama Rea.
         Arlain:      (Buntung-hininga muna)  Hay, naiinis ako sa sarili ko!
         Tita Yen:  O bakit ka naman naiinis sa sarili mo?
         Arlain:      Kasi ang dami kong broy-pen! [translation:  boyfriend]


10.  Mommy Lala and Arlain going to SM Dasma.

         Jeepney Driver:  Ibabayad ho ba ang bata?
                                  (Tahimik sa loob ng jeep.)
         Arlain:                Hindi kaya ako pera!


11.  Tita Ninang magpapahilot kay Lola ‘my.

         Tita Ninang:  Mommy, magpapahilot po ako sa inyo.
         Arlain:          Tita Ninang, hindi kaya sya si Lola Maria!

         *Lola Maria – ‘hilot’ ni Arlain


12.  Mommy Lala and Arlain inside the jeep (going home from her lola’s house in Amadeo).  May sumakay na African-American guy.  Panay ang kalabit ni Arlain sa nanay nya.

         Mommy:  Bakit ba?
         Arlain:     Bakit sya madumi, Mommy? (Pertaining to the man)
         Mommy:  Anak hindi, ganyan lang talaga ang kulay nya.
         Arlain:     Ang dumi-dumi nya, Mommy.  Kadiriii… yakiii…

         (Supladang bata.  Akala mo naman tisay ka, hahaha!)


13.  Tita Ninang, biglang nasaling ang isang pimple at dumugo ito.

         Arlain:          Nakakaawa ka naman, Tita Ninang.
         Tita Ninang:  Bakit naman?
         Arlain:          Kasi may tigyawat ka… at saka mamamatay ka na.
         Tita Ninang:  Ha?  Bakit naman ako mamamatay?
         Arlain:          Eh kasi buhay ka pa!


14.  Nagtatanong ng recipe si Ella sa Nanay ko.

Tita Ninang:  Nay, anu-ano po ang sangkap ng spaghetti?
         Nanay:          1 kg Royal (pasta brand)
         Arlain:          Saka COKE!

         (Akala ni Arlain ay Royal na soft drink ang sinasabi ni Nanay.)

15.  Habang nag-iinom sa may terrace sina Tatay, Kuya Junjun, and Ka Pitoy, pababa naman ng hagdanan si Arlain.

         Mommy:  Anak, dahan-dahan lang ang pagbaba.  Kapit… hoy!
         Arlain:     Hindi po ako si Ka Pitoy, mommy!


16.  Nanay Luz habang nagluluto ng tanghalian.

         Arlain:   Ano po niluluto nyo, nanay?
         Nanay:   Nagpiprito ako ng espada.
         Arlain:   Hindi kaya niluluto ang espada!


17.  Melo Family going to Alabang Town Center via Daang Hari.  Biglang may lumagapak sa windshield.

         Tatay:  Ano un?  May bumato ba sa atin?
 Lala:    Wala po.  Ibon lang, sumalpok sa salamin.  Lasing lang po, hilo eh.
 Arlain:  Ay!  Parang si Tatay Ben lang!  (Lasing)


18.  Arlain – nagising nang maaga.  Pinatutulog pa ni Lola ‘my para hindi humabol kay Mommy Lala pagpasok sa office.

         Lola ‘my:  Arlain, tulog ka ulit.  Maaga pa.
         Arlain:      Masakit na po ulo ko kakatulog, Lola ‘my!  Ayoko na po matulog!


19.  Mommy Lala and Lola ‘my from the office.

         Mommy:     Baby, asan si nanay?
         Arlain:        Natutulog na po.
         Lola ‘my:    Bakit natutulog na?  (Masama ba ang pakiramdam kaya maagang natulog?)
         Arlain:        Eh sa gusto na nya po matulog eh.


20.  Bumisita si Lolo Ganie at Lola Elsa sa bahay.  Naglalaro si Arlain ng doll house at nagkalat sa sahig ang mga laruan.

         Lola Elsa:  Arlain, samsamin mo na yang mga laruan mo.
         Arlain:      (Hindi kumikibo)
         Lola Elsa:  Sige, gusto mo tawagin ko pa si Mommy mo?  Pag nakita yan, itatapon yan sa garbage bag.
         Arlain:      (Natakot) Magtulungan tayo, Lola Elsa!


21.  Arlain and Tita Yen watching PBB Unli Night (Finding Fifi episode).

         Arlain:       Tita, hindi mahahanap ng housemates si Fifi.
         Tita Yen:   Bakit naman?
         Arlain:       Eh kasi balloon lang sya di ba?
         Tita Yen:   Yup.
         Arlain:       Eh di may kanta?  ♪ Ako ay may lobo, lumipad sa langit… ♪
Kaya tiyak pumutok na po ‘yun si Fifi at nasa langit na sya.


22.  Arlain and Tita Yen watching TV together.

         Arlain:       Tita, asan na po yung pimple mo?
         Tita Yen:   Eto po sa noo.
         Arlain:       Bakit may pimple ka?
         Tita Yen:   Magkakaroon na siguro ako.
         Arlain:       Ako rin, meron na po.
         Tita Yen:   Ha?  Meron ka na?
         Arlain:       Opo, meron na ko pimple kasi palagi akong puyat.


23.  Tita Yen going to work.

         Tita Yen:  Nay, alis na po ako.  (Sabay suot ng sunglasses.)
         Arlain:      Bye, Tita Yeyen!  Wow, ang sosyal mo naman, Tita!
Nakasalamin ka pa!
         Tita Yen:  So pag nakasalamin, sosyal na agad, Arlain?
Di pwedeng mainit lang?
         Arlain:      Sosyal ka pa rin, Tita!


24.  Arlain and Ate Mary while watching Goin’ Bulilit:

         Goin’ Bulilit:  Kung ang corn oil ay galing sa mais,
at ang vegetable oil ay galing sa gulay,
saan naman galing ang baby oil?
         Ate Mary:      Sa baby galing ang baby oil!
         Arlain:          Hindi kaya sa baby galing ang baby oil…
         Lola ‘my:      Eh saan galing ang baby oil, Arlain?
         Arlain:          Ang baby po oil po ay galing sa “mommy oil.


25.  Sa Luna Blanca teleserye ng GMA, ginamitan ni Luna ng gayuma si Joaquin para magpakasal sa kanya kahit si Blanca ang totoong mahal niya.  Para matanggal ang epekto ng gayuma, hinalikan ni Blanca si Joaquin sa mismong araw ng kasal nito.

         Arlain:             Mommy, hinalikan na po ni Blanca si Joaquin!
         Mommy Lala:    Ano ang nangyari?
         Arlain:             Natanggal na po ang RAYUMA!

Monday, August 10, 2015

Certified NBSB - Part 5


“So what can you say about the performance improvement plan for this team, Tin?”

“Tin?”

“Ahem.”

Nagitla lang ako nang bahagya akong sinipa ni Randolph, isa sa mga bagong supervisors sa team namin.  Kinakausap pala ako ni Ma'am Ems.  Naramdaman ko na naman ang pag-iinit ng pisngi ko.

“Ahhhmm, I think it will suffice for now, Ma’am.  The supervisors just need to discuss it with their team members thoroughly by first highlighting their strengths and then subtly moving on to the performance plan.  No beating around the bush.  Direct to the point with data on hand.  If the supervisors need anything prior to the counseling sessions, I can sit down with them and do some simulations.”

Pagkasabi ko nito’y in‑adjourn na din ng boss ko ang meeting.

Habang papalabas ng huddle room ay narinig ko ang mahinang tawa ni Ma’am Ems sa aking likuran.  “Someone’s mentally absent today in my meeting.  Iba talaga pag in love.”

Napalingon ako at tila napapahiyang ngumiti sa kanya.  “Sorry, Ma’am, it won’t happen again.”

“No, you did well.  The input you gave to the new supervisors is a good one.  I just noticed that all throughout the meeting, eh hindi mawala-wala ang ngiti sa mga labi mo.  How’s the boyfriend?”

At muli akong napangiti.  Two months na pala mula nung magkaroon ako ng first boyfriend.  Si Wilson.  Nasundan pa ng ilang flower bouquets ‘yung unang ipinadala nya sa akin nung Marso.  Matapos ang apat na buwan na online at long-distance na panliligaw, sinagot ko siya.

Hindi na ako NBSB.  Hindi na ako no-boyfriend-since-birth girl.

Wala namang nagbago sa routine ko.  Napansin ko lang na medyo mas magaang ang mga gawain at mas positive ang pananaw ko sa mga bagay-bagay.

Over the weekend, manonood sana kami ng sine nina Czarina, Myrtle, at Drew.  Girl bonding.  Pass daw muna si Gelai dahil busy na rin sa paghahanap ng suppliers para sa wedding nila ni Frank.  Unfortunately, may low pressure area on the day of our movie date, so tinamad lahat umalis ng bahay.

Nag-SMS ako kay Wilson just to update him na di kami natuloy ng mga kaibigan ko.

            Tin:  Hon, canceled ang d8 ko w/ d girls.  Mejo maulan, tnmad lht umalis ng bhay. J

            Wilson:  Gud.  Better b safe @ home.  Teka, mag OL aq.  RD ko, remember?

Automatically, bitbit ko na ang laptop pagbaba ko sa komedor.  Saturday nga pala ang rest day nya ngayon.  Habang nagbu-boot ang laptop ay inilabas ko ang isang pitsel ng pinapalamig kong iced tea galing sa ref.  Nag-microwave din ako ng isang ensaymada na uwi ni nanay galing sa bakery sa kanto kanina.  Nag-log ako sa Skype para dun kami mag-usap.

            Wilson:  Hi hon!  Musta?

            Tin:  Ok naman.  Eto maulan pa rin.  Kinakabahan nga ang Tatay at baka umapaw na naman ang ilog sa likuran namin. Namimiss nga nun ang bahay namin sa Batangas.  Kung dun pa din daw kami nakatira, kampante ang loob nya na di kami babahain.

            Wilson:  Naku, wag naman sana.  Wala pa namang makakatulong ang Tatay mag-awas ng gamit, wala ako dyan.

            Tin:  Kumusta sa Cavite?

            Wilson:  Ayun, ok naman daw.  Tumawag ako sa mga Nanay kanina, mahina naman daw ang ulan.  At saka medyo mataas ung lugar namin, kaya di bahain.

Habang magkausap kami ay pumasok naman ang Nanay ko sa kusina bitbit ang pinamiling ulam para sa aming pananghalian.  Nang malinis at maiayos ang mga ito ay humarap saglit kay Wilson para kumustahin ito.

            Wilson:  Kumusta po, Nanay Lucy?

            Nanay Lucy:  Eto, ayos naman, anak.  Mag-iingat kang palagi dyan.  Umiwas sa mga basag-ulo, hane?

            Wilson:  Opo.  Mabait po akong bata, hehehe.

            Nanay Lucy:  O sya, ako ga ay nangamusta lang.  Iiwan ko na muna kayo at kailangan na magluto ng pananghalian.

Halos isang oras pa kaming nagkulitan ni Wilson.  Nagkapaalaman lang nang malapit na ang tanghalian dahil nasa komedor ako at kailangan ko na ding ihanda ang mesa.

            Wilson:  Sige na, hon.  Maghain ka na dyan.  Next time na tayo mag‑kwentuhan ulit.

            Tin:  Yes po, hon.  Ikakain na lang kita ng maasim na pork sinigang ni Nanay!!!  Ingat kang palagi dyan and pray palagi, ha?

            Wilson:  Opo.  Sige na hon, babangon na rin ako para maglaba.  Hehehe.  Wavu!

            Tin:  Wavutu!  And amishu!

Sa mga ganoon lumilipas ang free time naming dalawa ni Wilson.

Manaka-naka nga ay nakatatanggap pa ako ng snail mail galing sa kanya.  Effort talaga sa pagsusulat at paghuhulog sa post office.  At dahil hindi naman bumibili ng stationery, ordinaryong bond paper lang ang sinusulatan at nilalagyan na lang niya ng kung anuanong dibuho sa paligid.  At dahil doon, natuto din akong gumawa ulit ng liham – the old fashioned way.

Mahilig din syang gumawa ng mga surpresa.  Nariyang tawagin ako ng receptionist namin dahil may naghahanap daw sa akin pero hindi naman pamilyar ang pangalan.  Paglabas ko ay saka magpapakilalang kasamahan daw sya ni Wilson sa Dubai at may iaabot lang daw syang padala para sa akin – isang malaking jar ng Galaxy Jewels na tsokolate.  May isang pagkakataon na isang kilong Patchi chocolates naman ang bitbit ng boss nya na Pinoy din na nagdesisyon nang manatili sa Pilipinas.  Nitong nakaraang buwan nga ay sneakers naman ang ipinadala sa kasamahan nya.  May nakadikit pang sticky note sa kahon “Para couple’s shoes natin, hon :)”

Masaya pala talagang ma-inlove.  Para akong laging nakalutang sa ‘cloud 9’ ika nga.  Ang dami naming plano para sa kinabukasan.  Ang dami-dami naming napag‑uusapan … pulitika, trabaho, buhay, pamilya, pangarap, pera.  Anything under the sun talaga.

Sa tuwing nagdadasal ako, isa lang ang palagi kong sinasabi sa Diyos.  “Sana po ay siya na ung gift Mo para sa akin.”

Habang tumatagal ay lalo kong nakikilala kung gaano kabuting tao si Wilson.  May pagpapahalaga sa mga magulang at kapatid.  Masinop sa pera.  Maingat sa gamit.  Sweet.  Dahil sa mga bagay na iyon, lalo ko siyang minahal.

Pero doon ko na-realize, mahirap din pala ang long distance relationship.  First boyfriend tapos long distance agad.  Habang lumalalim yung feelings ko para sa kanya ay mas tumitindi din ‘yung kagustuhan ko na makita at makasama na sya.

“Bes, musta naman ang buhay may-bf?” tanong ni Drew isang beses na tumambay ako sa bahay nila.  “Ayos naman.  Masaya.  Pero mahirap pala.”  Sambit ko.

“Naisip ko kasi na mahirap din pala na malayo ang taong mahal mo.  Sa mga panahong sobrang saya mo o mayroon kang natanggap na magandang balita, sa text o sa internet lang kayo magkakausap para i-share sa kanya ung magandang balita.  Sa mga panahong naiinis ka o napapagod sa mga bagay‑bagay, online lang ang pagsasabi nya sa iyo ng “Don’t worry, everything will be okay.  Kaya mo ‘yan.”  Imaginary ang mga hawak ng kamay kapag natatakot ka.  Ilusyon lang ang pagsama nya sa iyo sa mga medical checkup mo.  Mag-isa ka pa ding pumupunta sa mga okasyon ng pamilya at ng barkada.  Wala ka pa ding shoulder to lean on pag nanonood ng movies.  In short, virtual lahat.”

“Nakakapagselos naman ‘yang si Wilson!  Dati-rati eh sa akin mo sinasabi lahat ‘yang mga joys, fears, at kung anu-anong milestones sa buhay mo.  Hmp!”  Pabirong umingos si Drew.

“Bes naman eh… wag ganyan.  Moment ko ‘to.”  Pagkasabi ko noon ay niyakap ko si Drew.

Isang malalim na buntung-hininga.

“Okay lang ‘yan, Bes.  Kailangan nyo lang maging open sa isa’t isa.  Constant communication at trust ang sikreto ng LDRs” usal ni Drew.  “By the way, kelan ba ang bakasyon nya?”

Hmm.. kailangan nga ba?  Clueless ako.  Sabi nya, wala pa daw schedule ang bakasyon nya nung huling nag‑usap kami sa phone.  Nasa UK daw ang manager nila kaya di pa mapirmahan ang naka-plot na mga vacation leaves.

Lumipas ang mga araw tulad nang nakagawian namin.

“Ma’am Tin, di pa po ba kayo uuwi?  Late na po,” sambit ni Mang Joel habang isa‑isang pinapatay ang mga ilaw sa opisina.

“Pauwi na din, Mang Joel.  Sabay na tayo.  Isesend ko lang itong isang report na kailangan ni Ma’am Ems sa conference call nya bukas ng umaga.  Napaka-toxic nang araw na ito.  Haaaayyy…”

“Opo nga, Ma’am.  Parang halos maghapon po kayong nasa mga meeting.”

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntung-hininga kasabay ng pagpatay ko sa monitor ng aking desktop.  “Naku, sinabi mo pa.  Hindi ko nga nakuhang magsuklay sa maghapong lumipas.  Tara na.”

Masaya pa kaming nagkukwentuhan ni Mang Joel hanggang sa paglabas namin ng elevator. May mangilan-ngilan pang tao sa lobby ng building, mga taga-ibang kumpanya sa ibang floor base sa mga lanyard at ID na kanilang suot.

Pagdaan namin sa tapat ng reception area ay nginitian ko si Mang Rudy, ang panggabing security sa building namin.  “Ma’am, ingat po pag-uwi.”  “Thank you po, Mang Rudy. Mahaba pa ang gabi ninyo.  Mauuna na po kami ni Mang Joel.”

Paglampas na paglampas ng tingin ko kay Mang Rudy ay biglang nanikip ang dibdib ko.  May nahagip ang aking mga mata, subalit hindi ako sigurado kung tama nga ang aking nakita.  Baka dala ng pagod ko sa buong maghapon.  Guni-guni.  Gutom.

Para makasigurado ay lumingon akong pabalik sa waiting area sa tabi ng reception.

Parang naging jell-o ang mga tuhod ko.

Si Wilson.  Naglalakad papalapit sa akin.  May dalang isang malaking bouquet ng pink tulips.

______________________

Certified NBSB – Part 1
Certified NBSB – Part 4
Certified NBSB – Part 6