Wednesday, June 8, 2016

NBSB No More - Part 2


2:  COINCIDENCES


“Nay, punta muna po ako ng mall.  May titingnan lang po ako sa bookstore,” paalam ko sa nanay ko isang Sabado ng tanghali.  May mga bagong libro akong nais mabasa.  Mas preferred ko pa din kasi ang tunay na aklat kumpara sa mga digital o audio books na usung-uso ngayon.  Iba pa rin ang fulfillment habang sinisinghut‑singhot ko ang bawat pahina ng mga bagong libro.  Excited din akong balutan ang mga ito ng self-adhesive plastic covers para manatiling nasa maayos na kundisyon.

Mall-wide sale pala noong araw na iyon.  Hindi magkamayaw ang mga tao sa pamimili lalo na ng mga gamit ng mga anak nila sa school.

Wrong move.

Hindi na muna ako pumunta sa bookstore.

Pinili ko na lamang mag-ikut-ikot para malibang.  Dumaan muna ako sa paborito kong pet shop para tingnan ang mga isda na nasa malalaking aquariums.  Nakatatanggal ng pagod ang panonood sa mga ito sa kanilang paglangoy.

Maya‑maya ay napadaan ako sa cinema.  Nakita ko na showing na pala ‘yung hinihintay kong movie.

Nakatayo ako sa harap ng poster ng “Pitch Perfect 2” para tingnan ang mga oras ng palabas nito.

Miss, tunaw na ‘yung poster!

Paglingon ko ay nasa may likuran ko si Mark.  May kasama itong isang matandang babae na nakakapit sa kaniyang kanang braso habang bitbit sa kabilang kamay ang isang designer handbag.

Hi, Mark!  Yeah, plan ko sana mag-bookstore, kaso ang daming tao dahil sa sale.  Then nakita ko na showing na ang Pitch Perfect 2, so I decided na manood na lang ng sine to kill time.”

“May kasama ka?”  Umiling ako.

“Oh by the way, let me introduce you to my mom.”

Pagkasabi nito’y humarap ako nang tuluyan sa dalawa.

Tantiya ko ay nasa late 60s na ang mommy ni Mark.  Banaag sa mukha nito ang kagandahan marahil lalo na noong kabataan niya.  Iniabot ko ang aking kamay sa matanda bilang tanda ng paggalang.

Nice to meet you, Ma’am.”

“Oh no, forget about the formalities, hija.  You may call me Tita Carmen like everyone does,” kasunod nito ay isang napaka-warm na ngiti.

Inulit ko ang aking pagbati, “Nice to meet you po, Tita Carmen.”

Natanong ko na din tuloy ang mag-ina sa pakay nila sa mall.  Nabanggit ni Mark na nagustuhan daw ng mommy niya ang Pitch Perfect 1 kaya naisipan niyang i‑treat ito para manood ng Pitch Perfect 2.

Niyaya na ako ng mag-ina na sumabay sa kanila.  Tumanggi ako sa simula dahil naisip ko na mother-son bonding nila ‘yun, pero nag-insist si Tita Carmen. 

Miss, Pitch Perfect, tatlo,” kasabay nito’y ang pag-aabot ni Mark ng card niya sa takilyera.  Lumingon siya saglit matapos ipakita ng babae sa kanya ang available seats, “Tin, any preferred seats?”

Ikaw na ang bahala, Mark.”

Nakahawak pa rin ang mga kamay ni Tita Carmen kay Mark nang muli itong magsalita, “Magsisimula na ba, anak, ‘yung movie?  If not, let’s go grab something to eat first.”

Biglang sumigla ang mood ni Mark.  “Mahigit isang oras pa, ‘ma.  We have lots of time.  Tin, would you like to join us for a late lunch?”

Pakiramdam ko ay namula ang aking mga pisngi sa biglaang tanong na iyon ni Mark.  “Ay naku, hindi na.  Moment ninyo ng mom mo yan.  Go ahead.  Mag-iikut-ikot muna ko and then I’ll just see you maya sa movie.  See you later po, Tita…”

Hindi na naman pumayag si Tita Carmen. 

Dahil puno din ang mga kainan, sa isang maliit na fastfood chain na lamang kami nakahanap ng mauupuan.

Sobrang animated si Mark habang kumakain kaming tatlo.  Napansin ko din na sweet sya sa mommy niya.  Asikasung-asikaso niya ang matanda.

Panay naman ang interview ni Tita Carmen sa akin.  Saan daw kami nagkakilala ni Mark.  Gaano na daw kami katagal magkakilala.

Nang mabanggit ko na matalik na kaibigan ko si Gelai na asawa ni Frank ay napakarami na din nitong naging kwento tungkol sa mag-asawa.

“Naku, kaibigan mo pala si Gelai.  No wonder.  Napakabuting bata rin noon.  I’ve met her a lot of times sa mga family gatherings namin.  Giliw na giliw din sa kaniya ang mga magulang ni Frank.  Unang kita ko pa lang kay Gelai, I knew Frank made the right choice.”  Saglit itong bumuntung-hininga sabay tingin kay Mark, “di tulad nitong bunso ko…”

Pabirong umingos si Mark sa ina, “Ma, ako na naman?  Nakakahiya kay Tin, o.  Wala ng naikwento ‘yung tao.”

Hindi pa rin nagpapigil si Tita Carmen sa pagkukwento.  “Eh totoo naman, Mark.  Naku Tin, kung andun ka sa kasal nina Frank at Gelai eh tyak nakita mo na ang girlfriend nito.  Hindi ko sya gusto.  Basta.  I just don’t like her.”

“Ma,” seryoso na ang tinig ng binata.

Na-tense ako.

Pero ngumiti lang ang mommy niya sa kaniya sabay yakap sa braso nito na parang naglalambing, “pero I am glad it’s over.”

Kaya pala.

Makuwentong sadya si Tita Carmen.  Sa loob nang mahigit na isang oras na nakasama ko sila sa pagkain ay hindi ko naramdaman ang awkwardness.  Mararamdaman mo ‘yung sincerity sa bawat sinasabi niya.  Manaka-naka ay napapahawak din siya sa braso ko habang nagkukwento.

Paminsan-minsan ay sinusulyapan ko si Mark sa pag-aalalang baka nagalit ito sa tinuran ng ina, subalit hindi naglaon ay bumalik na ulit ang dating kakulitan nito.

I insisted to pay for the food, pero in the end, si Mark pa rin ang nasunod.  “Lunch is on me.  Next time, ikaw naman ang taya.  Deal ba ‘yun, Tin?”

Tumango na lamang ako para matapos na ang usapan.

Naglalakad na kami palabas ng sinehan ng magbiro ulit si Tita Carmen.  “Nak, kunan mo kami ni Tin ng picture.  Ilagay mo sa Facebook ko mamaya sa bahay.  Gusto kong makita ng mga ate mo sa Amerika na nag-eenjoy ako dito sa Pilipinas.”

Kinuhanan nga kami ni Mark ng picture gamit ang kaniyang cell phone.  Ang isang shot pa ay groupie na kasama siya.

“Di mo naman ina-accept ang friend request ko sa FB, Tin.  Ang tagal na kaya nun.  Nagsend ako ng invite sa iyo nung birthday pa ni Angela.  Lahat sila na-accept na ako, ikaw na lang ang hindi,” biro ni Mark.

Humingi ako ng paumanhin sa kaniya dahil hindi pa talaga ako nagbubukas ng Facebook mula nung huli kaming magkita sa birthday ng anak nina Frank at Gelai.

Nagpaalam na din ako sa mag-ina pagkatapos noon.  Nagyayaya pa sana si Mark na magkape, pero naisip kong ibigay na lang sa kanila ang time na iyon para sa isa’t isa.

Matapos magpasalamat sa dalawa ay humalik ako kay Tita Carmen para magpaalam.  “I hope this is not the last time I’ll see you, hija.”  Tumango naman ako at dali-daling lumayo sa kanilang kinatatayuan.

Hupa na ang tao sa bookstore nang dumating ako.  Sinamantala ko na ang pagkakataong iyon para hanapin ang mga librong nais kong bilhin.  Tiningnan ko din kung may mga bagong release pa sa mga bestsellers.  Nalibang ako sa pag-iikot sa dalawang-palapag na puno ng iba’t ibang libro, magazines, at office and school supplies.  Apat na novels ang bitbit ko paglabas kasama ng mga abubot na nakatuwaan ko lamang bilhin sa stationery section.

Mahigit isang oras din ata ang ginugol ko sa bookstore sa pag-iikot lamang at pagbabasa ng synopsis ng mga bagong librong nakadisplay sa bestseller shelves.

Dumaan ako sandali sa isang pizza parlor para bumili ng pasalubong para kina tatay at nanay.

Mahaba ang pila ng pasahero sa taxi stand.  Wala naman akong choice kung hindi maghintay sapagkat tiyak na punuan din ang mga jeep sa kabilang side ng mall.

Nirereplay ko ang mga pangyayari nang araw na iyon kaya hindi ko namalayan ang pagtigil ng isang sasakyang naka-hazard light sa may dulo ng taxi stand.

“Miss, miss…” sabay kulbit sa akin ng binatilyong nasa gawing kaliwa ko.  Paglingon ko sa kaniya ay awtomatiko nitong itinuro ang isang asul na sasakyan.

Si Mark.  Panay ang kaway nito para ayain akong sumabay na sa kanila.  Nagtataka ako sapagkat wala si Tita Carmen sa sasakyan.

Nag-aalangan man ay nilisan ko na din ang pila ng taxi sapagkat tiyak na gagabihin ako ng uwi kapag hindi pa ako sumabay sa kanila.

Binuksan ko ang likurang pintuan at nagulat ako na doon nakaupo si Tita Carmen.  “Sa unahan ka na maupo, hija, kung okay lang.”

Hindi na rin ako nagdalawang-isip pa sapagkat may dalawang sasakyan na ding nakahimpil sa likod ni Mark.

Pagsakay ko ay nagpaliwanag pa ang mommy ni Mark na may phobia na siyang maupo sa unahan dahil iba na ang mga driver sa Pilipinas ngayon.

Dahil parehong makwento ang mag-ina ay hindi ko rin namalayang nasa tapat na kami ng aming bahay.  Inanyahan ko silang bumaba para makapag-minindal subalit tumanggi na ang matanda at nagsabing masakit na ang tuhod nito.

Salamat, Mark, ha.  Libre lahat.  Nakakahiya.  Tita Carmen, salamat po and nice meeting you po.”

Napakaganda ng ngiti ni Mark habang akmang ipipihit ang sasakyan nito, “Tin, may utang ka na sa akin.  See you soon!”

Pagkasabi nito’y itinaas na niyang muli ang bintana ng sasakyan at tuluy-tuloy nang umalis.

Hindi ko agad napansin na nasa terrace pala sina Tatay at Nanay at nagpapahangin.

Biniro ako ni Tatay pagkaabot ko sa kaniya ng kahon ng pizza.  “Parang pangalawang beses ko nang nakita ang Ford Everest na yan sa gate natin, Kristinella.  Bakit ayaw mo pang ipakilala sa amin?”

Pigil na pigil ang ngiti ni Nanay bilang pagsang-ayon sa pambubuyo ni Tatay.

Naku, ‘tay, wala ‘yun!  Si Mark Mayabang ho ‘yun.  Pinsan ni Frank.  Partner ko ‘nung kasal nila ni Gelai.”

Nangingiti rin akong pumasok sa loob ng bahay para magpahinga.


It’s a happy day. J


______________________

Itutuloy.

Sunday, May 22, 2016

NBSB No More - Part 1


Matuling lumipas ang mga araw.

Nagpabinyag na si Frank at Gelai ng kanilang panganay.  As usual ninang na naman ako.  Hindi na kinuhang ninang ang tatlo pa naming mga kaibigan dahil masama daw iyon sabi ng matatanda, para daw nagsolian ng kandila.

Sumapit ang first birthday ni Angela.

Kumpleto kaming magkakaibigan.  Buntis ulit si Myrtle.  Naka-attend na finally si Martin, ang seaman na asawa ni Czarina.  Big girl na din si Jenine na inaanak ko naman kay Drew at Randolph.

Busy ako sa pagkuha ng pagkain sa buffet table kaya hindi ko namalayan ang paglapit ng isang tao sa aking tabi.

“Suplada ka pala sa personal, miss.”

Si Mark.















Dedicated sa mga kaibigan kong kunsintidor sa love life ko,
pero never nagsawang mag-abot ng tissue pag iyakan time na.

You know who you are.

Lab yu!


1:  ACQUAINTANCES


“O, Mark, hi!  Kumusta?”  Si Mark ay malapit na pinsang-buo ng kaibigan kong si Frank.  Siya ang ka-partner ko as veil sponsor sa kasal nila ni Gelai noong June 2013.  “I’m good!  It’s been a while.  Absent ako nung binyag ni Angela, I was out of the country for a convention.”

Luminga-linga ako para tingnan kung biglang susulpot mula kung saan ang girlfriend nito na sobrang territorial.

“Are you with someone?,” tanong nito sabay kamot sa ulo na para bang nagsisi sa kaniyang naibulalas.  “Yes.  Kasama ko ang mga girls.  Excuse me, baka hinahanap na nila ako.”

“Sure.  It’s good to see you again!,” pahabol na hiyaw ni Mark kasabay ng isang matamis na ngiti.

Malayo pa ako sa lugar na aming inuupuan ay napuna ko na ang hagikhikan ng aking mga kaibigan.  Bitbit noon ni Drew ang birthday girl na natutulog sa kaniyang balikat.

“Nakatulog na ang inaanak mo sa paghihintay sa iyo.  Ang tagal mo daw makakuha ng food sa buffet table,” pabirong sabi ni Gelai na noo’y nagpapahinga sa isa sa mga upuan.  “Hinayaan ko na muna si Angela sa Tita Drew niya.  Ang bigat na din, masakit na ang braso ko kabubuhat,” sabay taas sa kaniyang mga kamay para wari’y pagpagin.

Napansin kong kami na lamang mga girls ang nasa mesa.  Ang mga bata ay wiling‑wili sa paghahabulan sa maluwang na lawn ng mag-asawa.

Tila naunawaan naman ni Myrtle ang paghahanap ko kaya sumagot ito, “naku, may sariling mesa na ang boys.. alam mo na, for the boys na.. inuman na…”

“Kung ikaw ba naman eh…,” untag ni Czarina.  Inawat ko na ito para hindi na maituloy pa ang sasabihin.  “Oo, ako na.  Ako na naman… wait lang kayo… kakain muna ako, hahaha!”  At itinuloy ko na ang pagkain ng masarap na merienda.

Abalang-abala na kami sa picture-taking at ‘groupies’ bitbit ang mga makabagong telepono nang lumapit sa amin si Mark bitbit ang kaniyang DSLR camera.

“Hi, guys!  Care to have some pictures taken?”

Hindi pa man nakasasagot ay excited nang nagsipuwesto ang apat kong mga kaibigan para makuhanan ng larawan.

“Ay sandali, wala pa si Tin!  Tin, bilisan mo, picture daw o!  Mas maganda ang kuha sa camera ni Mark, high-tech!  Dali!!!!,” pasigaw na sabi ni Czarina.  Hindi pa rin ito nagbabago, siya pa rin ang maingay at war-freak sa aming magkakaibigan.  Napailing na lamang ako habang hinahanap ang pwesto para makuhanan na kami ni Mark.  Nagising din si Angela sa pagkakatulog nito sa balikat ni Drew marahil sa kaguluhan sa kaniyang paligid.  Himalang hindi ito umiyak at tila ready din sa pagngiti sa bawat kislap ng flash.

Sinipat ni Mark sandali ang unang picture na kaniyang kinuha.  May mga pinindot ito sa camera at maya-maya’y nagsalitang muli, “Ammm, Tin, ok lang ba kung uusod ka dito sa medyo unahan at medyo center?  Hindi kasi balance.”  Kasabay nito’y itinuro ni Mark kung saan ako uupo.

Habang inaayos ni Mark ang pwesto ko ay napansin ko ang lihim na kindatan ng aking mga kaibigan.  Ako na naman ang nakita ng mga ito.  At talagang kay Mark pa?  Hindi ba nila natatandaan kung paano magbantay ang girl friend nito noong kasal nina Frank at Gelai?

Himala nga na hindi nito kasama ang nobya sa pagtitipon.  Baka nasa abroad or may ibang commitment, sagot ng isip ko sa aking paghahanap.

“Pakita mo sa amin ‘yang mga kuha mo kung maganda kami, Mark ha?,” bati ni Gelai.

“Sure, tag ko kayo sa FB pag uploaded na.  Ay, wait, di ko pa ata kayo friends lahat.  Kayo pa lang ni Kuya Frank ang ka-FB ko.  Ok lang ba if invite ko kayo lahat as friend?”  Kasunod nito’y ang pagsuyod niya ng tingin sa aming lahat na para bang naghihintay ng sagot sa kaniyang pagpapaalam.

“Sige, add mo lang kami,” sagot naman ni Drew para sa aming lahat.

Matapos ang birthday party ay naiwan pa kaming magkakaibigan sa bahay ng mag‑asawa para mag-tea.

Nakakatuwang isipin how time really flies.  Parang kailan lang, masaya na kaming magkakasama sa lugawan ni ‘ti Mely sa may kanto malapit sa school namin noong high school.  Pilit naming tinitipid ang baon sa school para mayroon kaming pambili ng lugaw at tokwa sa hapon habang nagpapatay ng oras bago umuwi.  Dumaan din kami sa panahon na natutong uminom ng beer at hard drinks noong nakapag-debut na kaming lahat.  Madalang namang mangyari ‘yun, usually pag sem break at nasa Batangas kaming lahat o di kaya ay pag mayroong broken-hearted sa isa sa aming magkakaibigan.  Si Czarina lang din naman ang malakas uminom sa aming lima.  Madalas ay mas marami pa ang pagkain namin kaysa sa inumin.  Magkasama‑sama lang kami ay okay na.  Kaunting sound trip on the side at walang‑humpay na kwentuhan ay nairaraos na namin ang aming girl bonding.

Ngayon ay tea party na ang aming ginagawa, at sa kani-kaniyang mga bahay na.

“Tin, may balita ka kay Wilson?,” pagkarinig ng pangalang iyon ay biglang nawala ang pagmumuni-muni ko.

“Ha?  Wala eh.  Di na rin naman ako nagchecheck about him.  It’s been what, 2 years…”  Pilit kong kinapa ang aking sarili kung ano ang naramdaman ko ng marinig kong muli ang pangalan niya.

Wala na.  Walang kirot.  Walang flashback ng memories.

Weird.

Saka ko lamang siya naalala ngayong nagtanong na si Myrtle.

Two years.

Malaki na rin siguro ang anak nila ni Lira.  Boy or girl kaya?

“Wow, strong na ang bes ko!  Wala ng emotion pagkarinig ng name ni He‑Who‑Must-Not-Be-Named!  Ang galing ah… two years!,” kasunod nito’y pumorma si Drew ng isang high five sa akin.

Napangiti na lamang ako sa tuksuhan ng mga kaibigan ko.  Habang nagpapakulo ng tubig para sa aming tsaa ay nabuksan ulit ‘yung nangyari sa aming dalawa.  Nakakatuwa ang mga ala-ala.  Madami pala talaga kaming happy memories.  Kahit si  Czarina na pinaka-vocal sa pagkagalit kay Wilson ay mukhang naka-move on na rin.

“Honestly, love na love ko kayo.  I truly appreciate ‘yung presensiya ninyo lalo na nung krung-krung moments ko.  Akala ko, end of the world na.  Ganun pala ma‑broken hearted…  ang sakit pala!  Pero doon ko talaga nakita ang pagiging amasona friends ninyo, hahaha!  Kulang na lang eh sugurin ninyo si Wilson sa Dubai at sunugin ang villa nya ‘run!  Super thankie, mga sisters!  Kampai!,” sabay taas sa tea cup ko na wala pa namang laman.

Maya-maya ay lumabas na si Gelai dala ang teapot na may mainit na tubig.  Kanya‑kanya na kami ng kuha ng tea bag sa organizer.  Favorite ni Myrtle ang Earl Grey, black kay Drew, chamomile kay Gelai, green kay Czar, at lemon with mint naman sa akin.

Lumapit si Randolph bitbit ang isang bote ng ice-cold beer.  “Tin, tea or beer?,” at nagkatawanan na kaming lahat nang malakas.

Mag-aalas-nuwebe na ng gabi nang makabalik si Frank sa bahay nila ni Gelai mula sa paghahatid sa kaniyang mga parents pauwi sa kanilang bahay sa Batangas.  Kinabukasan na daw uuwi ang mga ito sa Mindoro para hindi na rin masyadong mag-alala sina Frank.

“Love, alam mo ba, tuwang-tuwa sina mommy sa mga ito,” sabay turo ni Frank sa aming magkakaibigan, “kakaiba daw ang friendship na mayroon kayo.”

Nagkatinginan kaming lahat.  Totoo ang sinabi ng mommy ni Frank.  We’ve been friends for more than half of our lives.  Mga gusgusing Batangueña pa lamang kami ay magkakasama na kami.  Classmates kami mula grade 1 hanggang maka‑graduate ng high school.  Hindi pa mandatory ang pre-school noon kaya sa aming lima, si Myrtle at si Gelai lamang ang nakapag-aral ng kinder.

Nauna nang umuwi sina Myrtle dahil hindi na pwedeng magpuyat ang buntis.  Hindi naglaon ay sumunod na ring nagpaalam ang mag-asawang Czar at Martin dahil maaga pang luluwas ang mga ito kinabukasan.

Hinintay lamang naming makapagpahinga sandali si Frank bago kami nagplanong umuwi nina Drew at Randolph.  Maluwag na ang iskedyul ng mag-asawa dahil hindi na alagain si Jenine.  Malaking-bulas nga din ito sa edad na siyam na taon.  Masaya lamang itong nagpatay ng oras hawak ang kaniyang tablet.

“O paano, sis.. Frank… uwi na kami.  Inaantok na din itong si Jenine.  May taekwondo training pa ito bukas,” pagpapaalam ni Randolph sa mag-asawa.  Pagkasabi nito’y tumayo na rin kami ni Drew para humanda sa aming pag-uwi.

Nagpasalamat din ako sa mag-asawa.  May pauwi pa itong mga dessert para kina nanay at tatay.

Sa dami ng bisitang imbitado sa party ay sa labas na nakapag-park si Randolph ng kaniyang sasakyan.  Naglalakad na kami palabas ng gate nang humimpil ang isang Ford Everest na blue sa aming tapat.

Humahangos na bumaba ng driver’s seat si Mark.

“Hi!  Naiwan ko ang spare battery pack ng camera ko sa tabi ng buffet table kanina.  Naiwan ko palang naka-charge dun!  Uwi na ba kayo?  Wait, sabay-sabay na tayo!”

Tumakbo itong papasok sa loob ng gate habang naiwan namang umaandar ang makina at nakabukas ang pinto ng kanyang sasakyan.

Napailing na tumayo si Randolph sa gilid ng sasakyan ni Mark, “Hintayin na natin ang pobre.  Baka ma-carnap pa ang Everest niya.”  Tatawa-tawang biro ni Randolph sa amin.

Wala kaming nagawa ni Drew kung hindi maghintay sa gilid ng daan.  Safe naman sa village nina Frank at Gelai dahil sa 24-hour roving security.  Hindi lang din siguro matiis ni Randolph na iwanan ang sasakyan na walang ibang nagbabantay.

Nakabalik naman agad si Mark bitbit ang isang kulay itim na bagay sa kaniyang kamay.  Nahinuha kong ito ‘yung battery pack na kaniyang nabanggit pagbaba ng sasakyan.

“Pasaan kayo, ‘pre?”  Sa Makati nakatira ang mag-asawa kaya madalas ay sila ang sumusundo at naghahatid sa akin dahil sila ang pinakamalapit sa Pasay.

“O really, saan sa Pasay?  Pasay din ako,” sabay lingon ni Mark sa akin para tanungin ang eksaktong lugar ng bahay namin.  “Sa may Taft,” sagot ko.

Nag-offer si Mark na siya nang maghahatid sa akin pauwi para makadiretso na pauwi ang mag-asawang Drew at Randy.  Maluwag na ang daloy ng trapiko nang mga oras na iyon kaya hindi rin naglaon at humimpil na kami sa tapat ng aming bahay.

Inalalayan ako ni Mark pagbaba nang sasakyan dahil medyo mataas ang Everest.  Nagpasalamat ako at inanyayahan siyang pumasok sa aming bahay para makapag‑kape man lang.

“No thanks.  Hinihintay din ako ni mommy sa condo at may kailangan daw akong pirmahang mga papeles.”

Naglalakad na akong papasok sa aming gate nang nagsalita siyang muli.

“Maybe we can have coffee some other time.  My treat.  I hope it’s okay with you.”

Lumingon ako sa kinaroroonan niya at bahagya akong ngumiti.  “Good night, Mark.  Thanks sa libreng hatid.  Ingats.”

At tuluy-tuloy na akong pumasok sa bahay kaya hindi ko napansing hindi pala sya umalis agad.  Nasa silid na ako nang marinig ko ang mahinang huni ng kaniyang sasakyang palayo sa aming gate.

Inilabas ko ang cell phone ko mula sa aking bag at inilapag ito sa aking bedside table.  May ilaw pa ito dahil sa isang kapapasok lamang na text.

To:  Tin (+63917-503-xxxx):  “It’s good to see you after a long time.  Good night.”

May number pala ako ng kumag na ‘yun.

Yeah!  We have each other’s number dahil sa meeting namin noon para sa wedding program nina Frank at Gelai.

          To:  Mark Mayabang (+63917-551-xxxx):  Salamat.  Gnyt. Ü


_____________________________________

Itutuloy.



Tuesday, May 17, 2016

Certified NBSB - Full PDF Version

Hello!

For those wanting to read the PDF version of my story "Certified NBSB", you may visit the link below and download the PDF.

https://drive.google.com/open?id=0B7QSW4Y6rucaYVg2QVlSUkQtM0U

You may also share this with your friends who enjoy reading as a pastime.

Thank you very much for supporting OPM (Original Pinoy Manunulat) ☺

God bless us all!