Tuesday, July 14, 2015

Certified NBSB - Part 4


“Feel better, ok?  Wag ka na munang mag-isip tungkol sa trabaho.  Pahinga ka lang.”  Yan ang sabi ng boss ko sa kabilang linya.  I called in sick at nilalagnat ako, marahil dahil sa nabasa ako ng ulan kagabi habang naglalakad palabas ng office.

I have all day to recuperate, sabi ng bubble talk ko.  Kailangan kong gumaling agad dahil company outing na namin sa weekend at ayokong ma-miss ang event na 'yun... di na naman ako makakasama sa pictures pag nagkataon tulad nang nangyari nung huling Christmas party dahil napasabay sa 60th birthday party ng tatay ko.

Wala namang may gustong magkasakit, pero lalo ko talagang na-aappreciate si nanay sa ganitong mga pagkakataon.  Alagang-nanay at its finest.  Nakahanda na agad ang pranelang pyjama at 'yung paborito kong Toronto Blue Jays na T-shirt na sobrang nipis na sa pagkaluma pero lagi ko pa ding isinusuot na pantulog (presko kasi).  Maya't maya ay umaakyat din siya para tingnan kung bumaba na ang lagnat ko, bitbit ang plangganang may yelo at Green Cross™ alcohol para palitan ung bimpong inilagay sa noo ko.  Bandang alas-onse ng tanghali ay tinawag na ako para kumain at uminom ng gamot.  Kaya ko namang bumangon kaya di na ako nagpahatid pa ng pagkain sa kwarto.

Bagong-lutong tinolang manok ang nasa mesa.  Naramdaman ko agad ang pagkulo ng tiyan ko nang maamoy ko ang mabangong sabaw nito.  Hindi ko na sila hinintay na makadulog sa hapag.  Excused akong kumain nang mas maaga sa kanila dahil may sakit ako.  Naubos ko ang sinandok ni nanay na kanin sa plato ko at nag-take 2 pa ako sa sabaw.  Pagkatapos kumain ay ininom ko na ang paracetamol na naka-stock dun sa medicine cabinet.

Pinagpawisan ako nang inam pagkakain kaya mas bumuti ang pakiramdam ko.

“Hinibasan ka na, anak.  Magpalit ka na ulit ng damit at basa na ng pawis ang suot mo.”

“Opo, 'nay” lang ang nasabi ko at pumanhik na akong muli sa aking silid.

Hindi naman ako nakabalik agad sa paghiga dahil bukod sa busog nga ako ay gumaan-gaan na ang aking pakiramdam.  Naisipan kong mag-check ng mga E-mails sa trabaho at baka may urgent concerns na kailangang sagutin.  Wala namang kailangan ng agarang sagot ko, kaya naisipan kong mag-Facebook na lang.  Nalilibang ako sa pagbabasa ng mga posts nang biglang nag pop ang chat window ko.

Si Wondering Soul.

Wondering_Soul:  Hi, Angel!

Persleydi:  Hnd nga po Angel ang name ko.

WS:  Hi, Im  Wilson, 25, Dubai.  Ayan ha, ngpkilala n ko.  Ikw?  ASL nga ulit?  Nklimutan ko n dati eh.

P:  Tin po, 24.  Obviously, girl.  L – dito lang.

WS:  If I may ask, wla k b wrk ngyn at chat ka ng chat?  Hahaha…

P:  Wow.  Tinde.  SL.

WS:  SL?  Male.  Dubai. 

WS:  Jok lng.. ano nga SL?

P:  Sick leave.

WS:  Ahh.. sorry, mejo slow.

So, doon nagsimula ang lahat.

Usual na chitchat.  Ayos ang time zone eh.  Night shift daw sya sa kumpanyang pinagtatrabahuhan nya, kaya may free time sa hapon na makipagkwentuhan sa Pinas.

Habang tumatagal ay mas naging palagay ang loob namin sa isa’t isa.  Nagpalitan ng contact numbers… nag-uusap thru E-mail.  Isang araw, nagkapadalahan ng picture sa E-mail.  Weh, hindi naman pogi.  (Hindi rin naman ako kagandahan, hahaha!)  Pero masaya syang kausap, anything under the sun talaga.

Ilang buwan ding ganun ang set up.  Basta magkasundo ang oras ng duty nya sa oras ko sa office, umuusok ang chat app.  Fast typist pa ako kaya na-amaze sya.

“Wilson!  Pwd nmn pgkatype mo ng 1 word send mo n agad. J  No need buuin p ang 1 paragraph bago isend, hahaha!  Nkkainip ka mgtype!!!”

Isang araw pagdating ko sa bahay, malayo pa lang ako ay natanaw ko na ang nanay ko na abot-tenga ang ngiti.  Baka may blessing na dumating, kung ano man.  “Mano po.”

“Nak, ‘musta ang araw mo?  Dami bang trabaho?”

Iba talaga.  May something kay mother!  Kinikilig ang nanay ko!

Gosh, baka dumating na ung petition nila pa-US!!!  No!!! (Panic mode na ako dito.)

“Nay, ano’ng meron?”

Patay-malisya ang nanay ko.

“Ano ngang meron?”  Medyo mataas na ng isang decibel ang boses ko.

“Wala.  Sige na, umakyat ka na at magpalit ng damit.”

“Sige po.”  Yun lang ang nasabi ko pagkatapos ay dumiretso na ako sa kwarto ko para makapagbihis ng pambahay.

Natigagal ako pagbukas ko ng pinto.  Feeling ko nga umakyat lahat ng dugo sa mukha ko. Nagba-blush ako!  “Uyyyyy!!!” pabirong udyok ng nanay ko na di ko namalayan ay nasa may likuran ko na pala.

Bakit ba naman hindi ako magigitla.  Isang bouquet ng pink tulips ang nakapatong sa kama ko.

FIRST TIME!!!

Oh my.. panic mode.  

Teka, baka prank ito galing sa mga lukaret kong kaibigan.  Hindi nakakatuwa.  Lagot sila sa akin mamaya.

Unti-unti akong lumapit sa kama at marahang dinampot ang bouquet.  Ang ganda ng mga bulaklak!  Favorite color ko pa talaga!  At saka ko napansin ang maliit na card na naka-stapler sa sinamay fiber.

“Hindi ko binasa ‘yan, Kristinella, ha?”

Defensive ang nanay ko!

“Thank you for being there for me.  WS”

Hihimatayin ata ako.  Nagpalpitate ang dibdib ko at saka para akong binuhusan ng tubig na malamig sa buong katawan pero mainit ‘yung pisngi ko.

“Nak, tumawag pa yang si Wilson kanina sa landline natin.  Nagpakilala.  Nasa Dubai daw sya pero taga-Cavite.  At tinanong kung dumating ang padala nya dito sa atin.”

Speechless ako at nahihiya at the same time dahil kitang-kita ng nanay ko ang raw reaction ko.

Nakaramdam naman si nanay.  Lumabas na din ng kwarto ko para siguro bigyan ako ng chance na makahinga at makasabay sa mga nangyari.

Marahan kong isinara ang pinto ng kwarto ko.  Inilabas ko ang cellphone ko…

Drew… pick up the phone… (nakaka-tatlong ring na...)

Come on, pick it up...

“Heller, bes?”

“Besssssssssssss!!!!!!!”

_____________________________________