Monday, August 8, 2016

NBSB No More - Part 3



3:  BLOSSOMS


Accept.

“Hi, Tin!  Thanks for accepting my friend request!”

Si Mark.

Nagulat ako sa private message na ito.  “Hey, Mark!  Nakabantay sa FB?  Hehehe, good to see u here.”

Seen.

Hindi na rin ako nag-message pa.  Bumalik na ako sa aking trabaho dahil madami akong E-mails na dapat sagutin.

Lunch break ko na muling naisipang magbukas ng aking account.  Ang daming pumasok na notifications.  Unang-una na ang comment ng best friend kong si Drew.  “Super like!”  Stolen picture ko sa birthday party ni Andrea.  Hawak ko sa aking kaliwang kamay ang plato habang pumipili ng pagkain sa buffet table.  Galing sa bandang unahan ko ang kuha subalit hindi ko ito namalayan noon.

Second notification.  “Gondooooh!”  Si Drew pa din.  This time, sa isang picture ko habang wiling-wili ako sa pakikipagbiruan kay Gelai.  Third picture, yapus-yapos ko si Jenine habang naglalaro siya sa kaniyang iPad.  Stolen shot na naman.

Naramdaman ko ang pamumula ng aking pisngi.

Pang-apat na picture.  “Meet-the-mommy agad-agad? ♥” comment ni Myrtle.  Ito ‘yung picture ko kasama si Mark at ang mommy niya noong nanood kami ng sine last time.

Five minutes pa lamang ang nakakalipas, o wala pa, nang mag-ring ang office phone ko.  Ine-expect ko nang isa sa mga kaibigan ko ang tumatawag dahil sa mga nadiskubre ko sa Facebook account ni Mark.

Sinilip ko ang caller ID bago ko dinampot ang handset.  Hindi pamilyar ang numero kaya’t bahagya akong umubo para i-modulate ang aking boses sa pagsagot, “Howards’, good morning!  This is Tin.  How may I help you today?”

“Good morning!  May I speak with Ms. Kristinella Arguelles, please,” turan ng lalaki sa kabilang linya.

“Speaking.”

“Hi, Tin!  Si Mark ito.  I’m just wondering if you’re free for snacks later after work?  Nasa area ninyo lang kasi ako for a business meeting.  Frank said your office is just a block away from where I am.”

Nag-alangan ako sa pagsagot, “Hi Mark!  I was expecting Drew to call, nagtaka ako iba ang number.  Any way, thank you for the invite.  I’m not sure, though.  May web conference din kasi ako later with my US counterpart.  ‘Di ko alam kung ano’ng oras kami matatapos.” 

“It’s okay, Tin.  No worries.  Sige, I better get going.  Oh, by the way, di na kita nabalikan kanina sa chat.  I got a lot of things on my plate today.  Bawi ako.  Have a nice day.”

Hindi rin naman nagtagal ang meeting ko with Lizzie, my American counterpart.  We just discussed some minor details about the new account set to go live the following week.  Pagtuntong ng alas-singko ay naghanda na rin ako pauwi.

Nasa lobby na ako nang muling nag-alert ang cell phone ko.  “Hi!  Ako ulit mangungulit.  Are you still in a meeting?”

Makulit ngang bata.

I called him instead.  Sinabi kong natapos naman on time ang meeting at pauwi na rin ako at kung hindi sya muling nag-message ay hindi ko na maaalala ang imbitasyon niya.  Naramdaman ko ang sigla sa boses ni Mark nang pumayag akong kumain kasama niya.

Naghintay na lamang ako sa lobby ng building namin.  Lumabas lamang ako nang matanaw ko na ang pagmenor ng pamilyar na asul na Ford Everest sa may employee entrance.

Gentleman din nga talaga ang mokong, isip-isip ko habang inaalalayan ako ni Mark para makasakay nang maayos.  Bahagya kong sinipat ang sarili ko sa visor mirror bago pa man siya makaakyat sa driver’s side.  Siya na din ang nagdesisyon kung saan kami kakain.  Hindi na rin ako tumutol dahil alam ko namang mas madami syang maisasuggest na masasarap na kainan.

Sobrang dami ng kwento ni Mark all throughout our dinner.  Mabilis ko siyang nakapalagayan ng loob.  Madami akong nadiscover tungkol sa kaniya.  One would think that he is a happy-go-lucky guy, pero malalim na tao pala siya.  Hindi ko namalayan ang paglipas ng oras dahil sa dami ng aming napagkwentuhan.

Naputol lamang ang aming pag-uusap nang lumapit sa amin ang waiter na siya ding nag-serve ng dinner namin.  “Sir… Ma’am… is there anything you would like to add?  Desserts, perhaps?  We’ll be taking last orders by 10 p.m.  Thank you.”

Pasimple kaming nagkatinginan ni Mark kasunod ng awtomatikong pagsulyap sa aming mga relo.  Si Mark na ang sumagot para sa aming dalawa, “No, I think we’re good.  May I have the bill please?”  Pagkarinig nito’y kaagad ding tumalikod ang lalaki upang kuhanin ang aming bill.  Hindi rin nagtagal ay bumalik na muli ang waiter bitbit ang bill jacket.

Akma akong magbubukas ng bag nang awatin ako ni Mark.  “Hey, ako ang nag‑invite.  My treat.”

Hindi na rin ako nag-insist pa dahil alam kong hindi rin naman siya papayag na humati ako sa bill.  Nagbiro na lamang ako sa kaniya na madami-dami na rin ang utang kong kape sa kaniya.

“I know.  Saka na ako maniningil kasi gabi na,” pabirong wika ni Mark, “baka hinahanap ka na sa inyo.  Shall we?”

Naisip ko na hindi naman mag-aalala ang parents ko dahil nag-abiso ako na sa labas na ako maghahapunan at may maghahatid sa akin pag-uwi.

Nagpaalam lang ako saglit para magtungo sa wash room bago umuwi in case maipit pa kami sa traffic.  Nag-retouch ako nang kaunti bago lumabas.  Habang nakatitig sa salamin ay bigla kong naisip na sana ay hindi maisipan ni Mark na magpakuha pa kami ng picture dahil tiyak na aasarin na naman ako ng aking mga kaibigan ‘pag nagkataon.

Nag-aabang na siya sa may pintuan ng restaurant nang makalabas ako.  Sa dami ng aming napagkwentuhan ay tila baga nag-iba ang tingin ko sa kaniya nang mga sandaling iyon.  Mabait pala siyang tao.  Nginitian ko siya bilang hudyat na din na handa na ako sa aming pag-uwi.

Maluwag na ang trapiko nang mga oras na iyon.  Walang ‘dead air’ sa loob ng sasakyan dahil sadyang napakaraming kwento ni Mark.  Nakarating kaming matiwasay sa harapan ng aming bahay.  Napansin kong may sumisipat pang liwanag mula sa loob ng aming bahay; marahil ay nanood pa ng TV si tatay.

Hindi nga ako nagkamali.  Nang maramdamang may humimpil na sasakyan ay kaagad bumukas ang ilaw sa terrace at kagyat din syang lumabas para salubungin ako.  Bumaba si Mark para alalayan akong makababa sa sasakyan.  Nang masiguradong nakababa na ako nang ayos ay saka siya humarap kay tatay.

Inilahad niya ang kaniyang kanang kamay, “Mano po.  Pasensiya na po kayo at medyo nawili po kami ni Tin sa pagkukwentuhan kaya ginabi na siya ng uwi.  Hindi na rin po ako magtatagal.  Magpapaalam na po ako.”

Tila nabigla din ang aking ama kaya wala na rin siya halos naisagot kung hindi, “Sya sige.  Salamat, anak.”

Pagpasok sa loob ng bahay ay kaagad na din akong pinagpahinga ng matanda.

Hay salamat, walang interview,” pabulong kong usal nang makapasok na ako sa aking silid.

Naramdaman kong pinatay na din ni tatay ang TV sa sala.  Marahil ay hinintay lang talaga niya na makauwi ako nang ligtas bago siya matulog.

Kahit inaantok na ay pilit ko munang inayos ang damit at mga bagay na kailangan kong dalhin kinabukasan.  Nakailang ikot pa ako sa kwarto bago tuluyang nakahiga.

Bago pumikit ay sinubukan kong tingnan ang Facebook ko.  Isang bagay na matagal na panahon ko rin palang hindi ginawa.

May mangilan-ngilang notifications sa timeline ko, pero nothing significant.  Ibinalik ko na ang phone sa lock mode at akmang matutulog na.

Pipikit.  Didilat.  Bibiling sa kanan.  Bibiling sa kaliwa.

Sige na nga.

Out of curiousity ay muli kong binuksan ang cell phone ko.  Pumunta ako sa timeline ni Mark.

May bago siyang post… 5 minutes ago.

Isa itong black and white picture ng floating candle na napapalibutan ng madaming petals ng roses.  Larawan ito ng centerpiece sa restaurant na aming kinainan kanina lang.  May isang maikling caption na naka-post kasama nito. 

“First… and hopefully not the last.  Thank you.”


Ipinatong kong muli ang cell phone ko sa bedside table.  Kagyat kong iniayos ang aking unan at kumot.  Kasabay ng pagpikit ng aking mga mata ay isang bulong ang kumawala sa aking mga labi, “we’ll see…”

__________________________

Itutuloy.

Saturday, June 11, 2016

'Musta ang Puso?



During our fellowship last night, a friend asked me, “Sis Yen, ‘musta na ang puso mo?”

Alam kong ang tinutukoy niya ay ang estado ng puso ko matapos ang isang major, major heartbreak.

Kumusta na nga ba ako matapos ang 3 months?  Ano ba ang nabago sa akin sa loob nang panahong ito?

Flashback.

Na-krungkrung ako.  Umiyak.  Naloka.  Natulala.  Ngumalngal.  Nagalit.  Nagtanong.  Humagulgol.

Pero hindi tulad ng dati (pang-ilang beses na nga ba kasi?), sandali lang ako dumaan sa anger at denial stage.

I knew that day would come.

I knew it all along.

Ako lang talaga ang nagpumilit na baka may chance na mabago dahil sa mga ipinakita the last time.  I held on to that last spark of hope.  Twelve years of friendship and something else (you know, on and off, on and off. Repeat 100 times).  Baka somewhere along the way nag-mature na kami pareho.

Pero wala talaga.

Until one day, nagising na lang ako na wala na akong makapang lakas para lumaban pa.  Anino na lang pala ang hawak ko sa aking mga kamay sa tinagal-tagal.

Isang linggong iyak.  Isang linggong mourning period.  Isang linggong grieving.  Iyak ulit.

Then I surrendered it all to God.  Sabi nga ni Bro. Tristan, “Hubad na hubad ako sa harap ng Diyos.”  ‘Yung tipong wasak na wasak, duguan...  Tapos wala na akong nasabi sa pagitan ng mga hikbi ko kung hindi “Lord, I am sorry.  Please take over.”

Natatakot ako na baka nagtampo na si Lord.  Pasaway kasi ako.  Hindi nakikinig.  Baka sabihin ng Diyos, “Mabuti nga sa ‘yo.  Bagay sa iyo ‘yan kasi matigas ang ulo mo.”

Pero sa pang-isang libong pagkakataon, ipinaramdam ng Diyos na Siya ay mahabagin.  He is indeed close to the brokenhearted (Psalm 34:18).

Tinapik Niya ang mga kaibigan ko, ang Tatay ko, ang mga kapatid ko, ang household ko.

“Be there for, Yen.”

Tall order ‘yun from Big Brother.

Doon ko ulit naramdaman that I am loved.  Ito ung pagmamahal na hindi judgemental.  Nasaktan din sila sa nangyari.  Nagalit din sila na hinayaan kong saktan kong muli ang sarili ko.  Nainis din sila dahil hindi ko pinakinggan ang payo nila sa loob nang maraming taon.  Pero noong panahon na iyon, wala silang sinabi sa akin kung hindi, “Andito lang kami. Kaya mo ‘yan. Kailangan mong kayanin. Mas madami kaming nagmamahal sa iyo nang higit sa akala mong pagmamahal niya. Iyak lang saglit tapos bangon na ulit!

Tapos na-busy na ako sa church. Sa Singles for Christ.

Teachings.  Upper household.  Lower household.  Retreat.  Mass.  Fellowship.  (In no particular order.)

Isang araw bumalik ang sigla ko sa pagsusulat!  Natapos ko na ang Certified NBSB sa blog ko matapos ang apat na taon!  Ngayon ay nasa chapter 2 na ang NBSB No More.

Lumabas ulit ang aking dugong-pulitiko (Proud apo ng isang dating Capitan del Barrio.  Anak ng isang dating Barangay Kagawad.  Dating SK Chairman ng Imus.)  I got involved ulit sa kalagayan ng bansa. Nagkaroon ulit ako ng pakialam at malasakit sa bayan ko.  Naging pioneer pa ako ng isang maliit na grupo dito sa Qatar kung saan ang unang pakay ko lang namay ay maghanap ng masasabayan para makaboto sa Philippine Embassy.

Isang araw, sinubukan ko din makakilala ng mga bagong kaibigan.  Pag ‘bugoy’, “Thank you. Bye!” Pag mabait, go lang.

I started going out again.  Friendly dates.  Pwede pala 'yun!  Nakakatuwang makakilala ng iba-ibang personalidad.  Mayroong epic fail, mayroon namang naka-vibes ko at kaibigan ko na until now.  Ang sarap pala sa pakiramdam ‘yung may nakaka-appreciate sa iyo as you are.  ‘Yung wala silang pakialam sa physical flaws mo.

At alam ko, umay na umay na kayo sa selfies ko.  Selfie in the morning.  Selfie at night.

Pero totoo nga atang may psychiatric problems ang mahilig mag-selfie.

Kasi bawat ‘like’ ninyo sa primary photo ko gives me an assurance that I am loved.  Na kahit filtered ‘yung picture para hindi kita ang pimple ko, eh sabi nyo blooming pa din ako.  Kada isang comment ninyo sa profile pic ko ay parang Band-Aid™ na pansamantalang tumatagpi sa sugatan kong puso.

Tapos serve pa more!  Kahit luhaan, simba pa din.  Sharing sa ibang kapwa-sugatan.  Pray pa more.

Unti-unti, naramdaman kong gumagaan na ‘yung dala ko.  Nakakangiti na akong muli.  Umaabot na ulit ung ngiti ko sa mga mata ko.  Humahalaklak na ulit.  Makulit na ulit.

Nakakapagluto na akong muli.  Nakakapag-bake.  Nakakapagsulat.

Natatanaw ko na si Yen.  Pero stronger, braver, happier.

Sabi nga ni Sarah G., “version 2.0”.

Kahapon, narinig ko na naman ‘yung assurance ni Lord sa National Conference ng SFC.

“The best is yet to come.”

Time-space warp to today.

Kumusta na nga ba ang puso ko?


I’m almost there. :)


------------------------

“Don’t stop at WHY.  Allow GOD to lead you to your WHERE.”
Sis Kate Sabug (SFC UAE)

Wednesday, June 8, 2016

NBSB No More - Part 2


2:  COINCIDENCES


“Nay, punta muna po ako ng mall.  May titingnan lang po ako sa bookstore,” paalam ko sa nanay ko isang Sabado ng tanghali.  May mga bagong libro akong nais mabasa.  Mas preferred ko pa din kasi ang tunay na aklat kumpara sa mga digital o audio books na usung-uso ngayon.  Iba pa rin ang fulfillment habang sinisinghut‑singhot ko ang bawat pahina ng mga bagong libro.  Excited din akong balutan ang mga ito ng self-adhesive plastic covers para manatiling nasa maayos na kundisyon.

Mall-wide sale pala noong araw na iyon.  Hindi magkamayaw ang mga tao sa pamimili lalo na ng mga gamit ng mga anak nila sa school.

Wrong move.

Hindi na muna ako pumunta sa bookstore.

Pinili ko na lamang mag-ikut-ikot para malibang.  Dumaan muna ako sa paborito kong pet shop para tingnan ang mga isda na nasa malalaking aquariums.  Nakatatanggal ng pagod ang panonood sa mga ito sa kanilang paglangoy.

Maya‑maya ay napadaan ako sa cinema.  Nakita ko na showing na pala ‘yung hinihintay kong movie.

Nakatayo ako sa harap ng poster ng “Pitch Perfect 2” para tingnan ang mga oras ng palabas nito.

Miss, tunaw na ‘yung poster!

Paglingon ko ay nasa may likuran ko si Mark.  May kasama itong isang matandang babae na nakakapit sa kaniyang kanang braso habang bitbit sa kabilang kamay ang isang designer handbag.

Hi, Mark!  Yeah, plan ko sana mag-bookstore, kaso ang daming tao dahil sa sale.  Then nakita ko na showing na ang Pitch Perfect 2, so I decided na manood na lang ng sine to kill time.”

“May kasama ka?”  Umiling ako.

“Oh by the way, let me introduce you to my mom.”

Pagkasabi nito’y humarap ako nang tuluyan sa dalawa.

Tantiya ko ay nasa late 60s na ang mommy ni Mark.  Banaag sa mukha nito ang kagandahan marahil lalo na noong kabataan niya.  Iniabot ko ang aking kamay sa matanda bilang tanda ng paggalang.

Nice to meet you, Ma’am.”

“Oh no, forget about the formalities, hija.  You may call me Tita Carmen like everyone does,” kasunod nito ay isang napaka-warm na ngiti.

Inulit ko ang aking pagbati, “Nice to meet you po, Tita Carmen.”

Natanong ko na din tuloy ang mag-ina sa pakay nila sa mall.  Nabanggit ni Mark na nagustuhan daw ng mommy niya ang Pitch Perfect 1 kaya naisipan niyang i‑treat ito para manood ng Pitch Perfect 2.

Niyaya na ako ng mag-ina na sumabay sa kanila.  Tumanggi ako sa simula dahil naisip ko na mother-son bonding nila ‘yun, pero nag-insist si Tita Carmen. 

Miss, Pitch Perfect, tatlo,” kasabay nito’y ang pag-aabot ni Mark ng card niya sa takilyera.  Lumingon siya saglit matapos ipakita ng babae sa kanya ang available seats, “Tin, any preferred seats?”

Ikaw na ang bahala, Mark.”

Nakahawak pa rin ang mga kamay ni Tita Carmen kay Mark nang muli itong magsalita, “Magsisimula na ba, anak, ‘yung movie?  If not, let’s go grab something to eat first.”

Biglang sumigla ang mood ni Mark.  “Mahigit isang oras pa, ‘ma.  We have lots of time.  Tin, would you like to join us for a late lunch?”

Pakiramdam ko ay namula ang aking mga pisngi sa biglaang tanong na iyon ni Mark.  “Ay naku, hindi na.  Moment ninyo ng mom mo yan.  Go ahead.  Mag-iikut-ikot muna ko and then I’ll just see you maya sa movie.  See you later po, Tita…”

Hindi na naman pumayag si Tita Carmen. 

Dahil puno din ang mga kainan, sa isang maliit na fastfood chain na lamang kami nakahanap ng mauupuan.

Sobrang animated si Mark habang kumakain kaming tatlo.  Napansin ko din na sweet sya sa mommy niya.  Asikasung-asikaso niya ang matanda.

Panay naman ang interview ni Tita Carmen sa akin.  Saan daw kami nagkakilala ni Mark.  Gaano na daw kami katagal magkakilala.

Nang mabanggit ko na matalik na kaibigan ko si Gelai na asawa ni Frank ay napakarami na din nitong naging kwento tungkol sa mag-asawa.

“Naku, kaibigan mo pala si Gelai.  No wonder.  Napakabuting bata rin noon.  I’ve met her a lot of times sa mga family gatherings namin.  Giliw na giliw din sa kaniya ang mga magulang ni Frank.  Unang kita ko pa lang kay Gelai, I knew Frank made the right choice.”  Saglit itong bumuntung-hininga sabay tingin kay Mark, “di tulad nitong bunso ko…”

Pabirong umingos si Mark sa ina, “Ma, ako na naman?  Nakakahiya kay Tin, o.  Wala ng naikwento ‘yung tao.”

Hindi pa rin nagpapigil si Tita Carmen sa pagkukwento.  “Eh totoo naman, Mark.  Naku Tin, kung andun ka sa kasal nina Frank at Gelai eh tyak nakita mo na ang girlfriend nito.  Hindi ko sya gusto.  Basta.  I just don’t like her.”

“Ma,” seryoso na ang tinig ng binata.

Na-tense ako.

Pero ngumiti lang ang mommy niya sa kaniya sabay yakap sa braso nito na parang naglalambing, “pero I am glad it’s over.”

Kaya pala.

Makuwentong sadya si Tita Carmen.  Sa loob nang mahigit na isang oras na nakasama ko sila sa pagkain ay hindi ko naramdaman ang awkwardness.  Mararamdaman mo ‘yung sincerity sa bawat sinasabi niya.  Manaka-naka ay napapahawak din siya sa braso ko habang nagkukwento.

Paminsan-minsan ay sinusulyapan ko si Mark sa pag-aalalang baka nagalit ito sa tinuran ng ina, subalit hindi naglaon ay bumalik na ulit ang dating kakulitan nito.

I insisted to pay for the food, pero in the end, si Mark pa rin ang nasunod.  “Lunch is on me.  Next time, ikaw naman ang taya.  Deal ba ‘yun, Tin?”

Tumango na lamang ako para matapos na ang usapan.

Naglalakad na kami palabas ng sinehan ng magbiro ulit si Tita Carmen.  “Nak, kunan mo kami ni Tin ng picture.  Ilagay mo sa Facebook ko mamaya sa bahay.  Gusto kong makita ng mga ate mo sa Amerika na nag-eenjoy ako dito sa Pilipinas.”

Kinuhanan nga kami ni Mark ng picture gamit ang kaniyang cell phone.  Ang isang shot pa ay groupie na kasama siya.

“Di mo naman ina-accept ang friend request ko sa FB, Tin.  Ang tagal na kaya nun.  Nagsend ako ng invite sa iyo nung birthday pa ni Angela.  Lahat sila na-accept na ako, ikaw na lang ang hindi,” biro ni Mark.

Humingi ako ng paumanhin sa kaniya dahil hindi pa talaga ako nagbubukas ng Facebook mula nung huli kaming magkita sa birthday ng anak nina Frank at Gelai.

Nagpaalam na din ako sa mag-ina pagkatapos noon.  Nagyayaya pa sana si Mark na magkape, pero naisip kong ibigay na lang sa kanila ang time na iyon para sa isa’t isa.

Matapos magpasalamat sa dalawa ay humalik ako kay Tita Carmen para magpaalam.  “I hope this is not the last time I’ll see you, hija.”  Tumango naman ako at dali-daling lumayo sa kanilang kinatatayuan.

Hupa na ang tao sa bookstore nang dumating ako.  Sinamantala ko na ang pagkakataong iyon para hanapin ang mga librong nais kong bilhin.  Tiningnan ko din kung may mga bagong release pa sa mga bestsellers.  Nalibang ako sa pag-iikot sa dalawang-palapag na puno ng iba’t ibang libro, magazines, at office and school supplies.  Apat na novels ang bitbit ko paglabas kasama ng mga abubot na nakatuwaan ko lamang bilhin sa stationery section.

Mahigit isang oras din ata ang ginugol ko sa bookstore sa pag-iikot lamang at pagbabasa ng synopsis ng mga bagong librong nakadisplay sa bestseller shelves.

Dumaan ako sandali sa isang pizza parlor para bumili ng pasalubong para kina tatay at nanay.

Mahaba ang pila ng pasahero sa taxi stand.  Wala naman akong choice kung hindi maghintay sapagkat tiyak na punuan din ang mga jeep sa kabilang side ng mall.

Nirereplay ko ang mga pangyayari nang araw na iyon kaya hindi ko namalayan ang pagtigil ng isang sasakyang naka-hazard light sa may dulo ng taxi stand.

“Miss, miss…” sabay kulbit sa akin ng binatilyong nasa gawing kaliwa ko.  Paglingon ko sa kaniya ay awtomatiko nitong itinuro ang isang asul na sasakyan.

Si Mark.  Panay ang kaway nito para ayain akong sumabay na sa kanila.  Nagtataka ako sapagkat wala si Tita Carmen sa sasakyan.

Nag-aalangan man ay nilisan ko na din ang pila ng taxi sapagkat tiyak na gagabihin ako ng uwi kapag hindi pa ako sumabay sa kanila.

Binuksan ko ang likurang pintuan at nagulat ako na doon nakaupo si Tita Carmen.  “Sa unahan ka na maupo, hija, kung okay lang.”

Hindi na rin ako nagdalawang-isip pa sapagkat may dalawang sasakyan na ding nakahimpil sa likod ni Mark.

Pagsakay ko ay nagpaliwanag pa ang mommy ni Mark na may phobia na siyang maupo sa unahan dahil iba na ang mga driver sa Pilipinas ngayon.

Dahil parehong makwento ang mag-ina ay hindi ko rin namalayang nasa tapat na kami ng aming bahay.  Inanyahan ko silang bumaba para makapag-minindal subalit tumanggi na ang matanda at nagsabing masakit na ang tuhod nito.

Salamat, Mark, ha.  Libre lahat.  Nakakahiya.  Tita Carmen, salamat po and nice meeting you po.”

Napakaganda ng ngiti ni Mark habang akmang ipipihit ang sasakyan nito, “Tin, may utang ka na sa akin.  See you soon!”

Pagkasabi nito’y itinaas na niyang muli ang bintana ng sasakyan at tuluy-tuloy nang umalis.

Hindi ko agad napansin na nasa terrace pala sina Tatay at Nanay at nagpapahangin.

Biniro ako ni Tatay pagkaabot ko sa kaniya ng kahon ng pizza.  “Parang pangalawang beses ko nang nakita ang Ford Everest na yan sa gate natin, Kristinella.  Bakit ayaw mo pang ipakilala sa amin?”

Pigil na pigil ang ngiti ni Nanay bilang pagsang-ayon sa pambubuyo ni Tatay.

Naku, ‘tay, wala ‘yun!  Si Mark Mayabang ho ‘yun.  Pinsan ni Frank.  Partner ko ‘nung kasal nila ni Gelai.”

Nangingiti rin akong pumasok sa loob ng bahay para magpahinga.


It’s a happy day. J


______________________

Itutuloy.