Thursday, August 20, 2015

Arlain's Anecdotes

This is a collection of witty punchlines that my niece, Arlain, said when she was younger.

1.  May bisita si Tita Ninang (Ella).  Naglalaro si Arlain.

         Tita Ninang:  Arlain, pagod ka na.  Wag kang maingay (sabay senyas ng 'ssshhh...')
         Arlain:          Hindi kaya 'to simbahan, Tita Ninang!


2.  Arlain and Tita Ninang, nagkukulitan.

         Arlain:          Tita Ninang, mamagic-in kita.  Gagawin kitang palaka!
         Tita Ninang:  (Pagkasalita ni Arlain, biglang nag-react)  Kokak... kokak...
         Arlain:          Wala pa kaya akong hawak na magic wand, Tita Ninang!


3.  Mommy Lala and Arlain eating beef wanton noodles.

         Mommy:  Anak, kumain ka na.
         Arlain:     Sarap ng noodles, mommy!  (Humigop ng sabaw.)  So creamy!

         Mommy biglang napaisip… kelan pa naging creamy ang beef wanton noodles?


4.  Tita Yen and Arlain having a casual conversation.

         Tita Yen:  Arlain, sabi ng mga kasamahan ko sa office, masarap daw ung goto.  Magtinda ka na lang daw.
         Arlain:      Yoko nga.  Mapapagod kaya ako!


5.   Mommy and Arlain singing the alphabet song.

         Mommy:  A-B-C-D-E-F-G-H-I-J-K…
         Arlain:     L-M-N-tary (pronounced ‘elementary’)


6.  Lola ‘my (Mommy Norma) and Arlain sa may poso.

         Lola ‘my:  San nagpunta si father?
         Arlain:      Lumaboy po.
         Lola ‘my:  Naku, lumaboy pala si father!
         Arlain:      Hindi naman po yun sa simbahan na father.  Tawag po kaya sa kanya ay Tatay Ben, hindi si father!


7.  Tita Yen and Arlain eating potato chips.

         Tita Yen:  (Kunwaring nagpunas ng kamay sa sando ni Arlain.)
         Arlain:      (Galit mode.)  Tita Yen, basahan ba ito?


8.  Nanay, Tita Yen, Mommy Lala, Ate Mary, and Arlain in White Hat-Glorietta.

         Mommy:  Anak, kainin mo na yung yogurt mo.
         Arlain:    (Pagkasubo ng isang choco loco hat, biglang sigaw.)
                       Selecta, number one!


9.  Arlain with Tita Yen and her MxSecure colleagues (naglalakad papunta sa kanto).

         Tita Yen:  Arlain, ayun si Emil o… tawag ka ni Mama Rea.
         Arlain:      (Buntung-hininga muna)  Hay, naiinis ako sa sarili ko!
         Tita Yen:  O bakit ka naman naiinis sa sarili mo?
         Arlain:      Kasi ang dami kong broy-pen! [translation:  boyfriend]


10.  Mommy Lala and Arlain going to SM Dasma.

         Jeepney Driver:  Ibabayad ho ba ang bata?
                                  (Tahimik sa loob ng jeep.)
         Arlain:                Hindi kaya ako pera!


11.  Tita Ninang magpapahilot kay Lola ‘my.

         Tita Ninang:  Mommy, magpapahilot po ako sa inyo.
         Arlain:          Tita Ninang, hindi kaya sya si Lola Maria!

         *Lola Maria – ‘hilot’ ni Arlain


12.  Mommy Lala and Arlain inside the jeep (going home from her lola’s house in Amadeo).  May sumakay na African-American guy.  Panay ang kalabit ni Arlain sa nanay nya.

         Mommy:  Bakit ba?
         Arlain:     Bakit sya madumi, Mommy? (Pertaining to the man)
         Mommy:  Anak hindi, ganyan lang talaga ang kulay nya.
         Arlain:     Ang dumi-dumi nya, Mommy.  Kadiriii… yakiii…

         (Supladang bata.  Akala mo naman tisay ka, hahaha!)


13.  Tita Ninang, biglang nasaling ang isang pimple at dumugo ito.

         Arlain:          Nakakaawa ka naman, Tita Ninang.
         Tita Ninang:  Bakit naman?
         Arlain:          Kasi may tigyawat ka… at saka mamamatay ka na.
         Tita Ninang:  Ha?  Bakit naman ako mamamatay?
         Arlain:          Eh kasi buhay ka pa!


14.  Nagtatanong ng recipe si Ella sa Nanay ko.

Tita Ninang:  Nay, anu-ano po ang sangkap ng spaghetti?
         Nanay:          1 kg Royal (pasta brand)
         Arlain:          Saka COKE!

         (Akala ni Arlain ay Royal na soft drink ang sinasabi ni Nanay.)

15.  Habang nag-iinom sa may terrace sina Tatay, Kuya Junjun, and Ka Pitoy, pababa naman ng hagdanan si Arlain.

         Mommy:  Anak, dahan-dahan lang ang pagbaba.  Kapit… hoy!
         Arlain:     Hindi po ako si Ka Pitoy, mommy!


16.  Nanay Luz habang nagluluto ng tanghalian.

         Arlain:   Ano po niluluto nyo, nanay?
         Nanay:   Nagpiprito ako ng espada.
         Arlain:   Hindi kaya niluluto ang espada!


17.  Melo Family going to Alabang Town Center via Daang Hari.  Biglang may lumagapak sa windshield.

         Tatay:  Ano un?  May bumato ba sa atin?
 Lala:    Wala po.  Ibon lang, sumalpok sa salamin.  Lasing lang po, hilo eh.
 Arlain:  Ay!  Parang si Tatay Ben lang!  (Lasing)


18.  Arlain – nagising nang maaga.  Pinatutulog pa ni Lola ‘my para hindi humabol kay Mommy Lala pagpasok sa office.

         Lola ‘my:  Arlain, tulog ka ulit.  Maaga pa.
         Arlain:      Masakit na po ulo ko kakatulog, Lola ‘my!  Ayoko na po matulog!


19.  Mommy Lala and Lola ‘my from the office.

         Mommy:     Baby, asan si nanay?
         Arlain:        Natutulog na po.
         Lola ‘my:    Bakit natutulog na?  (Masama ba ang pakiramdam kaya maagang natulog?)
         Arlain:        Eh sa gusto na nya po matulog eh.


20.  Bumisita si Lolo Ganie at Lola Elsa sa bahay.  Naglalaro si Arlain ng doll house at nagkalat sa sahig ang mga laruan.

         Lola Elsa:  Arlain, samsamin mo na yang mga laruan mo.
         Arlain:      (Hindi kumikibo)
         Lola Elsa:  Sige, gusto mo tawagin ko pa si Mommy mo?  Pag nakita yan, itatapon yan sa garbage bag.
         Arlain:      (Natakot) Magtulungan tayo, Lola Elsa!


21.  Arlain and Tita Yen watching PBB Unli Night (Finding Fifi episode).

         Arlain:       Tita, hindi mahahanap ng housemates si Fifi.
         Tita Yen:   Bakit naman?
         Arlain:       Eh kasi balloon lang sya di ba?
         Tita Yen:   Yup.
         Arlain:       Eh di may kanta?  ♪ Ako ay may lobo, lumipad sa langit… ♪
Kaya tiyak pumutok na po ‘yun si Fifi at nasa langit na sya.


22.  Arlain and Tita Yen watching TV together.

         Arlain:       Tita, asan na po yung pimple mo?
         Tita Yen:   Eto po sa noo.
         Arlain:       Bakit may pimple ka?
         Tita Yen:   Magkakaroon na siguro ako.
         Arlain:       Ako rin, meron na po.
         Tita Yen:   Ha?  Meron ka na?
         Arlain:       Opo, meron na ko pimple kasi palagi akong puyat.


23.  Tita Yen going to work.

         Tita Yen:  Nay, alis na po ako.  (Sabay suot ng sunglasses.)
         Arlain:      Bye, Tita Yeyen!  Wow, ang sosyal mo naman, Tita!
Nakasalamin ka pa!
         Tita Yen:  So pag nakasalamin, sosyal na agad, Arlain?
Di pwedeng mainit lang?
         Arlain:      Sosyal ka pa rin, Tita!


24.  Arlain and Ate Mary while watching Goin’ Bulilit:

         Goin’ Bulilit:  Kung ang corn oil ay galing sa mais,
at ang vegetable oil ay galing sa gulay,
saan naman galing ang baby oil?
         Ate Mary:      Sa baby galing ang baby oil!
         Arlain:          Hindi kaya sa baby galing ang baby oil…
         Lola ‘my:      Eh saan galing ang baby oil, Arlain?
         Arlain:          Ang baby po oil po ay galing sa “mommy oil.


25.  Sa Luna Blanca teleserye ng GMA, ginamitan ni Luna ng gayuma si Joaquin para magpakasal sa kanya kahit si Blanca ang totoong mahal niya.  Para matanggal ang epekto ng gayuma, hinalikan ni Blanca si Joaquin sa mismong araw ng kasal nito.

         Arlain:             Mommy, hinalikan na po ni Blanca si Joaquin!
         Mommy Lala:    Ano ang nangyari?
         Arlain:             Natanggal na po ang RAYUMA!

Monday, August 10, 2015

Certified NBSB - Part 5


“So what can you say about the performance improvement plan for this team, Tin?”

“Tin?”

“Ahem.”

Nagitla lang ako nang bahagya akong sinipa ni Randolph, isa sa mga bagong supervisors sa team namin.  Kinakausap pala ako ni Ma'am Ems.  Naramdaman ko na naman ang pag-iinit ng pisngi ko.

“Ahhhmm, I think it will suffice for now, Ma’am.  The supervisors just need to discuss it with their team members thoroughly by first highlighting their strengths and then subtly moving on to the performance plan.  No beating around the bush.  Direct to the point with data on hand.  If the supervisors need anything prior to the counseling sessions, I can sit down with them and do some simulations.”

Pagkasabi ko nito’y in‑adjourn na din ng boss ko ang meeting.

Habang papalabas ng huddle room ay narinig ko ang mahinang tawa ni Ma’am Ems sa aking likuran.  “Someone’s mentally absent today in my meeting.  Iba talaga pag in love.”

Napalingon ako at tila napapahiyang ngumiti sa kanya.  “Sorry, Ma’am, it won’t happen again.”

“No, you did well.  The input you gave to the new supervisors is a good one.  I just noticed that all throughout the meeting, eh hindi mawala-wala ang ngiti sa mga labi mo.  How’s the boyfriend?”

At muli akong napangiti.  Two months na pala mula nung magkaroon ako ng first boyfriend.  Si Wilson.  Nasundan pa ng ilang flower bouquets ‘yung unang ipinadala nya sa akin nung Marso.  Matapos ang apat na buwan na online at long-distance na panliligaw, sinagot ko siya.

Hindi na ako NBSB.  Hindi na ako no-boyfriend-since-birth girl.

Wala namang nagbago sa routine ko.  Napansin ko lang na medyo mas magaang ang mga gawain at mas positive ang pananaw ko sa mga bagay-bagay.

Over the weekend, manonood sana kami ng sine nina Czarina, Myrtle, at Drew.  Girl bonding.  Pass daw muna si Gelai dahil busy na rin sa paghahanap ng suppliers para sa wedding nila ni Frank.  Unfortunately, may low pressure area on the day of our movie date, so tinamad lahat umalis ng bahay.

Nag-SMS ako kay Wilson just to update him na di kami natuloy ng mga kaibigan ko.

            Tin:  Hon, canceled ang d8 ko w/ d girls.  Mejo maulan, tnmad lht umalis ng bhay. J

            Wilson:  Gud.  Better b safe @ home.  Teka, mag OL aq.  RD ko, remember?

Automatically, bitbit ko na ang laptop pagbaba ko sa komedor.  Saturday nga pala ang rest day nya ngayon.  Habang nagbu-boot ang laptop ay inilabas ko ang isang pitsel ng pinapalamig kong iced tea galing sa ref.  Nag-microwave din ako ng isang ensaymada na uwi ni nanay galing sa bakery sa kanto kanina.  Nag-log ako sa Skype para dun kami mag-usap.

            Wilson:  Hi hon!  Musta?

            Tin:  Ok naman.  Eto maulan pa rin.  Kinakabahan nga ang Tatay at baka umapaw na naman ang ilog sa likuran namin. Namimiss nga nun ang bahay namin sa Batangas.  Kung dun pa din daw kami nakatira, kampante ang loob nya na di kami babahain.

            Wilson:  Naku, wag naman sana.  Wala pa namang makakatulong ang Tatay mag-awas ng gamit, wala ako dyan.

            Tin:  Kumusta sa Cavite?

            Wilson:  Ayun, ok naman daw.  Tumawag ako sa mga Nanay kanina, mahina naman daw ang ulan.  At saka medyo mataas ung lugar namin, kaya di bahain.

Habang magkausap kami ay pumasok naman ang Nanay ko sa kusina bitbit ang pinamiling ulam para sa aming pananghalian.  Nang malinis at maiayos ang mga ito ay humarap saglit kay Wilson para kumustahin ito.

            Wilson:  Kumusta po, Nanay Lucy?

            Nanay Lucy:  Eto, ayos naman, anak.  Mag-iingat kang palagi dyan.  Umiwas sa mga basag-ulo, hane?

            Wilson:  Opo.  Mabait po akong bata, hehehe.

            Nanay Lucy:  O sya, ako ga ay nangamusta lang.  Iiwan ko na muna kayo at kailangan na magluto ng pananghalian.

Halos isang oras pa kaming nagkulitan ni Wilson.  Nagkapaalaman lang nang malapit na ang tanghalian dahil nasa komedor ako at kailangan ko na ding ihanda ang mesa.

            Wilson:  Sige na, hon.  Maghain ka na dyan.  Next time na tayo mag‑kwentuhan ulit.

            Tin:  Yes po, hon.  Ikakain na lang kita ng maasim na pork sinigang ni Nanay!!!  Ingat kang palagi dyan and pray palagi, ha?

            Wilson:  Opo.  Sige na hon, babangon na rin ako para maglaba.  Hehehe.  Wavu!

            Tin:  Wavutu!  And amishu!

Sa mga ganoon lumilipas ang free time naming dalawa ni Wilson.

Manaka-naka nga ay nakatatanggap pa ako ng snail mail galing sa kanya.  Effort talaga sa pagsusulat at paghuhulog sa post office.  At dahil hindi naman bumibili ng stationery, ordinaryong bond paper lang ang sinusulatan at nilalagyan na lang niya ng kung anuanong dibuho sa paligid.  At dahil doon, natuto din akong gumawa ulit ng liham – the old fashioned way.

Mahilig din syang gumawa ng mga surpresa.  Nariyang tawagin ako ng receptionist namin dahil may naghahanap daw sa akin pero hindi naman pamilyar ang pangalan.  Paglabas ko ay saka magpapakilalang kasamahan daw sya ni Wilson sa Dubai at may iaabot lang daw syang padala para sa akin – isang malaking jar ng Galaxy Jewels na tsokolate.  May isang pagkakataon na isang kilong Patchi chocolates naman ang bitbit ng boss nya na Pinoy din na nagdesisyon nang manatili sa Pilipinas.  Nitong nakaraang buwan nga ay sneakers naman ang ipinadala sa kasamahan nya.  May nakadikit pang sticky note sa kahon “Para couple’s shoes natin, hon :)”

Masaya pala talagang ma-inlove.  Para akong laging nakalutang sa ‘cloud 9’ ika nga.  Ang dami naming plano para sa kinabukasan.  Ang dami-dami naming napag‑uusapan … pulitika, trabaho, buhay, pamilya, pangarap, pera.  Anything under the sun talaga.

Sa tuwing nagdadasal ako, isa lang ang palagi kong sinasabi sa Diyos.  “Sana po ay siya na ung gift Mo para sa akin.”

Habang tumatagal ay lalo kong nakikilala kung gaano kabuting tao si Wilson.  May pagpapahalaga sa mga magulang at kapatid.  Masinop sa pera.  Maingat sa gamit.  Sweet.  Dahil sa mga bagay na iyon, lalo ko siyang minahal.

Pero doon ko na-realize, mahirap din pala ang long distance relationship.  First boyfriend tapos long distance agad.  Habang lumalalim yung feelings ko para sa kanya ay mas tumitindi din ‘yung kagustuhan ko na makita at makasama na sya.

“Bes, musta naman ang buhay may-bf?” tanong ni Drew isang beses na tumambay ako sa bahay nila.  “Ayos naman.  Masaya.  Pero mahirap pala.”  Sambit ko.

“Naisip ko kasi na mahirap din pala na malayo ang taong mahal mo.  Sa mga panahong sobrang saya mo o mayroon kang natanggap na magandang balita, sa text o sa internet lang kayo magkakausap para i-share sa kanya ung magandang balita.  Sa mga panahong naiinis ka o napapagod sa mga bagay‑bagay, online lang ang pagsasabi nya sa iyo ng “Don’t worry, everything will be okay.  Kaya mo ‘yan.”  Imaginary ang mga hawak ng kamay kapag natatakot ka.  Ilusyon lang ang pagsama nya sa iyo sa mga medical checkup mo.  Mag-isa ka pa ding pumupunta sa mga okasyon ng pamilya at ng barkada.  Wala ka pa ding shoulder to lean on pag nanonood ng movies.  In short, virtual lahat.”

“Nakakapagselos naman ‘yang si Wilson!  Dati-rati eh sa akin mo sinasabi lahat ‘yang mga joys, fears, at kung anu-anong milestones sa buhay mo.  Hmp!”  Pabirong umingos si Drew.

“Bes naman eh… wag ganyan.  Moment ko ‘to.”  Pagkasabi ko noon ay niyakap ko si Drew.

Isang malalim na buntung-hininga.

“Okay lang ‘yan, Bes.  Kailangan nyo lang maging open sa isa’t isa.  Constant communication at trust ang sikreto ng LDRs” usal ni Drew.  “By the way, kelan ba ang bakasyon nya?”

Hmm.. kailangan nga ba?  Clueless ako.  Sabi nya, wala pa daw schedule ang bakasyon nya nung huling nag‑usap kami sa phone.  Nasa UK daw ang manager nila kaya di pa mapirmahan ang naka-plot na mga vacation leaves.

Lumipas ang mga araw tulad nang nakagawian namin.

“Ma’am Tin, di pa po ba kayo uuwi?  Late na po,” sambit ni Mang Joel habang isa‑isang pinapatay ang mga ilaw sa opisina.

“Pauwi na din, Mang Joel.  Sabay na tayo.  Isesend ko lang itong isang report na kailangan ni Ma’am Ems sa conference call nya bukas ng umaga.  Napaka-toxic nang araw na ito.  Haaaayyy…”

“Opo nga, Ma’am.  Parang halos maghapon po kayong nasa mga meeting.”

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntung-hininga kasabay ng pagpatay ko sa monitor ng aking desktop.  “Naku, sinabi mo pa.  Hindi ko nga nakuhang magsuklay sa maghapong lumipas.  Tara na.”

Masaya pa kaming nagkukwentuhan ni Mang Joel hanggang sa paglabas namin ng elevator. May mangilan-ngilan pang tao sa lobby ng building, mga taga-ibang kumpanya sa ibang floor base sa mga lanyard at ID na kanilang suot.

Pagdaan namin sa tapat ng reception area ay nginitian ko si Mang Rudy, ang panggabing security sa building namin.  “Ma’am, ingat po pag-uwi.”  “Thank you po, Mang Rudy. Mahaba pa ang gabi ninyo.  Mauuna na po kami ni Mang Joel.”

Paglampas na paglampas ng tingin ko kay Mang Rudy ay biglang nanikip ang dibdib ko.  May nahagip ang aking mga mata, subalit hindi ako sigurado kung tama nga ang aking nakita.  Baka dala ng pagod ko sa buong maghapon.  Guni-guni.  Gutom.

Para makasigurado ay lumingon akong pabalik sa waiting area sa tabi ng reception.

Parang naging jell-o ang mga tuhod ko.

Si Wilson.  Naglalakad papalapit sa akin.  May dalang isang malaking bouquet ng pink tulips.

______________________

Certified NBSB – Part 1
Certified NBSB – Part 4
Certified NBSB – Part 6


Tuesday, July 14, 2015

Certified NBSB - Part 4


“Feel better, ok?  Wag ka na munang mag-isip tungkol sa trabaho.  Pahinga ka lang.”  Yan ang sabi ng boss ko sa kabilang linya.  I called in sick at nilalagnat ako, marahil dahil sa nabasa ako ng ulan kagabi habang naglalakad palabas ng office.

I have all day to recuperate, sabi ng bubble talk ko.  Kailangan kong gumaling agad dahil company outing na namin sa weekend at ayokong ma-miss ang event na 'yun... di na naman ako makakasama sa pictures pag nagkataon tulad nang nangyari nung huling Christmas party dahil napasabay sa 60th birthday party ng tatay ko.

Wala namang may gustong magkasakit, pero lalo ko talagang na-aappreciate si nanay sa ganitong mga pagkakataon.  Alagang-nanay at its finest.  Nakahanda na agad ang pranelang pyjama at 'yung paborito kong Toronto Blue Jays na T-shirt na sobrang nipis na sa pagkaluma pero lagi ko pa ding isinusuot na pantulog (presko kasi).  Maya't maya ay umaakyat din siya para tingnan kung bumaba na ang lagnat ko, bitbit ang plangganang may yelo at Green Cross™ alcohol para palitan ung bimpong inilagay sa noo ko.  Bandang alas-onse ng tanghali ay tinawag na ako para kumain at uminom ng gamot.  Kaya ko namang bumangon kaya di na ako nagpahatid pa ng pagkain sa kwarto.

Bagong-lutong tinolang manok ang nasa mesa.  Naramdaman ko agad ang pagkulo ng tiyan ko nang maamoy ko ang mabangong sabaw nito.  Hindi ko na sila hinintay na makadulog sa hapag.  Excused akong kumain nang mas maaga sa kanila dahil may sakit ako.  Naubos ko ang sinandok ni nanay na kanin sa plato ko at nag-take 2 pa ako sa sabaw.  Pagkatapos kumain ay ininom ko na ang paracetamol na naka-stock dun sa medicine cabinet.

Pinagpawisan ako nang inam pagkakain kaya mas bumuti ang pakiramdam ko.

“Hinibasan ka na, anak.  Magpalit ka na ulit ng damit at basa na ng pawis ang suot mo.”

“Opo, 'nay” lang ang nasabi ko at pumanhik na akong muli sa aking silid.

Hindi naman ako nakabalik agad sa paghiga dahil bukod sa busog nga ako ay gumaan-gaan na ang aking pakiramdam.  Naisipan kong mag-check ng mga E-mails sa trabaho at baka may urgent concerns na kailangang sagutin.  Wala namang kailangan ng agarang sagot ko, kaya naisipan kong mag-Facebook na lang.  Nalilibang ako sa pagbabasa ng mga posts nang biglang nag pop ang chat window ko.

Si Wondering Soul.

Wondering_Soul:  Hi, Angel!

Persleydi:  Hnd nga po Angel ang name ko.

WS:  Hi, Im  Wilson, 25, Dubai.  Ayan ha, ngpkilala n ko.  Ikw?  ASL nga ulit?  Nklimutan ko n dati eh.

P:  Tin po, 24.  Obviously, girl.  L – dito lang.

WS:  If I may ask, wla k b wrk ngyn at chat ka ng chat?  Hahaha…

P:  Wow.  Tinde.  SL.

WS:  SL?  Male.  Dubai. 

WS:  Jok lng.. ano nga SL?

P:  Sick leave.

WS:  Ahh.. sorry, mejo slow.

So, doon nagsimula ang lahat.

Usual na chitchat.  Ayos ang time zone eh.  Night shift daw sya sa kumpanyang pinagtatrabahuhan nya, kaya may free time sa hapon na makipagkwentuhan sa Pinas.

Habang tumatagal ay mas naging palagay ang loob namin sa isa’t isa.  Nagpalitan ng contact numbers… nag-uusap thru E-mail.  Isang araw, nagkapadalahan ng picture sa E-mail.  Weh, hindi naman pogi.  (Hindi rin naman ako kagandahan, hahaha!)  Pero masaya syang kausap, anything under the sun talaga.

Ilang buwan ding ganun ang set up.  Basta magkasundo ang oras ng duty nya sa oras ko sa office, umuusok ang chat app.  Fast typist pa ako kaya na-amaze sya.

“Wilson!  Pwd nmn pgkatype mo ng 1 word send mo n agad. J  No need buuin p ang 1 paragraph bago isend, hahaha!  Nkkainip ka mgtype!!!”

Isang araw pagdating ko sa bahay, malayo pa lang ako ay natanaw ko na ang nanay ko na abot-tenga ang ngiti.  Baka may blessing na dumating, kung ano man.  “Mano po.”

“Nak, ‘musta ang araw mo?  Dami bang trabaho?”

Iba talaga.  May something kay mother!  Kinikilig ang nanay ko!

Gosh, baka dumating na ung petition nila pa-US!!!  No!!! (Panic mode na ako dito.)

“Nay, ano’ng meron?”

Patay-malisya ang nanay ko.

“Ano ngang meron?”  Medyo mataas na ng isang decibel ang boses ko.

“Wala.  Sige na, umakyat ka na at magpalit ng damit.”

“Sige po.”  Yun lang ang nasabi ko pagkatapos ay dumiretso na ako sa kwarto ko para makapagbihis ng pambahay.

Natigagal ako pagbukas ko ng pinto.  Feeling ko nga umakyat lahat ng dugo sa mukha ko. Nagba-blush ako!  “Uyyyyy!!!” pabirong udyok ng nanay ko na di ko namalayan ay nasa may likuran ko na pala.

Bakit ba naman hindi ako magigitla.  Isang bouquet ng pink tulips ang nakapatong sa kama ko.

FIRST TIME!!!

Oh my.. panic mode.  

Teka, baka prank ito galing sa mga lukaret kong kaibigan.  Hindi nakakatuwa.  Lagot sila sa akin mamaya.

Unti-unti akong lumapit sa kama at marahang dinampot ang bouquet.  Ang ganda ng mga bulaklak!  Favorite color ko pa talaga!  At saka ko napansin ang maliit na card na naka-stapler sa sinamay fiber.

“Hindi ko binasa ‘yan, Kristinella, ha?”

Defensive ang nanay ko!

“Thank you for being there for me.  WS”

Hihimatayin ata ako.  Nagpalpitate ang dibdib ko at saka para akong binuhusan ng tubig na malamig sa buong katawan pero mainit ‘yung pisngi ko.

“Nak, tumawag pa yang si Wilson kanina sa landline natin.  Nagpakilala.  Nasa Dubai daw sya pero taga-Cavite.  At tinanong kung dumating ang padala nya dito sa atin.”

Speechless ako at nahihiya at the same time dahil kitang-kita ng nanay ko ang raw reaction ko.

Nakaramdam naman si nanay.  Lumabas na din ng kwarto ko para siguro bigyan ako ng chance na makahinga at makasabay sa mga nangyari.

Marahan kong isinara ang pinto ng kwarto ko.  Inilabas ko ang cellphone ko…

Drew… pick up the phone… (nakaka-tatlong ring na...)

Come on, pick it up...

“Heller, bes?”

“Besssssssssssss!!!!!!!”

_____________________________________