Friday, January 24, 2014

Lilipas Din

Sa simula lang pala talaga masakit.

Akala ko ay dead end na ang napuntahan ko.


Napakaraming minuto, oras, araw, taon, luha at tissue ang aking inaksaya sa iyong pagkawala.


Pero totoo palang lahat ng sugat ay naghihilom sa takdang panahon, depende nga lamang sa sitwasyon.  Katulad din kasi ng isang tao na may diabetes, kapag sobrang tamis, mas matagal ding gumaling ang mga sugat.  Pero gagaling at gagaling pa din eh.


May point.


Ngayon, atapang-a-tao na ako.


Siguro kahit may nararamdaman man akong kaunting kirot, 'yun ay dahil na lamang sa pilat na iniwan nung mga sugat.  MGA talaga, kasi madami eh!  (Pabili nga po ng sebo de macho!)


Mabuti na lang at ang puso ko ay naka-Energizer.  It keeps on going, and going, and going ... Kahit nasugatan na, tumitibok pa din!


Ngayon nga, kapag nililingon ko 'yung mga bakas ng kahapon, napapangiti na lang ako sa mga masasayang sandali.  At lalong mas napapalakas ang tawa ko kapag naalala ko ang mga katangahang pinaggagawa ko noong "lulong" pa ako sa pagmamahal niya.


Oh well, nakaka-aliw lang magbalik-tanaw kapag hindi mapalagay ang mga uod sa iyong isipan dahil sa sobrang dami ng kape at tsaang nainom.


Tama nga sila, lilipas din.


Sabi nga ng isang kaibigan ko, andun lang 'yung puwang nila sa puso natin, pero unti-unti din itong liliit hanggang sa mawala na nang tuluyan para sa paghahanda sa susunod na ookupa dun!  Bongga lang, di ba?


Kaya ikaw, kaibigan, broken-hearted ka ba ngayon?


Iiyak mo lang!


Maniwala ka, parang sakit lang ng isang sirang ngipin 'yan.  Kailangang magamot - pasta o bunot.  Kapag nagpabunot ka nga, makirot lang sa umpisa, 'di ba?  Pero magigising ka na lang isang araw na wala na ang sakit.  Ang masasalat na lamang ng dila mo ay 'yung puwang ng dating pwesto ng ngipin na nawala, pero wala ka nang sakit na mararamdaman.


Lilipas din nga. :)