Tuesday, February 28, 2017

NBSB No More - Part 4


4:  ONE STEP CLOSER


Ilang beses ko pang binalikan ang timeline ni Mark nang mga sumunod na araw.  Ilan sa mga nag-comment sa picture na post niya sa restaurant ay ang mga kaibigan ko.  “Hmmm, sino kasama mo?”, ani Gelai.  “Alam ba ni Tita Carmen, ‘yan, cuzz?”, si Frank naman.  ‘Yung ibang comments marahil ay galing sa mga kaibigan ninya, dahil hindi ko naman sila mga kakilala, “Never let her go, dude!”… “Is this really is it?”

Wala ni isa mang komento si Mark sa mga ito.  Kahit ‘like,’ wala.

Lihim akong napangiti sa mga nabasa ko.

“Oy, Kristinella!  Ano ‘yan?  Bakit ka nakangiti?” Pilit kong sinaway ang sarili ko sa anumang nagtatalo sa isip ko.

O sa puso ko.

Oh no!

“Ma’am, parang may naka-MO na finally,” biro ng aking secretary na si Rizza habang nakatingin sa loob ng opisina ni Ma’am Ems, ang aming CEO.

Bitbit ang kaniyang personalized mug, tumayo ang boss ko sa tapat ng aking cubicle subalit ang mata ay patungo sa direksiyon ng cubicle ni Rizza.  “Ano ‘ung MO, Rizza?  Paki-explain?”

“Ma’am, MO… moved on,” sabay lakad patungo sa tapat ng kinauupuan ko.

Hindi pa rin ako kumikibo, subalit pigil na pigil na ang aking pagtawa sa usapan ng dalawang babaeng nasa akin nang harapan.

Umismid ako sa kanila sabay sabing, “Saan naman nanggaling ang balitang ‘yan, aber?”

“Ms. Tin, aba… nagluluto ka na ulit… nagbi-bake ka na ulit… medyo mga 5 pounds na nga ang nadagdag ulit sa weight naming lahat dito sa opisina dahil sa mga dinadala mong masasarap na pagkain!  You’re back!  You’re definitely back!”

Pagkasabi nito’y narinig ko na rin ang mahinang tawanan ng team members ko na nasa bandang unahan lamang ng aking puwesto.

Nag-galit-galitan ako.  “Okay, enough.  Back to work,” na sinabayan ko pa ng pakunwaring pagpalakpak ng kamay.

Napansin ko na lamang na nakangiti rin ako habang nirerebisa ang file ng isang bagong aplikante para sa team ko.

Patapos na ang lunch break ko nang may pumasok na SMS sa aking phone.

Si Mark.

“Hi Tin, bc ba?  Ask lng sana ako ng help, ano b mgndang gift s isang girl n teenager?”

“Ok lng.  Light load 2day.  Hmmm.. ilang taon?”

Biglang tumunog ang aking office phone.  Si Mark ulit.

Nagpaliwanag na tumawag na lamang daw siya para mas ma-explain niya nang ayos kung ano ‘yung tulong na kailangan niya.

Sa bandang huli ay naihirit pa niya ang paanyaya kung maaari ba raw maisama niya ako sa pagdalo sa debut ng pamangkin nila sa pinsan ni Frank.  Ang excuse pa niya ay para raw may makausap si Gelai during the party.

Pinaunlakan ko naman ang imbitasyon.

Bakas sa mukha ni Tita Carmen ang kasiyahan nang makitang kasama ako ng kaniyang anak sa selebrasyon na pakiwari ko’y para lamang sa malalapit nilang kaibigan at kamag-anak.  Napaka-intimate ng pagdiriwang.

“Mare, ano’ng meron?” tanong ni Gelai sa akin habang pinanonood namin si Frank na isinasayaw ang birthday celebrator.

“Wala,” diretsong sagot ko sa aking kaibigan.

“Oy, Kristinella, ‘wag ako… tell me, nanliligaw na ba si Mark sa iyo?  O kayo na?  Umayos ka!  We should know first!!!”  Kinikilig pa si Gelai habang sunud-sunod na ibinabato sa akin ang mga tanong niya.

“Sis, wala talaga.  We’re just friends.  Siyempre, kung meron naman talaga, alangang i-secret ko pa sa inyo?  Wala talaga… promise.”  Gumuhit pa ako ng pa‑krus sa aking kaliwang dibdib na waring sinasabi na cross my heart.

Malalim na ang gabi nang matapos ang pagtitipon.  Hindi muna sumama si Tita Carmen pabalik ng Manila dahil gusto raw makalanghap muna ng sariwang hangin sa probinsya.

Napakarami naming napag-kwentuhan ni Mark sa haba ng byahe.  Noon ko lang nalaman na isa pala syang car enthusiast.  Naikwento rin niya ang mga struggles and successes ng mga family businesses nila.  Nabanggit rin niya ang dahilan ng breakup nila ng ex-gf niya.  Yeah, ‘yung territorial na girl na nakita ko nang maging magka-partner kami sa kasal nina Gelai and Frank a few years back.

Nasa expressway na kami nang maiginda ang usapan sa akin at kay Wilson.  Hindi ko na rin ibinigay ang mga detalye bilang respeto sa pinagsamahan namin.  Isa na lang din talagang bahagi ng aking ala-ala ‘yung mga nangyari in the past.  Wala na akong sakit na naramdaman.  Walang nasaling sa emosyon ko.  Factual na ang pagkukwento ko sa nangyari sa aming dalawa.

Naka-MO na nga talaga ako.

Hindi na rin naman masyadong nag-usisa si Mark about him.

Bumalik ang kwentuhan namin sa mga paboritong pagkain, at nabanggit niyang paborito niya ang goto na luto ng mommy niya bilang comfort food tuwing stressed siya. Nagkatawanan pa kami ng malakas nang sabay naming masabi ang “tokwa’t baboy” na punung-puno ng excitement.

Halos madaling-araw na kami nakarating sa amin.  Hindi pa ako nakababa agad ng sasakyan sapagkat panay pa rin ang tawanan naming dalawa sa isang kwento na hindi ko na matandaan kung ano.

Pagkalipas ng ilang minuto ay nagpaalam na rin ako sa kaniya upang makauwi na rin siya at makapagpahinga.

Biglang sumeryoso ang mukha ni Mark, at bago pa ako nakababa ay bahagyang hinawakan nito ang aking kaliwang braso, “Tin…”  Pumihit akong pabalik sa loob ng sasakyan.

“Yes po?’…

Humarap ako nang bahagya sa direksiyon niya.  Biglang lumakas ang kaba ng aking dibdib.

“Thank you for accepting my invitiation.  I hope you enjoyed the party,” ani Mark sa akin.

Ngumiti ako bilang indikasyon na nag-enjoy naman ako sa pagdalo.  “Hey, thanks for the invite din.  Namiss ko rin talagang ka-bonding si Gelai at si Angela.”

“Sila lang ang na-miss mo?  Wala ng iba?”

“At siyempre, si Tita Carmen!  She’s such a warm person!”

Alam ko kung saan patungo ang biro na iyon ni Mark.

Bumulong na naman ang kunsensiya ko, “Oy, Tin… huwag ka ngang assuming!”

Iyon ang nagpabalik sa akin sa reyalidad.

“Mark, paano?  I should go na, masyado nang late.. at saka para makapagpahinga ka na rin.  Thanks again, and good night.”

“Wait… one last…” pigil ni Mark sa akin habang muling tinapik ang aking braso.

Nakarinig ako ng isang malalim na buntung-hininga at isang pabulong na “here it goes…”

Seryosong tumitig si Mark sa akin sabay sabing, “Tin, I know it’s too soon, and I don’t know what’ll happen next, pero I have to ask na… pwede ba akong pumasyal sa inyo one of these days?  You know… present myself to you, to your parents…”

Halatang kinakabahan si Mark dahil sunud-sunod ang pagsasalita niya.  Walang pause.

“Manliligaw ka?” diretsong tanong ko sa kanya.

Isang nahihiyang “oo sana” ang sagot niya.  Sa dilim ng paligid ay bahagya ko pa ring naaninag ang tila ba pamumulang bigla ng kaniyang mga pisngi.

Hindi ako umimik.  Pumihit ako at diretsong bumaba na sa kaniyang sasakyan.

Nasa may gate na ako nang muli akong tumingin sa kaniya at ngumiti.

"Ok.  Good night."

______________________

Itutuloy...

NBSB No More - Part 3
NBSB No More - Part 5