Monday, May 22, 2017

NBSB No More - Part 5


5:  LOVE MOVES


Maaga pa lang kinabukasan ay may text na akong natanggap mula kay Mark.  Nagpapaalam siya na kung maaari raw ay susunduin niya ako paglabas sa opisina.  May commitment na akong lalabas kasama ang team ko for some clean fun kaya nag-decline na muna ako, subalit sinabi ko rin namang free ang schedule ko the following day.

Alas-kwatro pa lamang ng hapon ay tumawag na siyang papunta na siya sa office ko.  Sinabi kong 5 pa ang out ko dahil may mga kailangan pa akong tapusing E‑mails.  Halos 5:30 na rin nga ako nakababa dahil may isa pang correspondence na ipina‑rush si Ma’am Ems sa akin.

Pagbukas ng elevator ay nakita ko na agad si Mark na nakaupo sa may couch sa tabi ng reception area.  Maaga pa, kaya ang bagong security na si Jessie pa ang naka-duty.  Kilala na rin naman ako sa mukha nito, kaya pagdaan ko ay bahagya siyang ngumiti at bumati sa akin.

Pagkakita ni Mark sa akin ay kaagad siyang tumayo habang inaayos ang kaniyang coat na bahagyang nalukot sa pagkakaupo.

“Hi, Tin!  How’s your day?”, masiglang bati ng binata sa akin.

“Hey, Mark, I’m good.  Thanks!  Formal tayo, ah… sa’n ang lakad?” pabiro kong tanong sa kaniya.

Napangiti na rin siya nang tuluyan.  “Ammm, I actually had a meeting with a new business partner kaya nakapang-malakasan.”

Pagdating sa parking lot ay agad hinanap ng mga mata ko ang kaniyang asul na sasakyan, subalit wala ito roon.  Iginiya niya ako papunta sa direksiyon ng isang maroon na kotse.  Mukhang bago pa rin ito at personalized ang plaka sapagkat napansin kong MRK ang mga letra nito.

Tumunog ang alarm ng sasakyan nang kami ay papalapit na.  Binuksan ni Mark ang pinto ng kotse sa side ko subalit hindi muna ako pinasakay nito.  Yumuko siya pasumandali upang kuhanin ang isang bagay na nakapatong sa may upuan.  Paglabas niyang muli ay iniabot sa akin ang isang bouquet ng bulaklak, puro pink Equadorian roses!

“Pink daw ang favorite color mo sabi ni Gelai.  So… for you…”

Bahagya kong inamoy ang mga talulot nito at saka ako nagpasalamat sa kaniya sabay pasok na rin sa loob ng sasakyan.  Umikot siya papunta sa driver’s side at masiglang pinaandar ang kotse.

Magaang ang kwentuhang namagitan sa aming dalawa sa kahabaan ng aming byahe.  Biniro pa ako ni Mark na kotse raw ang naisipan niyang dalhin pagsundo sa akin dahil napansin niyang nahihirapan akong mag-akyat-baba sa Ford dahil sa taas nito.  Ito kasi ang sasakyan na madalas niyang dala sa tuwing naisasakay niya ako sa ilang pagtitipon dati.  Natampal ko nang bahagya ang kaniyang balikat sa aking pagkakatawa.

Kinumusta rin niya ang naging takbo ng aking maghapon sa opisina, at gayundin ang itinanong ko sa kaniya.

Paghimpil sa tapat ng aming bahay ay natanaw kong sumilip si Nanay mula sa kusina.  Aninag ang liwanag na nagmumula sa TV sa aming sala, kaya alam kong naroroon din si Tatay.

Batid ng dalawang matanda na kasama kong darating si Mark.  Si Nanay na rin ang nagsabing doon na maghapunan ang binata para raw maka-kwentuhan din nila ito.  Kinakabahan man ako ay umayon na rin ako sa kagustuhan ng aking mga magulang.

Bago pa kami nakapasok sa aming bakuran ay nakita kong sinenyasan na ni Nanay si Tatay upang lumabas kasama niya.

Relaxed na relaxed lang si Mark.

Pagpasok sa aming terrace ay kaagad itong humalik sa kamay ng mga magulang ko.  “Mano po,” kaagad na sabi ng aking kasama sabay abot ng isang cake box sa nanay ko.

“Kaawaan ka ng Diyos, anak,” tugon naman ng aking Nanay.

Naiwan sa living room ang tatay ko kasama si Mark habang inihahanda namin ng nanay ko ang hapag-kainan.  Dahil kanugnog lang naman ng aming komedor ang sala ay mabilis kong nasisipat ang dalawang lalaki.

Hindi ko kinakitaan ng nerbyos o awkwardness si Mark.  Dinig ko ang masaya nilang usapan tungkol sa basketball.  Pareho pala silang Ginebra fan ng tatay ko.  Maya‑maya’y napunta na sa pulitika ang kanilang diskusyon.  Tipikal na usapang‑lalaki.

Di kalaunan ay tinawag na sila ni Nanay upang makapaghapunan.

Mukhang at home na at home ang binata.  Nag-second serving pa siya talaga sa pork sinigang.

“Di po ako mahihiya, tita.   Super sarap po ng sinigang ninyo, parang luto ni mommy ko!  ‘yung natutunaw ung taba sa sobrang lambot!!!”

Napatawa ako ng malakas sabay sabing, “Eh akala ko ba diet ka?”

“Kaya kong i-burn sa gym ito bukas, promise,” pabirong sagot naman ni Mark sabay higop ulit sa sabaw.

Maya-kaunti pa’y inilabas ko na rin ang red velvet cake na dala niya.  Maliliit lamang na slice ang aking ginawa sapagkat alam kong di naman kakain nang madami ang mag-asawa dahil tumataas na ang sugar nila, subalit nagustuhan ng tatay ko ang cake at humingi pa ng isang slice.

“Masarap ang pagkakagawa ng cake na ito, hindi masyadong matamis,” puri ng aking ama.

“Naku, ganoon po ba?  Hayaan po ninyo at makakarating sa mommy ko na nagustuhan ninyo ang gawa niyang cake.  Specialty niya po talaga ‘yan.”

Napahinto ako sa pagnguya para suriin kung tama ba ang aking narinig.

Wari’y nahulaan naman ni Mark ang laman ng aking isip.  “Yup, si mommy ang gumawa niyan.  Na-excite nang malamang dadalaw ako dito sa inyo para ma‑meet ang parents mo.  Kaagad nag-volunteer na magbe-bake daw sya.  Kaya I’m pretty sure na tataba ang puso ‘nun pag nalamang nagustuhan nina Tito and Tita ang gawa niya!”

Sa sala na namin ipinagpatuloy ang kwentuhan.  Saglit kaming sinamahan ng aking mga magulang habang umiinom ng tsaa.  Maya-maya ay nagpaalam na rin ang mga ito upang makapagpahinga na.

Nakatuon pa ang aking mga mata sa kapipinid lamang na kwarto nang mag-asawa nang biglang nagsalita si Mark.

“Ang cool ng parents mo, Tin.  Nakakatuwa si Tito Ed, ang dami niyang kuwento.  Saglit pa lang kami nagkakausap kanina before dinner, pero ang dami ko na nakuhang insight sa kanya!”

Ako man ay naninibago rin kay tatay.  Kilala ko siya bilang isang seryoso at hindi palakibong tao, pero sa tingin ko nga kanina ay nag-enjoy din itong kausap ang aking bisita.

“Uy, magmemessage na lang ako kay Tita Carmen about the red velvet.  Ang sarap ng cake na gawa niya, promise!”

Nakatingin lamang si Mark sa akin pero bakas sa mukha niya ang kasiyahan.

Nakakatuwa ang taong ito, when I thought eh napakahambog niya when we first met for Gelai and Frank's wedding.

Hindi namin namalayan ang oras sa dami ng aming napagkwentuhan.

Bandang alas-diyes ay nagpaalam na rin si Mark.

Hindi na pumanaog ang dalawang matanda kaya pakiwari ko ay nakatulog na ang mga ito.  “Salamat sa pagdalaw, Mark.  And thanks ulit for the cake.”

“No, I should be the one thanking you.  Na-appreciate ko ang warmth ng family mo.  I hope this won’t be the last time.  Papayagan mo ba akong bumisita ulit?”

Namula na naman ang pisngi ko.

Isang mahinang, “sure,” lamang ang naging sagot ko.

Biglang sumigla ang mukha ng aking kausap.

“Sya, pumasok ka na bago ako umalis.  I’ll be fine from here, Tin.  Good night and thanks again.”

Pagtango ako ay tumalikod na rin ako papasok sa aming bahay.  Lumingon lamang akong muli nang ako ay nasa may terrace na.  Masaya pa ring nakangiti si Mark sa akin.

“Sige na, Mark.  Good night.”

Iniligpit ko lamang sandali ang mga pinag-inuman ng tsaa at di naglaon ay umakyat na rin ako para magpahinga.

Ilang saglit pa ay tumunog ang aking cell phone.

Si Mark.

To:  Tin (+63917-503-xxxx):  “Home na, magandang binibini.  Thanks again.  Pahinga ka na po.”

To:  Mark Mayabang (+63917-551-xxxx):  Ukis.  Nyt po.

Natawa ako nang mapansin ko ang pangalan niya sa phone book ko.

Pumunta ako sa contacts para i-edit ang kaniyang pangalan.

Ang dating Mark Mayabang, ngayon ay ginawa ko ng Mark lang.

At sa unang pagkakataon sa loob nang mahabang panahon, pakiramdam ko ay ngayon lang ulit ako natulog nang may ngiti sa aking mga labi.

___________________________________

Itutuloy...

No comments:

Post a Comment