Monday, August 22, 2016

Gula-gulanit na Gunita





Ang sabi ng iba
Sa pag-ibig daw h'wag maging tanga.
Pero ganun ata talaga.
Bulag ka na, magiging manhid ka pa.


Akala ko dati, ang 'love'
lahat ay 'happy ending'.


Hindi pala.


Meron din palang mapakla.


Ang masaklap,
isa ako sa naging biktima.



Nais ko lang naman
ay maging masaya
Bakit kaya ipinagkait pa?


Naisip ko din
Bakit kaya nakilala pa siya?



Dahil baguhan sa isang larangan
Pinilit kong aralin
at paghusayan.



Pero hindi pa rin sapat.



Lulubog-lilitaw
ang balsang natuntungan
at marupok ang lubid
na aking nakapitan.



Isang dekada din pala
ang itinagal ng pag-asam.
'gang isang araw,
bigla na lang nagpaalam.



Mababaw na dahilan.
Masakit na katotohanan.



Ngunit pagkapa sa sarili
ako pala'y pagod na rin.



Di ko lang inalintana
Dahil pilit akong lumaban pa
'Gang di ko na talaga kaya.



Kaya sa iyo, ang aking pakiusap
Wag ka nang babalik
o magpaparamdam pa.



Pinalaya na kita
Ako'y patahimikin na rin.


Monday, August 8, 2016

NBSB No More - Part 3



3:  BLOSSOMS


Accept.

“Hi, Tin!  Thanks for accepting my friend request!”

Si Mark.

Nagulat ako sa private message na ito.  “Hey, Mark!  Nakabantay sa FB?  Hehehe, good to see u here.”

Seen.

Hindi na rin ako nag-message pa.  Bumalik na ako sa aking trabaho dahil madami akong E-mails na dapat sagutin.

Lunch break ko na muling naisipang magbukas ng aking account.  Ang daming pumasok na notifications.  Unang-una na ang comment ng best friend kong si Drew.  “Super like!”  Stolen picture ko sa birthday party ni Andrea.  Hawak ko sa aking kaliwang kamay ang plato habang pumipili ng pagkain sa buffet table.  Galing sa bandang unahan ko ang kuha subalit hindi ko ito namalayan noon.

Second notification.  “Gondooooh!”  Si Drew pa din.  This time, sa isang picture ko habang wiling-wili ako sa pakikipagbiruan kay Gelai.  Third picture, yapus-yapos ko si Jenine habang naglalaro siya sa kaniyang iPad.  Stolen shot na naman.

Naramdaman ko ang pamumula ng aking pisngi.

Pang-apat na picture.  “Meet-the-mommy agad-agad? ♥” comment ni Myrtle.  Ito ‘yung picture ko kasama si Mark at ang mommy niya noong nanood kami ng sine last time.

Five minutes pa lamang ang nakakalipas, o wala pa, nang mag-ring ang office phone ko.  Ine-expect ko nang isa sa mga kaibigan ko ang tumatawag dahil sa mga nadiskubre ko sa Facebook account ni Mark.

Sinilip ko ang caller ID bago ko dinampot ang handset.  Hindi pamilyar ang numero kaya’t bahagya akong umubo para i-modulate ang aking boses sa pagsagot, “Howards’, good morning!  This is Tin.  How may I help you today?”

“Good morning!  May I speak with Ms. Kristinella Arguelles, please,” turan ng lalaki sa kabilang linya.

“Speaking.”

“Hi, Tin!  Si Mark ito.  I’m just wondering if you’re free for snacks later after work?  Nasa area ninyo lang kasi ako for a business meeting.  Frank said your office is just a block away from where I am.”

Nag-alangan ako sa pagsagot, “Hi Mark!  I was expecting Drew to call, nagtaka ako iba ang number.  Any way, thank you for the invite.  I’m not sure, though.  May web conference din kasi ako later with my US counterpart.  ‘Di ko alam kung ano’ng oras kami matatapos.” 

“It’s okay, Tin.  No worries.  Sige, I better get going.  Oh, by the way, di na kita nabalikan kanina sa chat.  I got a lot of things on my plate today.  Bawi ako.  Have a nice day.”

Hindi rin naman nagtagal ang meeting ko with Lizzie, my American counterpart.  We just discussed some minor details about the new account set to go live the following week.  Pagtuntong ng alas-singko ay naghanda na rin ako pauwi.

Nasa lobby na ako nang muling nag-alert ang cell phone ko.  “Hi!  Ako ulit mangungulit.  Are you still in a meeting?”

Makulit ngang bata.

I called him instead.  Sinabi kong natapos naman on time ang meeting at pauwi na rin ako at kung hindi sya muling nag-message ay hindi ko na maaalala ang imbitasyon niya.  Naramdaman ko ang sigla sa boses ni Mark nang pumayag akong kumain kasama niya.

Naghintay na lamang ako sa lobby ng building namin.  Lumabas lamang ako nang matanaw ko na ang pagmenor ng pamilyar na asul na Ford Everest sa may employee entrance.

Gentleman din nga talaga ang mokong, isip-isip ko habang inaalalayan ako ni Mark para makasakay nang maayos.  Bahagya kong sinipat ang sarili ko sa visor mirror bago pa man siya makaakyat sa driver’s side.  Siya na din ang nagdesisyon kung saan kami kakain.  Hindi na rin ako tumutol dahil alam ko namang mas madami syang maisasuggest na masasarap na kainan.

Sobrang dami ng kwento ni Mark all throughout our dinner.  Mabilis ko siyang nakapalagayan ng loob.  Madami akong nadiscover tungkol sa kaniya.  One would think that he is a happy-go-lucky guy, pero malalim na tao pala siya.  Hindi ko namalayan ang paglipas ng oras dahil sa dami ng aming napagkwentuhan.

Naputol lamang ang aming pag-uusap nang lumapit sa amin ang waiter na siya ding nag-serve ng dinner namin.  “Sir… Ma’am… is there anything you would like to add?  Desserts, perhaps?  We’ll be taking last orders by 10 p.m.  Thank you.”

Pasimple kaming nagkatinginan ni Mark kasunod ng awtomatikong pagsulyap sa aming mga relo.  Si Mark na ang sumagot para sa aming dalawa, “No, I think we’re good.  May I have the bill please?”  Pagkarinig nito’y kaagad ding tumalikod ang lalaki upang kuhanin ang aming bill.  Hindi rin nagtagal ay bumalik na muli ang waiter bitbit ang bill jacket.

Akma akong magbubukas ng bag nang awatin ako ni Mark.  “Hey, ako ang nag‑invite.  My treat.”

Hindi na rin ako nag-insist pa dahil alam kong hindi rin naman siya papayag na humati ako sa bill.  Nagbiro na lamang ako sa kaniya na madami-dami na rin ang utang kong kape sa kaniya.

“I know.  Saka na ako maniningil kasi gabi na,” pabirong wika ni Mark, “baka hinahanap ka na sa inyo.  Shall we?”

Naisip ko na hindi naman mag-aalala ang parents ko dahil nag-abiso ako na sa labas na ako maghahapunan at may maghahatid sa akin pag-uwi.

Nagpaalam lang ako saglit para magtungo sa wash room bago umuwi in case maipit pa kami sa traffic.  Nag-retouch ako nang kaunti bago lumabas.  Habang nakatitig sa salamin ay bigla kong naisip na sana ay hindi maisipan ni Mark na magpakuha pa kami ng picture dahil tiyak na aasarin na naman ako ng aking mga kaibigan ‘pag nagkataon.

Nag-aabang na siya sa may pintuan ng restaurant nang makalabas ako.  Sa dami ng aming napagkwentuhan ay tila baga nag-iba ang tingin ko sa kaniya nang mga sandaling iyon.  Mabait pala siyang tao.  Nginitian ko siya bilang hudyat na din na handa na ako sa aming pag-uwi.

Maluwag na ang trapiko nang mga oras na iyon.  Walang ‘dead air’ sa loob ng sasakyan dahil sadyang napakaraming kwento ni Mark.  Nakarating kaming matiwasay sa harapan ng aming bahay.  Napansin kong may sumisipat pang liwanag mula sa loob ng aming bahay; marahil ay nanood pa ng TV si tatay.

Hindi nga ako nagkamali.  Nang maramdamang may humimpil na sasakyan ay kaagad bumukas ang ilaw sa terrace at kagyat din syang lumabas para salubungin ako.  Bumaba si Mark para alalayan akong makababa sa sasakyan.  Nang masiguradong nakababa na ako nang ayos ay saka siya humarap kay tatay.

Inilahad niya ang kaniyang kanang kamay, “Mano po.  Pasensiya na po kayo at medyo nawili po kami ni Tin sa pagkukwentuhan kaya ginabi na siya ng uwi.  Hindi na rin po ako magtatagal.  Magpapaalam na po ako.”

Tila nabigla din ang aking ama kaya wala na rin siya halos naisagot kung hindi, “Sya sige.  Salamat, anak.”

Pagpasok sa loob ng bahay ay kaagad na din akong pinagpahinga ng matanda.

Hay salamat, walang interview,” pabulong kong usal nang makapasok na ako sa aking silid.

Naramdaman kong pinatay na din ni tatay ang TV sa sala.  Marahil ay hinintay lang talaga niya na makauwi ako nang ligtas bago siya matulog.

Kahit inaantok na ay pilit ko munang inayos ang damit at mga bagay na kailangan kong dalhin kinabukasan.  Nakailang ikot pa ako sa kwarto bago tuluyang nakahiga.

Bago pumikit ay sinubukan kong tingnan ang Facebook ko.  Isang bagay na matagal na panahon ko rin palang hindi ginawa.

May mangilan-ngilang notifications sa timeline ko, pero nothing significant.  Ibinalik ko na ang phone sa lock mode at akmang matutulog na.

Pipikit.  Didilat.  Bibiling sa kanan.  Bibiling sa kaliwa.

Sige na nga.

Out of curiousity ay muli kong binuksan ang cell phone ko.  Pumunta ako sa timeline ni Mark.

May bago siyang post… 5 minutes ago.

Isa itong black and white picture ng floating candle na napapalibutan ng madaming petals ng roses.  Larawan ito ng centerpiece sa restaurant na aming kinainan kanina lang.  May isang maikling caption na naka-post kasama nito. 

“First… and hopefully not the last.  Thank you.”


Ipinatong kong muli ang cell phone ko sa bedside table.  Kagyat kong iniayos ang aking unan at kumot.  Kasabay ng pagpikit ng aking mga mata ay isang bulong ang kumawala sa aking mga labi, “we’ll see…”

__________________________

Itutuloy.