Tuesday, November 25, 2014

Certified NBSB – Part 3

♪ ♫ I've got your picture in my wallet, and your phone number to call it... ♫ ♪


Snooze.

Pikit-matang pinindot ko ang aking mobile phone para patayin ang kanta ng FM Static na nagsisilbing alarm ring tone ko.  Unti‑unti kong idinilat ang aking mga mata para makiramdam sa aking paligid.  Alas-sais ang oras na nasa glow-in-the-dark wall clock ko. Madilim‑dilim pa sa labas.


Nang bigla kong maalala na holiday pala ngayon, National Heroes Day.


Long weekend!


Hinila ko ang comforter para mamaluktot muli, pero nagbago ang isip ko.  Ang dami ko na nga palang nakatambak na labahin.  At kailangan na din ata ng makeover ng kwarto ko.


(Makeover = Pagpapalitin ang posisyon ng kama at cabinet sa maliit na kwarto.  Maglalagay ng bagong-labang kurtina.  Magpapalit ng beddings at pillow case.)


Inubos ko ang buong maghapon sa pag-aayos ng aking kwarto.  Linis dito, laba doon.


Nagtagal ako sa paglilinis ng kwarto.  Hindi naman nga dahil sa malaki ang kwarto ko kung hindi sa dami ng mga arganas at abubot.  Habang inaayos ko ang laman ng mga shelves ay isa-isa ko din binubuklat ung mga lumang aklat na andun para matanggal ang mga agiw at alikabok.


May nalaglag na picture sa isang libro ko ‘nung high school.  Nakakatuwa.  Larawan namin ni ex-crush sa isang outing ng klase.  Payat days.


Pagbukas ko ng isang kahon ng sapatos na binalutan ng gift wrapper at plastic cover ay nakita ko ang mga notes naming magkakaibigan.  Ito ‘yung mga palitan namin ng sulat habang ang teacher ay salita nang salita sa unahan.  “Saan tayo kakain mamaya?”  “Cute ata ngayon si Jay?”  “Inaantok ako.”  “Pautang naman ako ng 50 pesos, bibili ako ng Bench 8.”  


Ang papangit pa ng penmanship nila noon, lalo na ang sulat‑kamay ni Myrtle.  Aminado naman sila na ako ang pinakamaganda ang handwriting sa barkada.  Writer nga daw kasi ako.


Nangangati na ang ilong ko sa dami ng alikabok na nagliliparan dahil sa pag-aayos ko ng mga gamit ko, pero sige pa din ako sa pagbubuklat.  Time space warp.


Sa isang mas maliit-liit na kahon ng sapatos na may wrapper na pink at plastic cover pala nakalagay ung mga love letters.  Mga padala sa akin ng mga “may kras” daw sa akin nung elementary o nung high school.  Iilan lang naman ‘yun, hindi naman ako school beauty. Nakakatuwa lang basahin ulit, ang daming maling grammar.  Mga sweet nothings.


At ehem, andun din pala ang mga “unsent letters” ko.  Ang liham na muntik‑muntikan ko nang maibigay kay ex-crush nung minsang malasing ako sa isang birthday party (mula ‘nun, hindi na ako uminom ng hindi ko kaya)… unrequieted crush kasi.  Andun din ‘yung sulat ko sa nanay at tatay ko ‘nung gusto kong maglayas dahil sobrang higpit nila sa akin nung nagdadalaga na ako (pero hindi ko itinuloy ang pag-alis dahil takot din akong sabihin nila na, “Natutong umalis, matutuong bumalik.”  Saan ako titira?  Saan ako kakain?  Saan ako hihingi ng baon sa school?)


Sa isang box pa ay nabuklat ko naman ang aking mga lumang diary at autograph (slum book [slam book] pa nga ang tawag dati, di ba?)  Naloka ako sa mga sulat ko sa diary.  Para namang irregular ang paglalagay ko ng entry.  Napaisip nga akong bigla… Ako ba talaga ang nagsulat ng mga iyon?  (What?!  Naging crush ko si Martin noon?!  Ewwwww...)  Nagsusulat lang ata ako ng “Dear Diary” nung pinansin ako ni crush, nung kinausap ako ni crush, nung sinabayan ako ni crush pag-uwi, et cetera, et cetera.


Kaya ang paglilinis ay may kasamang pagrereminisce.  Linis:reminisce, tugma naman.


Nang mapagod ay naisipan kong magbukas ng aking desktop PC.  Matagal‑tagal ko na din itong hindi nagagamit mula ng magkaroon ako ng company‑issued laptop.  Di ko namalayan na naka-automatic log in pala ako sa isang chat application.  Sa kalagitnaan nang pagbubukas ko sa mga lumang folders ko ay may nag-pop na chat window.


Wondering_Soul:  Hi, Angel!


Persleydi:  ?


Wondering_Soul:  Hi, Angel!


Persleydi:  I’m sorry, but I am not Angel.


WS:  Alam ko.  Pero natuwa ako nung makita ko ang pangalan mo na nag‑alert sa mga naka-online.


WS:  Para kang anghel na bumaba sa langit. Ü


Wala ako sa mood magpaka-maldita kaya naisipan kong kausapin na din si Wondering Soul. Pampalipas-oras.  Pangtanggal-pagod.


P:  Di ba obsolete na ang chat app na ito?  Naka-automatic log in nga lang ako kaya nabuksan sa desktop.


P:  At saka paano mo ‘ko nakitang online eh wala ka naman sa contacts ko, at ‘di nga kita kilala?


WS:  Ang bilis mo namang makalimot.


WS:  Sabagay, matagal-tagal na ‘rin yun.  Wala pa ngang Friendster nung panahon na ‘yun.


Palihim akong napangiti.  Oo nga naman, mukhang matagal na panahon na talaga, sarado na ang Friendster ngayon eh.


P:  Ah, matagal-tagal na nga. :D


WS:  Saglit lang tayo nagka-chat that time.  Parang nasa night shift ka ata nun if I remember it right.  Ako naman ay patulog na.


“’Nak, parine na at kakain na.  Paborito mo ang ulam, patola con miswa.”


P:  O sya, nice talking to you again.  Tumawag na nanay ko, dinner time.


WS:  Wait!  May FB ka?  Viber?  Skype?  Pahingi na lang ng number mo.


P:  Bye!


_____________________________________


Certified NBSB - Part 1
Certified NBSB - Part 2
Certified NBSB - Part 4

Saturday, November 22, 2014

Sunset

When I view the sunset
All I see and think is you
I know it's wishful thinking
But it may still come true.

As hope is to the rainbow

This dreamer will never stop
I also was once a soldier
Who got wounded in the war.

I am also a wanderer

Who treks the dusty street
I stop when the light turns red
And walks again on green.

As I move forward, sail on

Fly high and walk some more
I'll take with me our song
To calm me when there's a storm.

As the sun rises back

My eyes will slowly peek
To gaze at the horizon
While the light kisses my cheek.

There is hope.

There is love.
I will wait for you.
I'll just stand right here.


Saturday, April 26, 2014

Certified NBSB – Part 2

“Tinnnnnnnnnnnn!”


Hindi ko na kailangang lumingon pa para malaman kung sino ang tumatawag sa akin.  Ang mga lukaret kong kaibigan.

‘Yan ang nakakatuwa sa amin.  Nagsitanda na at lahat.  Jologs pa rin pag magkakasama.  Cowboy.  Bawal ang mag-inarte.


Humimpil ako sa tapat ng shoe store para hintayin sila mula sa aking likuran.  Unang nakalapit sa akin si Myrtle.  Isang mahigpit na yakap at matunog na beso‑beso ang ibinigay sa akin na para bang sampung taon kaming hindi nagkita.  Eh last week lang naman kami magkakasama sa charity event nung isang ka-batch namin nung high school na Mayor na sa Cabanatuan ngayon.


Maya-maya ay naabutan na din kami ni Gelai, Czarina, at ni Drew.


“Saan tayo?  Same place?”


“Ahhmmm, pwede bang sa Chili’s tayo ngayon?  Parang gusto ko ng Mexican,” suhestiyon ni Gelai.  “Naglilihi?” halos panabay na wika naming lahat kasunod ng matunog na halakhakan papunta sa lokasyon ng pamosong restaurant.


Noong una, ang engagement ring ang pinagkaguluhan namin.  Sipat dito, sipat doon.  Akala mo naman naiintindihan namin ang karat ng mga dyamanteng nakapalibot sa daliri ni Gelai.


Kaya naman kasi ni Frank na magbigay ng mamahaling ornamento para kay sis.  Malakas na ang hotdog foodcart business nya sa Marinduque.  Madami na rin ang kumukuha ng franchise ng “Franksters” kahit sa kaMaynilaan at sa ibang mga lugar sa Pilipinas.


Natahimik ang lahat nang i-serve na ang appetizers.  Dinampot ko ang quesadilla at tahimik na kumain.


“Oy, may dumaang anghel!” wika ni Drew sabay siko sa akin.


“Ha?”  Patay-malisyang tugon ko.


“Wala.  Sabi ko matakaw ka.  Hahaha!” Pabirong sunod ni Drew nung nakuha na nya ang atensyon ko.


“Ano na nga ang topic?”


Sumagot si Myrtle habang akmang isusubo na ang mozarella ball na nasa kanyang tinidor, “Binibining Kristinella Arguelles, ikaw, kelan?”


Alam ko na ang ibig sabihin ng tanong na iyon.


Ilang milyong beses na ba?

Pinandilatan ko sya ng mata at saka pabuntung-hiningang sinabi, “Bukas na, gabi na eh. Tulog na ang pari,” sabay inom ng aking watermelon shake para lunurin ang malakas na tawanan ng apat kong mga kaibigan.



________________________________________

Certified NBSB - Part 1
Certified NBSB - Part 3

Thursday, April 10, 2014

Certified NBSB – Part 1


“Mga sis… I’m engaged!!! ”


Ito ang nakita kong post ng aking kaibigang si Gelai sa group namin sa Facebook.


“I’m so happy for you, kapatid! ♥♥♥” naman ang isinagot ko sa announcement n’yang ito.  Tiyak ako na ako pa lang ang nakakikita ng post na ito sa aming magkakabarkada sapagkat wala pang ibang nagko-comment.  For sure, trending na naman ito maya-maya lang. 


Umalis ako saglit sa station ko para magtimpla ng kape sa pantry.  “Low-volume day” ngayon kaya petiks ang drama ko.  “Ma’am, nakabili na po ako ng creamer.  Andun po sa cupboard,” bati ng aming utility man na si Mang Joel.  Alam na nya na ‘di ako umiinom ng kape na walang creamer, at alam din nya na iisang brand lang ng creamer ang ka-partner ng kape ko.  Kaya nung makita nyang paubos na ang supplies, sumaglit na sya sa supermarket na malapit lang din naman sa aming opisina.


Bitbit ko na ang aking mug pagbalik ko sa pwesto ko.  Nang muli kong i-refresh ang PC ko ay nakita kong nag-change na ng status si Gelai.  “Got Engaged with Frank Martinez.” Isang hingang-malalim lang at tyak na magsasalimbayan na ang comments ng madlang pipol.


Habang hinihigop ko ang maligamgam kong kape (ayoko kasi ng mainit na mainit kaya hinahaluan ko pa ng tubig na malamig… weird lang), napunta ang isip ko sa kung saan.


Nagbibilang na pala ako.


Una si Czarina, 2002.  2003 naman si Myrtle.  Nabuntis si Drew noong 2005, at saka ikinasal noong 2006 pagkapanganak sa panganay nyang si Jenine na naging inaanak ko.  Lumiban muna ng ilang taon.  Nadagdagan pa ang aking mga inaanak (at kumpare).  Ngayon, 2010, este, kanina lang pala, engaged na si Gelai.


Shit!


AKO NA LANG ANG SINGLE?


Medyo napalakas ata ang pagbagsak ko ng mug ko sa coaster dahil napalingon ang CEO namin sa kinaroroonan ko.


“Ay, sorry, Ma’am.  Hindi po ako galit.  Nagulat lang.”  Pabirong wika ko kay Ma’am Ems.  “Nakakagulat ka naman kasi, akala ko bumagsak na ang stock market sa pagkakabagsak mo ng mug mo.  Lovelife ba ‘yan?” 


“Naku, ma’am… wish ko lang,”  sabay ngiti kay bossing.


Nakatanggap ako ng SMS galing kay Gelai bago mag alas-singko.  “Gang wat tym ka ngayon?”  Sanay na kasi ang mga kaibigan ko na flexi ang schedule ko, kaya walang oras ang pasok, walang oras din ang uwi.


“Out na ko ng 5:30. :)”


“Ok.  Kitakits tyo ng mga girls s Greenbelt 5.  Dinner & catching up.  Txt txt n lng.  C yah!”


Alam ko na ang magiging topic.


________________________________________


Certified NBSB - Part 2



Sunday, February 2, 2014

Ngiti

Lumiliit ang singkit na mga mata
Ang ngiti nama'y abot hanggang tainga
At di mapalagay ang kaba sa dibdib
Pag ang pangalan mo'y akin nang nadinig.


Nakatutuwang isipin kung saan nagsimula

Ang sabi nila tawag daw ay paghanga
Sa mga sugat na aking pinagdaanan
Hindi inakalang kita'y masusumpungan.


Salamat sa mga ngiting palaging nariyan

Lalu na sa panahong di ko inaasahan
Hiling ko lang sana'y walang magbago
Sa pagkakaibigang sa ati'y nabuo.


Inspirasyon nga siguro kita,

Parang bata lang, di ba?
Naibsan ang lumbay ng pusong bato
Kahit batid na iba naman ang 'yong gusto.


Friday, January 24, 2014

Lilipas Din

Sa simula lang pala talaga masakit.

Akala ko ay dead end na ang napuntahan ko.


Napakaraming minuto, oras, araw, taon, luha at tissue ang aking inaksaya sa iyong pagkawala.


Pero totoo palang lahat ng sugat ay naghihilom sa takdang panahon, depende nga lamang sa sitwasyon.  Katulad din kasi ng isang tao na may diabetes, kapag sobrang tamis, mas matagal ding gumaling ang mga sugat.  Pero gagaling at gagaling pa din eh.


May point.


Ngayon, atapang-a-tao na ako.


Siguro kahit may nararamdaman man akong kaunting kirot, 'yun ay dahil na lamang sa pilat na iniwan nung mga sugat.  MGA talaga, kasi madami eh!  (Pabili nga po ng sebo de macho!)


Mabuti na lang at ang puso ko ay naka-Energizer.  It keeps on going, and going, and going ... Kahit nasugatan na, tumitibok pa din!


Ngayon nga, kapag nililingon ko 'yung mga bakas ng kahapon, napapangiti na lang ako sa mga masasayang sandali.  At lalong mas napapalakas ang tawa ko kapag naalala ko ang mga katangahang pinaggagawa ko noong "lulong" pa ako sa pagmamahal niya.


Oh well, nakaka-aliw lang magbalik-tanaw kapag hindi mapalagay ang mga uod sa iyong isipan dahil sa sobrang dami ng kape at tsaang nainom.


Tama nga sila, lilipas din.


Sabi nga ng isang kaibigan ko, andun lang 'yung puwang nila sa puso natin, pero unti-unti din itong liliit hanggang sa mawala na nang tuluyan para sa paghahanda sa susunod na ookupa dun!  Bongga lang, di ba?


Kaya ikaw, kaibigan, broken-hearted ka ba ngayon?


Iiyak mo lang!


Maniwala ka, parang sakit lang ng isang sirang ngipin 'yan.  Kailangang magamot - pasta o bunot.  Kapag nagpabunot ka nga, makirot lang sa umpisa, 'di ba?  Pero magigising ka na lang isang araw na wala na ang sakit.  Ang masasalat na lamang ng dila mo ay 'yung puwang ng dating pwesto ng ngipin na nawala, pero wala ka nang sakit na mararamdaman.


Lilipas din nga. :)