Saturday, April 26, 2014

Certified NBSB – Part 2

“Tinnnnnnnnnnnn!”


Hindi ko na kailangang lumingon pa para malaman kung sino ang tumatawag sa akin.  Ang mga lukaret kong kaibigan.

‘Yan ang nakakatuwa sa amin.  Nagsitanda na at lahat.  Jologs pa rin pag magkakasama.  Cowboy.  Bawal ang mag-inarte.


Humimpil ako sa tapat ng shoe store para hintayin sila mula sa aking likuran.  Unang nakalapit sa akin si Myrtle.  Isang mahigpit na yakap at matunog na beso‑beso ang ibinigay sa akin na para bang sampung taon kaming hindi nagkita.  Eh last week lang naman kami magkakasama sa charity event nung isang ka-batch namin nung high school na Mayor na sa Cabanatuan ngayon.


Maya-maya ay naabutan na din kami ni Gelai, Czarina, at ni Drew.


“Saan tayo?  Same place?”


“Ahhmmm, pwede bang sa Chili’s tayo ngayon?  Parang gusto ko ng Mexican,” suhestiyon ni Gelai.  “Naglilihi?” halos panabay na wika naming lahat kasunod ng matunog na halakhakan papunta sa lokasyon ng pamosong restaurant.


Noong una, ang engagement ring ang pinagkaguluhan namin.  Sipat dito, sipat doon.  Akala mo naman naiintindihan namin ang karat ng mga dyamanteng nakapalibot sa daliri ni Gelai.


Kaya naman kasi ni Frank na magbigay ng mamahaling ornamento para kay sis.  Malakas na ang hotdog foodcart business nya sa Marinduque.  Madami na rin ang kumukuha ng franchise ng “Franksters” kahit sa kaMaynilaan at sa ibang mga lugar sa Pilipinas.


Natahimik ang lahat nang i-serve na ang appetizers.  Dinampot ko ang quesadilla at tahimik na kumain.


“Oy, may dumaang anghel!” wika ni Drew sabay siko sa akin.


“Ha?”  Patay-malisyang tugon ko.


“Wala.  Sabi ko matakaw ka.  Hahaha!” Pabirong sunod ni Drew nung nakuha na nya ang atensyon ko.


“Ano na nga ang topic?”


Sumagot si Myrtle habang akmang isusubo na ang mozarella ball na nasa kanyang tinidor, “Binibining Kristinella Arguelles, ikaw, kelan?”


Alam ko na ang ibig sabihin ng tanong na iyon.


Ilang milyong beses na ba?

Pinandilatan ko sya ng mata at saka pabuntung-hiningang sinabi, “Bukas na, gabi na eh. Tulog na ang pari,” sabay inom ng aking watermelon shake para lunurin ang malakas na tawanan ng apat kong mga kaibigan.



________________________________________

Certified NBSB - Part 1
Certified NBSB - Part 3

Thursday, April 10, 2014

Certified NBSB – Part 1


“Mga sis… I’m engaged!!! ”


Ito ang nakita kong post ng aking kaibigang si Gelai sa group namin sa Facebook.


“I’m so happy for you, kapatid! ♥♥♥” naman ang isinagot ko sa announcement n’yang ito.  Tiyak ako na ako pa lang ang nakakikita ng post na ito sa aming magkakabarkada sapagkat wala pang ibang nagko-comment.  For sure, trending na naman ito maya-maya lang. 


Umalis ako saglit sa station ko para magtimpla ng kape sa pantry.  “Low-volume day” ngayon kaya petiks ang drama ko.  “Ma’am, nakabili na po ako ng creamer.  Andun po sa cupboard,” bati ng aming utility man na si Mang Joel.  Alam na nya na ‘di ako umiinom ng kape na walang creamer, at alam din nya na iisang brand lang ng creamer ang ka-partner ng kape ko.  Kaya nung makita nyang paubos na ang supplies, sumaglit na sya sa supermarket na malapit lang din naman sa aming opisina.


Bitbit ko na ang aking mug pagbalik ko sa pwesto ko.  Nang muli kong i-refresh ang PC ko ay nakita kong nag-change na ng status si Gelai.  “Got Engaged with Frank Martinez.” Isang hingang-malalim lang at tyak na magsasalimbayan na ang comments ng madlang pipol.


Habang hinihigop ko ang maligamgam kong kape (ayoko kasi ng mainit na mainit kaya hinahaluan ko pa ng tubig na malamig… weird lang), napunta ang isip ko sa kung saan.


Nagbibilang na pala ako.


Una si Czarina, 2002.  2003 naman si Myrtle.  Nabuntis si Drew noong 2005, at saka ikinasal noong 2006 pagkapanganak sa panganay nyang si Jenine na naging inaanak ko.  Lumiban muna ng ilang taon.  Nadagdagan pa ang aking mga inaanak (at kumpare).  Ngayon, 2010, este, kanina lang pala, engaged na si Gelai.


Shit!


AKO NA LANG ANG SINGLE?


Medyo napalakas ata ang pagbagsak ko ng mug ko sa coaster dahil napalingon ang CEO namin sa kinaroroonan ko.


“Ay, sorry, Ma’am.  Hindi po ako galit.  Nagulat lang.”  Pabirong wika ko kay Ma’am Ems.  “Nakakagulat ka naman kasi, akala ko bumagsak na ang stock market sa pagkakabagsak mo ng mug mo.  Lovelife ba ‘yan?” 


“Naku, ma’am… wish ko lang,”  sabay ngiti kay bossing.


Nakatanggap ako ng SMS galing kay Gelai bago mag alas-singko.  “Gang wat tym ka ngayon?”  Sanay na kasi ang mga kaibigan ko na flexi ang schedule ko, kaya walang oras ang pasok, walang oras din ang uwi.


“Out na ko ng 5:30. :)”


“Ok.  Kitakits tyo ng mga girls s Greenbelt 5.  Dinner & catching up.  Txt txt n lng.  C yah!”


Alam ko na ang magiging topic.


________________________________________


Certified NBSB - Part 2